Bilyonaryong baon sa utang pinalalayas sa mansion?

MINSAN akala natin ay masarap ang pakiramdam ng mga nakatira sa mga exclusive villages at napapaligiran ng mga mayayamang kaibigan.

Hindi pala lahat ng nakikita natin sa ilan sa kanila ay totoo.

Tulad na lamang sa kwento ng buhay ng isang super-rich na real estate executive na ayon sa aking spotter ay halos hindi na makatulog sa laki ng problema.

Bukod kasi sa hindi na n’ya mabayaran ang upa sa tinutuluyan niyang mansion sa isang exclusive village sa Makati City ay malapit na ring mabatak ang mga ipinagyayabang niyang mga sports car at mamahaling SUVs.

Sinabi ng aking mayamang spotter na sobra ang luho sa pamumuhay ng ating bida at halos linggo-linggo kung magpa-party sya kasama ang mga kapwa super-rich at ilang foreign diplomats.

Bagama’t malaki ang kita ng kumpanyang minana niya mula sa kanyang mga magulang ay hindi ito sapat para masustain ang kanyang maluhong pamumuhay.

Pati ang may-ari ng inuupahan niyang mansion ay napipikon na rin sa puro pangakong iniiwan ng ating bida.

Ito ay kahit galing pa sa isa sa mga top billionaire families sa bansa ang landlord ng negosyanteng bida sa ating kwento ngayong araw.

Sinabi ng aking spotter na araw na lang ang bibilangin at kundi pa makakapagbayad sa kanyang renta ang bilyonaryong ito ay tiyak na palalayasin na siya sa inuupahang mansion.

Pero kahit naghihirap na ay ayaw pa ring magpahalata ng ating bida at patunay rito ang sangkatutak pa rin niyang mga bodyguard na laging nakabuntot sa kanya.

Ang bilyonaryong hindi makabayad ng renta at sinasabing baon na rin sa malaking pagkakautang ay si Mr. A…as in Antigo na may negosyong mga lupain.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]