UNA akong nahalina ng mga bantas (punctuation marks sa English) noong panahon na itinuturo sa elementarya ang komposisyon ng liham.
Ang mga bantas ang nagturo sa akin kung paano ipinadarama ang pangungumusta, ang pag-aalala, ang kasiyahan, para sa taong binibigyan ng liham. Gaya ng ipinako-Koreo namin para sa kapatid ng nanay ko noong mga bata pa kami. Kalakip ng liham ang limang pisong papel na may mukha ni Andres Bonifacio at inaasahang ‘darating na ligtas’ sa mga palad ng tiyuhin kong nasa Bilibid.
Kapag ipinababasa ng teacher sa harap ng klase ang isang artikulo o kuwento sa libro, mga bantas ang gabay kung paano ito bibigyang buhay.
Ilan sa mga unang bantas na natutuhan sa simula ng pag-aaral ang tuldok, kuwit, tandang pananong, tandang padamdam, at panipi.
Paglaon ay mababatid, na napakarami palang bantas!
Sa kabila nito, nagtataka pa rin ako kung bakit napakadominante at napakamakapangyarihan ng tuldok?
Hanggang mapagtantong ang tuldok ay tila dike o dam na umaawat sa rumaragasang mga salita, detalye, at ideya, sa loob ng pangungusap o sa buong talata — lalo sa pagsusulat ng balita.
Minsan, ang tuldok ay parang uyayi na nagpapatahan sa naghahalinhinang kuwit, tandang pananong, at tandang padamdam.
Ang tuldok ay parang ‘mapagtimping tapon’ na tumutulong sa pagtanda ng isang alak upang maabot ang kinakailangang kalidad.
Tuldok din ang solusyon para wakasan ang isang maingay, madaldal, at walang patutunguhang mga salita.
At sa huli, bakit nga ba Bantas?
Sapagkat ang (mga) bantas ay damdamin ng pangungusap.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]