NGAYONG nagsimula na ang kampanya para sa local elections, panahon na marahil para pormal kong sagutin nang isahan na lang ang sandamakmak na mga nagtatanong sa akin ng, ‘sino ba ang dadalhin natin sa Maynila? Sino sa palagay mo ang dapat na maging mayor pagkatapos ng eleksyon sa Mayo?’
Tahasan kong sasabihin, na si Mayor Honey Lacuna po ang aking iboboto at ipinapayong iboto ninyo sa darating na halalan sa Mayo. Alam ko, marami sa inyo, lalo na sa aking mga kaibigan, ang magtatanong kung ano ang nangyari dahil naging kaibigan ko rin naman si Isko Moreno. Pero minsan, dumarating talaga sa buhay natin na kinakailangan tayong mamili nang naaayon sa ating konsensiya. Kung ano ang tama at dapat para sa ikabubuti ng Maynila dahil bilang mga residente, tayo ang magdurusa kapag mali ang iniluklok nating tao.
Sa totoo lang, ‘yung mga tumawag o pesonal na nagtanong sa akin, naliwanagan sila nang husto kung bakit si Mayor Honey ang mas pinili kong ipanalangin na maging mayor sa susunod na mga taon at nagpapasalamat ako na susuportahan din nila si Mayora.
Hindi ko na para isa-isahin pa ang mga dahilan kung bakit inayawan ko ang kalaban ni Mayora Honey dahil baka may magbintang pa na naninira tayo. Mas mabuting pag-usapan na lang ang mga dahilan kung bakit si Mayor Honey ang dapat na suportahan at manalo bilang alkalde ng Maynila sa susunod na tatlong taon.
Sa personal na aspeto, nasaksihan ko nang malapitan ang uri ng pagkatao bilang punong-lungsod ni Mayor Honey. Sinsero at totoo siyang tao, may galang sa mga kasama at may modo. Kaya nga nanatili sa kanya sina Vice Mayor Yul Servo, ang lima sa anim na Congressman, gayundin ang mas nakararaming bilang ng mga konsehal na pawang nagsasabing ‘Ateng-Ate’ siya sa kanila at hindi ‘pa-Bossing.’
Sa mga residente, hindi siya plastik na yayakap-yakapin ka, hahawakan sa mukha at tutulisan ng nguso habang kausap para kunyari sweet, pero pagtalikod ay ebak ka lang pala sa kanya. Kay Mayor Honey, ‘what you see is what you get’. Kung ano ang tunay niyang pagkatao at damdamin, ipinakikita niya, walang halong kaplastikan o pagpapanggap dahil hindi naman siya artista.
May pagpapahalaga at respeto rin si Mayor Honey sa oras ng iba. Hindi niya naging ugali na dahil mayor siya ay okay lang na late dumating sa mga appointment o okasyon o paghintayin ang lahat nang ubod-tagal, lalo na sa mga okasyon na siya ang panauhing pandangal. Lalong di niya ugali ang mang-indyan sa kausap.
Babae man si Mayor Honey, meron siyang isang salita at di hamak na may bayag kumpara sa ibang lalaki diyan. Hindi siya ‘drawing’ o ‘showbiz’ kausap at tunay na naisasanla ang kanyang laway. May pagpapahalaga rin siya sa mga taong tapat sa kanya at hindi siya ‘yung tipong magaling lang makisama kasi pakikinabangan ka o may nakikitang maaring maging pakinabang sa ‘yo at pag nagamit ka na ay itatapon ka na lang.
May breeding at modo at talagang disente rin si Mayor Honey at maliwanag na maayos ang naging pagpapalaki sa kanya ng kanyang mga magulang. May tunay na takot sa Diyos, hindi siya manloloko, hindi bolero at sinungaling, hindi ‘user’ o manggagamit, hindi traydor at higit sa lahat, hindi sakim at uhaw sa kapangyarihan, pansin at pera.
Simpleng tao lang kasi si Mayora. Sa katunayan, hanggang ngayon ay dun pa rin siya nakatira sa apartment nila sa Sta. Mesa. (By the way, tunay din siyang taga-Maynila kaya hindi niya kailangang magsinungaling sa kanyang certificate of candidacy).
Wala rin siyang kayabangan sa katawan at dahil likas namang may utak —‘wag natin kalimutan na isa siyang doktora— hindi niya kailangang magpa-bibo, magpanggap na magaling o matalino siya o may mataas na pinag-aralan. Kumpiyansa siya sa sarili niya kaya naman nananatili itong mababa ang loob at tahimik lamang, habang todo-trabaho na hindi kailangang may nakasunod na mga camera.
Sa katunayan, matapos manalo noong 2022, tahimik na binalikat ni Mayor Honey ang P17.8 bilyong utang na iniwan ni Isko, gayundin ang pagsalo sa mga proyektong inumpisahan lang (sabi nga ni spokesperson at MPIO chief Atty. Princess Abante, para lang daw magamit na ‘resibo’ dahil tatakbo pala sa pagka-Presidente. Sa susunod na kolum na natin pag-usapan ang bagay na ‘yan.)
Anyway, bilang pagpapatuloy, sa dami ng group chat na aking kinabibilangan na may mga kasamang opisyal ng gobyerno, tanging si Mayor Honey lang ang nakita kong opisyal na bago pa man mag-alas 6 ng umaga ay nagpapadala na ng panalangin. Sinisimulan niya ang kanyang araw sa pagdarasal at pasasalamat sa Panginoon. Ang kanyang pananalig at takot sa Diyos ay totoo at hindi pang-propaganda lamang.
Bukod sa totoong inuuna ang Diyos, pamilya at nasasakupan, mahalaga kay Mayora ang tunay na pagkakaibigan at mayroon siyang hiya sa katawan.
Disente siya, may modo at talaga namang kagalang-galang na taong may pagpapahalaga sa dangal at integridad.
Hindi siya tatapak sa ulo ng mga kaibigan o tatalikod sa mga pinangakuan o tumuring sa kanya bilang tunay na pamilya para lamang, umangat, sumikat, makapanlamang o magkaroon ng yaman at kapangyarihan. Hindi rin siya mahilig sa away at paninira. Nakita ko si Mayor bilang mahinhin, malumanay at pasa-todo lang sa mga salbahe at ngayon, dahil marahil sa sobra na ang mga paninira sa kanya ay natuto na din itong pumalag kahit paano pero sa napakabait pa ring kaparaanan. Professional pa rin siya at hangga’t maari ay pinipili niyang dedmahin ang lahat ng tirada sa kanya dahil naniniwala daw siya na hindi naman tanga ang mga tao sa Maynila para hindi malaman kung nagsisinungaling ang isang kandidato sa kanilang harapan.
Lalong hindi sugarol si Mayor Honey at allergic ito sa korapsyon. Dahil kung may korapsyon ito, siguradong pinagpiyestahan at pinalaki na ito na ng mga kalaban niya sa pulitika.
Ang professional na aspeto ni Mayora o kung anong klase si Mayor Honey bilang pulitiko at lingkod-bayan at kung bakit siya ang mas karapat-dapat na maging mayor pa din ng Maynila sa mga darating pang taon ang atin namang tatalakayin sa susunod nating column. Promise.
***
DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to [email protected] or text 0917-3132168.