PAG-USAPAN natin ang budget.
Aminin man natin o hindi, mahirap ang mag-budget, lalo na kung kakarampot ang perang dapat mong i-budget.
Paano kung ang kailangang i-budget ay nasa bilyong halaga ng piso?
At paano rin kung ang nanghihingi ng budget para sa kanyang opisina ay ayaw magsalita kung paano niya gugugulin ang pera, at magsasayang lang daw ng oras ang mga mambabatas?
Tama ba ito?
Tingin ko, isa itong pambabastos sa ating mga mambabatas.
Ang tatlong sangay ng gobyerno – Ehekutibo, Lehislatura, at Hudikatura – ay tinuturing na pantay-pantay. Subali’t hindi nangangahulugan na hindi na dapat bigyan ng kurtesiya ang bawat isa.
Sa ipinakita ni Vice President Sara Duterte sa isinasagawang pandinig sa House committee on appropriations at noong nakaraan naman ay sa Senado, ipinamumukha nito na tila mas mataas siya kesa sa mga mambabatas.
Para bang makikitaan ng pagka-irita si VP Duterte sa tuwing siya ay tatanungin kung saan ilalaan ang hinihingi niyang budget para sa kanyang opisina.
Nasa P2.026 bilyon ang gustong budget ni VP Duterte.
Parte ng budget ay mapupunta sa pasahod sa mga empleyado sa Office of the Vice President. Ngunit sa laki ng budget na yan, saan kaya mapupunta ang iba?
Marahil ay hindi masisisi kung magduda ang mga tao dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapaliwanag ni VP Duterte paano niya nagamit ang P125 milyon na confidential fund. Kung nagawa niyang magastos ang ganyan kalaking halaga sa loob ng 11 araw, maaari rin kayang malustay ang malaking halaga ng kanyang budget sa walang kapararakan?
Sa ginawang budget hearing sa Kamara, sinabi ni VP Duterte na magsasayang lang ng oras ang komite kung siya ay tatanungin.
Sa palagay ko, taumbayan ang talo sa tinuran niyang ito.
Bakit? Dahil pera mo, pera ko, pera nating lahat ang kanyang hinihingi at may karapatan ang bawat isa sa atin na marinig saan niya gagamitin ang ating pera.
Sa personal ko na pananaw, mas gusto kong makita ang isang mapagkumbabang hinalal ng taumbayan at hindi yung mapagmataas.