Blurring faces, blurring justice

NOONG nasa Balitang Balita pa ako, primetime newscast ng ABC5 (TV5 ngayon), naging malusog na debate ang ipinu-push kong treatment sa mga suspek na ipinaparada ng pulisya tuwing may anti-crime operation.

Nauso kasi noon na isino-showcase ng mga pulis ang prized catch nila sa mga anti-crime drive.

Iminungkahi ko sa network na kapag suspek pa lang sa kaso kahit totoong nahuli sa actual commission of a crime, hindi ipapakita ang mukha, hindi babanggitin ang pangalan, address at mga magulang.

Kapag nakasuhan na at court records na siya, saka pa lang ia-identify ang suspect.

Kung mapapansin ninyo sa foreign news, pag may car chase at naabutan ng police ang suspek, naka-blur ang mukha ng suspek.

May isang kontra-argumento sa proposal: itatago natin identity, pero ang dalawang networks, ipinapakita naman nila, hindi ba tayo magmumukhang tanga niyan?

Sagot ko, hindi.

Yan ang nararapat na magandang gawin at pagrespeto sa welfare ng mga nahuli.

May magandang tanong ang boss namin, paano kung ang nagkasala ay presidente, senador, opisyal ng gobyerno?

Sabi ko pag people in power, for obvious reasons, kilala na sila at lumabag sa batas imbes itaguyod ito, hindi na natin itatago ang identity.

Ang people in power o yung mga nasa kapangyarihan ay nasa loob at labas ng gobyerno tulad ng presidente, may-ari ng corporate empire at big landlord o haciendero.

Noong taong 2000 onwards, may presidente na kinasuhan ng plunder, may billionaire businessman na may tax evasion charges at tumampok ang Hacienda Luisita Massacre.

Bukod sa mga nasa poder ng kapangyarihan, hindi rin dapat itago ang identity ng mga suspek at masterminds sa heinous crimes o mga karumal-dumal na krimen tulad ng rape, plunder, at droga.

Sa Pilipinas, nakakabit na ang social stigma sa mga taong nagkasala sa batas lalo na yung mga ordinaryong tao.

Kadalasan, nahusgahan na sila bago pa man maglabas ng decision ang korte.

Ang nangyayari, nasisira ang pagkatao at kinabukasan ng suspek at pamilya niya.

Ganyan ang dinanas ni Acsa Ramirez, whistleblower ng Landbank sa P432M banking scam.

August 2, 2002, iprinesent siya ni Gloria Arroyo bilang prime suspect imbes whistleblower! Ang buong akala nina Acsa ay iko-congratulate siya.

Dumanas si Acsa at pamilya ng mental, emotional stress. Pati kabuhayan nila naapektuhan.

Nag-atrasan ang mga kliyente ng asawa.

Kasalanan ito ni Gloria.

Nagpatakaran siya na ipresenta ang mga nahuling kriminal para magmukha siyang astig.

Sa rush para magpasikat, ibinida ni NBI Director pa man din na si Reynaldo Wycoco si Acsa bilang suspect.

Feb. 13, 2003, nakuha ni Acsa ang pinakamimithing hustiya nang inabswelto siya ng Ombudsman.

August 29, 2003 nag-apologize si Gloria kay Acsa.

Nangyari na rin ang maling presentation ng suspects sa kaso ng kasamahan namin sa media na si BernadetteTamayo, reporter ng People’s Journal. Isinama ng militar ang litrato niya sa listahan ng mga wanted na Abu Sayyaf members.

Noon namang 2005, sa community orientation ng military sa Mindanao, iprinesenta sa powerpoint ang Enemies of the State. Pasok sa listahan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) at National Union of Journalists of the Philippines (NUJP). Nagdemand kami sa militar na tanggalin kami sa listahan.

Hindi madali magpush ng editorial policy changes sa newsroom at yung kaso ni Acsa ay ginawa kong halimbawa to drive home my point.

Dahil dyan, aprubado ang proposal ko na hindi mag-identify ng suspects to a crime until after properly charged in court.

Sa kaso ng illegal drugs importer, Juanito Jose Remulla III, malinaw na anak siya ni Secretary of Justice Crispin Remulla.

Idiniliver sa bahay nila sa Block 6 Lot 7, Primrose St., Ponte Verde BF Resort Village, Talon Dos ang P1,304,800 halaga ng 893.91 grams ng kush or hybrid marijuana.

Sa simula pa lang, may question na.

Una, October 11, 2022 inaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Pero inabot ng dalawang araw bago inireport sa publiko noong October 13. Ito’y nang nagconfirm si Cavite Governor Jonvic Remulla sa kanyang FB page.

Nakiusap ba ang mga Remulla sa mga otoridad na wag munang ilantad para pagplanuhan ang pag-handle sa kaso lalo’t nasa Geneva, Switzerland ang tatay na si Justice Secretary Remulla?

Nakiusap ba ang Remulla na sila na ang mag-aanunsyo para magmukhang hindi nagkukunsinti?

Pangalawa, nang ipresenta si Juanito, naka-blur ang mukha.

Mali. Dapat ipinakita ang mukha niya.

Anak siya ng justice secretary at heinous crime ang illegal na droga.

Maraming nahuli sa tokhang operations na inilalantad ang mukha kahit sa barangay presentations tapos after a while, mababalita, pinagpapatay sila.

Pangatlo, hindi pina-drug test. Ayaw ng lawyer.

Pero pag mahirap, agad-agad at pwersahan.

Pag positive kasi, dagdag na criminal charges yan.

Very special treatment yarn. Mas nasusunod ang lawyer kesa sa mga otoridad.

Pang-apat. Dapat nag-resign agad-agad si Remulla pero hindi niya ginawa. Nasa kagustuhan daw yan ni Marcos Jr.

Pagtatanggol ni Marcos Jr., no basis at maayos ang trabaho ni Remulla.

Parehong mali.

Hindi ito usapin ng trabaho.

Mahalaga sa Pilipino ang delicadeza, integridad at kredibilidad lalo na kung Cabinet secretary na dapat ay nagtataguyod ng katarungan.

Kung totoong hindi makikialam at hahayaang tumakbo ang hustisya, dapat magbitiw sa pwesto si Remulla.

Pag nagbitiw siya, saka siya makialam sa pamamagitan ng pagbigay ng information sa pulisya sa history ng illegal drugs ng anak. Sigurado, may alam si Remulla sa bisyo at negosyo ng anak. Hindi naman pwedeng living under the rock si Remulla at kelan lang niya nalaman ang involvement ng anak sa illegal na droga.

Dapat ma-realize nina Remulla at Marcos Jr., hangga’t ang ama ay nasa mataas at nananatili sa pwesto, makakapag-impluwensya siya sa kahihinatnan ng kaso.

Kahit ang mere presence lang ni Remulla sa gabinete ay may epekto sa mga humahawak ng mga kaso.

Mangangamba ang mga nakatutok sa kaso gaya ng PDEA, Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug InterdictionTask Group (NAIA IADITG), korte at iba pa hanggat nasa gabinete si Remulla.

Dahil hindi nagbibitiw sa pwesto si Remulla, nabe-blur o lumalabo ang hustisya.

Ano kaya ang assurance na ibinigay ni Marcos Jr. kay Remulla tungkol sa patong-patong na kaso ng anak na si Remulla III?

Nitong Friday, October 14, pormal nang kinasuhan ng paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Remulla III.

May parusa itong lifetime imprisonment at penalty na P500,000 hanggang P10 milyon.

Hiwalay pa yan sa naunang reklamo na paglabag sa Section 4, Article 2 ng RA 9165 tungkol sa importation of illegal drugs na under preliminary investigation na.

Dagdag pa ng PDEA, nahaharap rin sa paglabag sa custom laws si Remulla III.

Dapat paramihin at palakasin pa natin ang panawagang magbitiw sa pwesto si Remulla hanggang dumagundong ito sa justice office at palasyo at tatagos sa kanilang mga konsensya kung may konsensya pa sila.

Ipaliwanag natin ang buong katotohanan sa kaso, ang konteksto, ang mga halimbawa at mga lesson learned o insights.

Good luck sa sistema ng hustisya sa Pilipinas.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]