PANAHON na para pagpahingahin o i-retire na sa serbisyo ang BRP Sierra Madre.
Ginawa ito ng Missouri Valley Bridge & Iron Company sa Evansville, Indiana at bininyagan noong October 27, 1944 sa pangalang USS LST-821.
Pormal itong kinumisyon o pinagtrabaho November 14, 1944, World War 2, bilang US Tank landing ship.
Ayon sa US Naval Institute, ni-rename itong USS Harnett County noong July 1, 1955.
Noong October 12, 1970, idinestino ito sa Vietnam War bilang helicopter gunship base na may pangalang RVNS My Tho.
April 5, 1976, inilipat ito sa Pilipinas at pinangalanang BRP Sierra Madre.
Sinadya itong idinaong ng ating gobyerno sa Kulumpol ng Ayungin o Ayungin Shoal (Second Thomas Shoal) noong 1999 bilang forward outport o outpost ng Philippines Marines para bantayan at pigilan ang galawan at expansion ng China aggression.
Responde ito ng Pilipinas sa pagsakop ng China sa kalapit na Bahura ng Panganiban or Panganiban Reef (Mischief Reef) na ginawang artificial island at pinostehan ng kanilang militar para igiit ang kanilang ilegal na pag-angkin.
Ang Ayungin Shoal ay parte ng Exclusive Economic Zone at continental shelf ng Pilipinas.
Ito ay matatagpuan sa Spratly Islands na 200 kilometers lang ang layo sa western island ng Pilipinas na Palawan. Pero, 1000 kilometers naman ang layo nito sa pinaka-major land mass ng China, ang Hainan Island.
Importanteng malaman na walang lupang matatagpuan sa ibabaw ng dagat ng Ayungin at ang matandang barko ay nakatambay lang sa mga batuhan ng dagat West Philippines.
Mula noon hanggang ngayon, mainit na ang bumbunan ng China rito, lalo na nang mabigwasan sila ng pinakamasaklap at pinakamatinding sampal ng pagkatalo sa International Arbitral Tribunal noong July 12, 2016.
Tuloy, ginagawang flashpoint ito ng China para bwisitin ang Pilipinas.
Seventy-nine-years-old na ang BRP Sierra Madre at 24 taon dito ay sinerbisyo niya sa Pilipinas.
Uugud-ugod na, kalawangin, nabubulok, derelict, kumbaga – jurassic na. Matagal nang hindi nakatitikim ng paligo ng pintura at tinutubuan na ng talaba.
Kaya naman to the rescue ang Bayan ng Quezon sa Palawan na nagkaisa ang mga munisipyo rito kamakailan na magbakas ng tig-P500,000 para sa face-lifting ng barko.
Hinahangaan at nirerespeto natin ang kanilang bayanihan para maging maayos ang kondisyon ng mga sundalong nagbabantay doon.
Ang aksyon ay pinangunahan ni Councilor Ethel Olid bilang author ng resolution, aprubado ng buong konseho at suportado ni Mayor Joselito Ayala.
Nilinaw ni General Romeo Brawner, chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, na repair at hindi replacement ang kailangan sa BRP Sierra Madre.
Kasabay nito, dapat nang planuhing mabuti ang decommissioning ng BRP Sierra Madre o mag-retire na ito sa serbisyo with honour.
Konting repair na lang ang magagawa riyan at wag na nating hintayin na gumuho yan sa kabulukan balang araw.
Maganda kasi ang pagkakataon ngayon na una, nakatutok ang buong mundo sa pambabastos ng #China sa arbitral ruling at panggigipit sa mga bantay dagat at mangingisda ng Pilipinas.
Pangalawa, dumarami ang mga bansang pumupusisyon sa rule of law pabor sa Pilipinas.
Pangatlo, lumalawig ang military at naval exercises pati joint patrol missions ng Pilipinas sa iba-ibang bansa.
Ang mga kalagayan na yan ay pwedeng magamit para magtayo na ng permanenteng base ang Pilipinas sa Ayungin.
Nakapagpatayo na ng military command ang China sa maraming isla at features sa South China Sea kasama ang ilang isla na saklaw ng ating EEZ sa pamamagitan ng kanilang criminal acrivities sa West Philippines Sea (WPS).
Panahon na para magtayo ng permanenteng structures sa Ayungin at sa ibang features ng WPS.
Ang military/ naval exercises at joint patrols ay magsisilbing cover o proteksyon natin habang itinatayo ang permanent base sa area na saklaw ng Pilipinas.
Kahit manggigil sa galit ang China, mas magiging restrained ang galawan nito dahil nakatingin sa kanya ang buong mundo.
Tapos sabayan pa yan ng mga posibleng legal actions vs China sa relevant international courts na may jurisdiction sa iba-ibang aspeto ng illegal operations nito para umaatake tayo sa legal, battlefield at consolidation ng bansa lalo na ng Pag-asa community at mga sundalo at coast guard na nakaduty sa area.
Pag na-decommission ang BRP Sierra Madre, pwede naman itong i-maintain bilang museum ng laban ng Pilipinas kontra agression ng China sa West Philippines Sea.