TAMA ba na bawasan ang budget ng mga state universities and colleges (SUC) sa bansa?
Ito ay sa kabila ng pagbigay ng malaking halaga ng kontrobersyal ng confidential at intelligence funds sa ibang ahensiya ng gobyerno na hindi naman kailangan ang extra ng pondo.
Malaking halaga ang nais na ibawas sa pondo ng mga SUC. Pero malaking halaga ang nais na idagdag sa budget ng infrastructure.
Parang hindi yata patas ang pagkahati-hati ng budget.
Nasa P5.9 billion ang halaga na ibabawas sa budget ng Commission on Higher Education (CHEd) at maaapektuhan nito ang 30 SUCs, kasama na ang University of the Philippines System, Mindanao State University, Eastern Visayas State University, Western VIsayas State University, Don Mariano Marcos State University, Cebu Normal University.
Sa aking pananaw, hindi ito makatarungan para sa mga mag-aaral na nais makapasok sa SUCs, lalo pa maraming bilang ng estudyante ang hindi na nakapag-enrol dulot ng iba’t ibang dahilan.
Bago pa mag-pandemic, malaki na ang bilang ng mga estudyante ang ninais na magtrabaho kesa pumasok sa paaralan. Dahil sa hirap ng buhay, pinili nila ang magtrabaho upang makatulong sa gastusin ng pamilya.
Base sa data na inilabas na survey ng Philippine Statistics Authority, malaking factor ang kahirapan sa pagtigil sa pag-aaral kahit pa libre ang tuition fee. Nagiging prayoridad ang ilang pangangailangan gaya ng pagkain at upa sa bahay.
Idagdag pa natin ang pagbaba ng kalidad ng edukasyon sa dalawang taong lockdown dahil sa pandemya. Hindi epektibo sa iba ang online class. Maraming estudyante ang tinamad mag-aral dahil sa bagal ng internet connection at kakulangan sa iba pang educational materials.
Kapansin-pansin din ang paghina sa reading comprehension, mathematics, at science ng mga mag-aaral sa public schools.
Kung patuloy ang pagtaas ng bilang ng dropouts sa ating mga paaralan, maging sa elementarya, high school, o kolehiyo man, ay nakababahala.
Pag mahina ang pundasyon sa elementarya, maaapektuhan nito ang performance ng estudyante sa high school, maging sa pagpasok nito sa college ay magkakaroon din ng negatibong epekto. Nawawalan ng self-esteem ang isang batang sa tingin niya ay hindi sapat ang kanyang kaalaman.
Dapat yata na ang P500 million confidential fund na hinihingi ni Department of Education Secretary Sara Duterte ay i-divert na lang sa CHEdpara mapunan ang kakulangan.
Maraming dapat ayusin na problema sa educational system dito sa ating bansa. Bagama’t maliit na bahagi ng problema ang libreng tuition fee, ang dapat pagtuunan ng CHEd ay paano itaas ang kalidad ng edukasyon.
Hindi ko maintindihan bakit pinaburan na bigyan ng confidential fund ang DepEd pero binawasan ang budget ng CHEd. Akala ko ba ay gustong maging competitive ng Filipino students?
Maraming magagaling at matatalinong estudyantedng Pilipino. Marami sa mga dropout ang gustong muling makapag-aral.
Minsan ay mahirap ang proseso ng muling pagpasok sa paaralan, ngunit kadalasang dahilan ay ang kahirapan.
Paano nga ba maiaahon sa kahirapan ang isang pamilya?
May mga maswerteng kahit na dropouts sila ay umaahon sa buhay. Ngunit hindi madali ang pinagdaanan nila. Meron din namang kahit anong sikap ang gawin ay sadyang mailap ang swerte.
Ngunit, alam nating lahat na mas malaki ang oportunidad kapag nakatapos ng pag-aaral ang isang bata.