BBM gustong hiyain

HINDI na bago sa bansa ang mga krisis na nararanasan natin ngayon lalo na sa kakulangan sa supply ng pagkain.

Noong nakaraang linggo ay problema sa kakulangan sa supply ng puting sibuyas at asukal ang laman ng mga balita na agad namang natugunan ng pamahalaan.

Mukhang totoo nga ang paalala ni presidential chief legal adviser Juan Ponce Enrile na mayroon talagang mga grupong gustong hiyain ang pangulo.

Lalo pa’t ang pangulo rin ang siyang tagapangasiwa ng Department of Agriculture kung saan sumasailalim ang Sugar Regulatory Authority o SRA.

Pero sorry na lang sa mga pasimuno ng balaking ito dahil nananatili ang suporta ng grupo ng mga negosyante sa pamahalaan at kaagad silang nagsabi na payag silang ibaba hanggang sa P70 per kilo ang presyo ng refined sugar hangga’t hinihintay ang sapat na supply nito sa merkado.

Naalala ko ang kwento dati ni Enrile noong siya ay Defense minister pa ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Nang magkaroon ng krisis sa supply ng asukal ay inimbitahan niya sa isang lunch ang mga sugar stakeholders sa bansa sa Camp Aguinaldo.

Walang malinaw na agenda kung ano ang pag-uusapan basta lunch lang.

Nang tumagal ang kwentuhan sa gitna ng pananghalian ay may nagtanong na negosyante sa kung ano ba talaga ang agenda at nagpatawag ng lunch meeting si Enrile.

Sinabi ng dating defense minister na gusto ng pangulo na maresolba ang problema sa kakulangan sa supply ng asukal noong mga panahong iyun.

Makalipas ang ilang oras ay lumabas sa mga bodega ang nga nakatagong tone-toneladang asukal.

Malamang ay malinaw ang mensahe sa mga negosyante noong panahon iyun na hindi sila makalalabas sa loob ng kampo kundi mapupunta sa mga pamilihan ang mga itinatago nilang asukal.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]