MAINGAY. Nakabibinging ingay.
Ganyan ko ilarawan ang inaasta ngayon ni Vice President Sara Duterte.
Nandiyang sabihing gusto siyang i-impeach o tanggalin sa pwesto ng mga mambabatas.
Pinabulaanan na ito.
Nandiyang pinupolitika raw siya ng isang senador sa budget hearing.
Alam ba niya na isa siyang politiko? Natural, lahat ng kilos niya, lahat ng sasabihin niya ay parte ng pagiging politiko niya.
Kung ayaw niyang mapulitika siya, pwede naman siyang magkusa na lang na bumaba sa pwesto at maging private citizen. Hindi na kailangan ang impeachment proceedings. Walang pumipigil sa kanya.
Maaari namang tumulong bilang isang private citizen, ‘di kailangang maging isang public official para tumulong.
Bakit nga ba nag-iingay ang Bise Presidente?
Maraming dahilan.
Nariyan ang napipintong paglabas ng warrant of arrest galing sa International Criminal Court o ICC para sa mga akusado sa madugong war on drugs, kasama rito ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, Senators Ronald dela Rosa at Bong Go, at implicated din dito si VP Sara.
Ang kampo ng mga Duterte, kasama na ang kanilang mga kakampi gaya ni Harry Roque, ay patuloy na naglalabas ng mga umano’y tsismis laban kay Pangulong Ferdinand Marcos, Junior.
Kung may alam talaga sila, dapat makatotohanan ang mga ilalabas nilang alegasyon, at suportado ng matibay na ebidensiya. Kung wala, talo sila kasi lalabas na mga tsismosa lang sila.
Isang isyu rin ang pagdawit sa kanyang asawa at kapatid sa drug importation at ito ay isang political harassment daw at wala nang iba. Kung talagang walang kinalaman ang mga akusado, maaari naman nila itong pabulaanan at maglabas ng ebidensiya na hindi sila sangkot sa inaakusa sa kanila.
Para sa akin, makikita ang ugali, personalidad, at katauhan ng isang tao pag nahaharap ito sa isang pagsubok.
Sa Senate hearing hinggil sa budget ng Office of the Vice President, nakita ko roon na kinulang sa respeto ang Bise Presidente. Kinulang sa tamang sagot.
Imbes na sagutin ang tanong kung tungkol saan ang sinulat na niyang libro, ay naglitanya ang bise presidente na ito raw ay pamumulita raw sa budget hearing. Naging historical pa nga siya.
Pwede namang sinagot niya kung ano ang buod ng kwento. Natanong ko tuloy sarili ko kung alam nga ba niya kung tungkol saan yung sinulat niyang libro.
Malinaw naman na ang isyu ay hindi yung kanyang malaking litrato sa likod ng libro, kundi yung P10 milyon budget na hinihingi ni VP Sara para sa distribution ng libro sa isang milyong mag-aaral.
Napakalaking halaga nito na maaari nang gamitin para makapagpatayo ng ilang silid-aralan.
Sana ay magamit ang mahigit na P2 bilyong budget ng OVP sa mga proyekto na ang makikinabang ay ang mga nasa laylayan ng ating lipunan.
Hihintayin ko ang gagawing pag-audit ng Commissuion on Audit kung nagamit nga ng tama ang budget ng OVP.