JUNK food ang tawag sa mga pagkaing mataas sa asin at asukal ngunit salat sa nutrisyon o sapat na bitamina at mineral.
Usap-usapan ngayon ang isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian na panukalang batas na pagbubuwis sa mga naturang produkto upang masolusyunan ang malnutrisyon sa bansa at makakalap ng karagdagang pondo para sa pamahalaan.
Sa unang tingin, maganda ang layunin. Kung magmamahal ng presyo ang mga junk foods, malamang ay hindi na ito tatangkilikin ng mga konsyumer. Imbes na junk food, pipiliin na lang nila ang mga pagkaing hitik sa nutrisyon.
Pero sa totoo lang, mas mahal ang mga fresh produce kesa junk foods na karaniwang processed gaya ng de lata, fries, noodles, sitsirya, inuming de kolor. At sa pag-aaral, kahit makailang-beses na itong nagtaas ng presyo, mas ito pa rin ang binibili ng mayoryang Pinoy bilang pantawid-gutom.
Giit ng mga nagtataguyod ng panukala, nasa 27 milyong Pinoy na ang lagpas sa ideal na timbang (obese), batay sa umano sa pagaaral na isinagawa ng Food and Nutrition research ng Department of Science and Technology. Dumoble pa raw ito noong 2019. Tinatangka ng panukalang dagdag- buwis namapahina ang konsumo sa mga junk foods na itinuturong salarin sa malawakang obesity sa bansa.
Dagdag Buwis
Makakalikom ng malaking halaga ang gobyerno kapag natuloy ang pagbubuwis sa junk foods. Ang buwis ay itinuturing na lifeblood ng pambansang ekonomiya. Isa ang kapangyarihang magbuwis ng gobyerno sa mga inherent powers ayon sa Saligang Batas. Ang buwis kasi ang magdidikta kung magpapatuloy ang operasyon ng mga makinarya ng pamahalaan.
Ang dagdag na malilikom na buwis sa junk foods ay paraan umano upang mapondohan ang P5.768 trilyong badyet ng gobyerno para sa 2024. Ayon sa tantiya nasa P76 bilyon ang maaaring makalap na dagdag rebenyu kapag naipatupad ang panukala.
Subalit pinapalagan ito ng maraming consumer groups.
Pabigat sa mahihirap ang buwis sa junk foods, ayon sa Suki Network o Samahahan ng Nagkakaisang Konsyumer.
Sa kanilang press statement, sinabi ng SUKI na mismong pamunuan ng Ways and Means Committee sa Kongreso ay tutol sa nabalitaang pagtataas ng buwis sa mga pangmeryenda (snacks) at mga minatamis na inumin(sugared beverages) o SSB-Snacks and Sugared Beverages.
Sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law (TRAIN Law) na pinagtibay noong 2017, ang pagtaas ng excise tax sa matatamis na snacks o inumin ay hindi dapat ipatupad hanggang 2025. Sa huling ulat, napag-alamang nais ng Ways and Means committee ng Kongreso na mahigpit na busisihin ang panukala at timbangin ang kapakinabangan nito,
Tinututulan ng SUKI Network ang hakbang na ito sapagkat itataas lamang nito lalo ang presyo ng mga bilihin at lalo lamang umanong gugutumin ang mga pinakamahirap na pamilyang umaasa lamang sa mga SSB gaya ng three- in- one instant coffee at sitsiryang pantawid-gutom sa araw-araw. Mali umano na ang mga mahihirap ang pinapatawan ng espesyal na buwis gayong mayroon pang ibang mga produkto, kompanya at indibidwal na dapat binubuwisan gaya ng sasakyan, luxury goods, tabako at alak.
Kung usapin naman ng pagsugpo sa malnutrisyon na umano ay siyang isa sa mga layunin ng dagdag buwis, sinabi ng grupo na walang datos na magpapakita na ang buwis sa mga tukoy na pagkain ay totoong nagpapabuti sa kalusugan ng mga tao gaya ng sinasabi ng mga nagtulak ng nasabing ideya. Kung mas malaki umanong koleksyon ng buwis ang habol ng ng pamahalaan, nanawagan sila ng mas masinop na koleksyon mula sa mayayaman at malalaki ang kita at mas maayos pang sistema sa pagbubuwis. Hindi wasto anila, na ang mahihirap ang bubuwisan dahil dagdag pasakit ito sa kalunos-lunos na nilang kasasalukuyang kalagayan.
Hindi pa tamang panahon para patawan ng dagdag buwis ang mga produktong madalas tinatangkilik ng mga bulnerableng sektor. Hindi pa sila nakaka rekober mula sa dalawang taon ng pagkakalugmok sanhi ng pandemya. Madalas, junk food ang tanging nabibili ng kakarampot nilang kita.
Kung totoong makakasugpo ng malnutrisyon ang pagbubuwis sa junk foods, dapat may nakahandang suhestiyon ang batas para sa alternatibong nutrisyon na mas mura at madaling mabili. Kung maari nga, dapat ay may subsidy na pagkain para sa mga hirap makaraos sa pang araw araw. Maraming puwedeng tapyasan sa mga gastos ng gobyerno; hindi dapat pagbubuwis agad ang nakikita at ang puntirya ay ang mga nasa laylayan.
Wala dapat pagtutol sa buwis kung para ito sa ikabubuti ng publiko. Subalit kung sa korapsyon lamang ito mapupunta, ang pagtutol dito ay dapat talagang patampukin pa.