Matunog ang balitang magsusumite ng kanyang courtesy resignation ang isang miyembro ng Gabinete ng Marcos administration.
Health issue umano ang dahilan ng gagawing pagbibitiw ng nasabing opisyal na kilalang malapit sa pangulo.
Pero sinabi ng aking spotter sa Malacanang na posible itong ilagay sa isang sensitibong posisyon kaya niya iiwan ang kasalukuyang departamento.
Ang susunod na opisina ng napapabalitang bababa sa posisyon ay sa loob mismo ng Malacanang.
Kasunod ng report sa balitang ito ay ang paglutang naman ng pangalan nina dating Marikina City Mayor Bayani Fernando at dating Sec. Mike Defensor na napabalitang posibleng maging kahalili ng magre-resign na opisyal.
Kapwa malakas na contender ang dalawa na kilalang malapit na kaalyado ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sinabi pa ng aking spotter na posibleng sa buwan ng Hunyo maganap ang pagbibitiw sa pwesto ng bida nating kalihim na siya namang pagtatapos sa one-year prohibition na mabigyan ng pwesto sa gobyerno ang mga kumandidato noong 2022.
Ang kalihim na bababa sa pwesto ayon pa sa aking spotter ay isang Ilokano na bibigyan ng mas mabigat na tungkulin sa administrasyong Marcos.
Kung totoo ito ay lalabas na hindi tunay ang kanyang magiging dahilan na health issue ang problema kaya niya iiwan ang kasalukuyang posisyon.
Matindi ang stress na pinagdadanan araw-araw ng mga opisyal ng pamahalaan.
Kaya dapat lang na nasa tip-top shape ang kanilang kalusugan.
Ang opisyal na bida sa ating kwento ngayong araw ay si Sec. B…as in Bawang.