Site icon Pinoy Publiko

Bakit si Mayor Honey Lacuna? (Conclusion)

SA aking nakaraang column ay naibahagi ko ang mga dahilan kung bakit si Mayor Honey Lacuna ang para sa akin ay dapat na iboto sa darating na halalan, base sa mga katangian at kung anong klaseng pagkatao siya mayroon– bilang may integridad, modo, mabuting asal at kabutihan ng kalooban sa kapwa.

Matapos ang personl na aspeto ay nais ko namang talakayin ang ‘professional’ na aspeto o kung anong uri naman si Mayor Honey bilang  lingkod-bayan o serbisyo-publiko.     

Una at pinakamahalaga sa lahat, tahasan kong sasabihin na si Mayor Honey ay hindi corrupt.  Bakit kanyo? Kung may ginawa itong anomalya o korapsyon, siguradong ipinukol na ito sa kanya matagal na. Sigurado ding pagpipiyestahan ito ng mga bayarang trolls at vloggers.   Nakakatawa nga na dahil walang maibatong isyu sa kanya pagdating sa kalidad ng trabaho ay pinagkaabalahan na lamang ng kanyang mga kalaban na siraan ang kanyang pamilya, lalo na ang kanyang mga kapatid.     

Di niya naging ugali na magbayad ng mga taga-kuha ng video sa bawat kibot, para lang mai-post sa social media at magmukhang abala. Ang tangi lang nakakasama sa mga trabaho ni Mayor Honey ay ang kanyang information bureau. Ito ay hindi para magpa-‘pogi’ sa social media, kundi para maipaalam sa mga taga-Maynila ang mga kaganapan sa City Hall, mga programa kung saan maari silang makinabang, mga announcement at mga bagong polisiya o regulasyon na pinaiiral sa lungsod.     

Nais palabasin ng mga kalaban na wala itong nagawa pero sa totoo lang, tanging ang mga ‘tunay’ na taga-Maynila ang nakakaalam ng totoo at makapagpapatunay na kasinungalingan ang ipinakakain sa kanilang pilit ng ibang kandidato.     

Sa loob ng maikling panahon, napakaraming nagawa ni Mayor Honey na proyekto.  Nakakabilib ito dahil nagawa niya ang mga nasabing proyekto sa kabila ng P17.8 bilyon ang utang na iniwan sa kanya ni Isko Moreno. ‘Yang lagay na ‘yan ay hirap na hirap pa si Mayora na magsagawa ng mga pangarap na proyekto dahil bawat proyekto ay siyempre, mangangailangan ng pondo.     

Bukod sa itinuloy, tinapos at inayos pa ni Mayor Honey ang mga depekto sa mga proyektong pawang inumpisahan lang ni Isko ay nagagawa pang maglaan ng administrasyong Lacuna ng P100 milyon kada buwan pambayad sa utang ni Isko.  Sa kasalukuyan ay mahigit P3 bilyon na ang nababayaran ng lungsod sa mga bangkong nagpautang. Isipin na lang kung ilang proyekto ang dapat sana ay nailunsad ni Mayora sa mga halagang ‘yan.     

Mabuti na lamang at maparaan si Mayora at may mabuting ipinakisama sa mga itinuturing niyang kapamilya sa Asenso Manileño. Sila ang tumutulong sa kanya upang maitaguyod ang magagandang proyekto nito sa bawat distrito.

Iba rin ang galing ni Mayora sa paghawak ng pondo ng lungsod. Bukod sa sininop ito ay hindi rin siya natuksong maging korap, kaya kahit lubog sa utang ang Maynila ay nakapagbibigay pa din ng mga pangunahing serbisyo ang lungsod sa mga residente nito.

Dahil doktora at siya ay naniniwala na sa mabuting kalusugan nagmumula lahat ng maayos na pamuhuhay at progreso, limang “super health centers” kaagad ang kanyang ipinatayo- Aurora Health Center in District 1; Tayabas Health Center, District 2; San Sebastian Health Center, District 3 and Pedro Gil Health Center, District 5 habang dalawa pa ang parating – Isidro Mendoza sa Pandacan at Maria Clara sa Sampaloc.  Ang mga ito ay mistula nang mga ospital dahil sa pinalawak na pasilidad at mga serbisyo gaya ng laboratory, upang mabawasan ang pangangailangan na mismong sa ospital pa magtungo at doon pa lang ay mabigyan na ng solusyon ang mga problemang medikal ng mga residente.

Ang “Kalinga sa Maynila” na may kasamang “Ugnayan” ay dinala ni Lacuna sa mga barangay mismo. kung saan bitbit niya ang mga hepe ng departments na kadalasang pinupuntahan ng mga residente sa City Hall upang direktang matulungan ang mga tao sa kanilang mga kailangan, katanungan o reklamo. May stalls pa sa labas ng pinagdarausan ng programa kung saan pwede din silang lumapit.

Sa sobrang pagpatok ng programang iyan, itinatayo na ngayon ang “Kalinga Center” kung saan ang mga serbisyong nakukuha sa bawat baba ng programa sa mga barangay ay maari nang maibigay nang mas tuloy-tuloy sa isang lugar na komportable dahil nga nasa isang building na ito.

Anim naman ang mga school buildings na kanyang naipatayo na pawang airconditioned at tuloy-tuloy ang pagbibigay ng trabaho hindi lamang sa mga ordinaryong residente kungdi maging sa mga senior citizens at PWDs din. Bukod pa riyan ang libreng TESDA training.

Ang dating sistema ng habambuhay kang magbabayad sa isang pabahay ay ginawa din ni Mayor Honey na ‘rent to own’ kung saan mapapasakamay ng nagbabayad ang titulo pagkakumpleto ng bayad.

Halos 800 na din ang nabigyan ng titulo sa ‘land for the landless program’ na tuloy-tuloy lamang, kung saan binibili ng lungsod ang lupang kinatitirikan ng mga ‘squatter’ at ito ay hinahati-hati para sa kanila at nang di na sila nangangambang mapaalis anumang oras.

Tuloy-tuloy din ang pamimigay ng agarang P10,000 na tulong kada pamilyang nasusunugan at mayroon na ding P2,000 cash gift para sa mga nagtatapos sa kolehiyo mula sa UdM at PLM, bukod pa sa kanilang buwanang allowance na P1,000.     

Isinama na din ang mga minors with disability sa benepisyong P500 allowance kada buwan ng mga PWD at solo parents habang ang mga senior citizens naman ay doblado na ang allowance na ginawang P1,000 kada buwan mula sa dating P500 lamang.     

Dahil suportado siya ng lima sa anim na Congressman sa lungsod, nagawan din niya ng paraan na maipatupad ang ilan sa mga pangarap niyang programa gaya ng mga bagong presinto, libreng dialysis centers at maging cancer center. Natuto siyang ‘mamalimos’ para sa Maynila dahil nga baon sa utang ang lungsod.     

Bukod nga pala sa lima mula sa anim na Congressman ang piniling tumakbo sa ilalim ng tiket ni Mayor Honey, hindi rin umalis sa kanyang tabi si Vice Mayor Yul Servo, mayorya ng mga miyembro ng Manila City Council, mga department heads at maging ng mga barangay sa lungsod. ‘Yan ay bunga naman ng kanyang makataong pakikisama sa kanila.   

Sabi nga ng mga nakausap ko, ‘ate-ate’ lang daw kasi ang dating sa kanila ni Honey at hindi ‘bossing’ at ipinadama daw nito sa kanila na sila ay kapamilya at hindi ‘under’ niya. Ibig sabihin, hindi ito mayabang at pa-otoridad sa kanila.     

Ang mahusay na pamamalakad at paghawak ng pondo ng lungsod ng Maynila ang nagbigay-daan para maigawad ng DILG sa lungsod ng Maynila ang “Seal of Good Local Governance” o selyo ng mabuting pamamalakad sa lokal na gobyerno. 

Tanging sa administrasyon lamang ni Mayor Honey Lacuna naigawad ang parangal na ito sa loob ng mahigit 450-taong kasaysayan ng Maynila. First time ito nangyari at ito ay maliwanag na patunay ng kanyang kahusayan sa pamamalakad sa lungsod.

Ito at ang kanyang taglay na kabaitan at integridad ang ilan sa mga nakikita kong dahilan kaya nanatili sa kanyang tabi ang mga Congressman, konsehal, department heads at mga barangay chairman. ‘Yung kanyang slogan na “tapat at totoo,” tunay ‘yun. Di talaga niya naging ugali ang mambola at magsinungaling. Hindi niya kaya mag-plastic kasi nga, di naman siya artista.

Pero siyempre, nakikita rin marahil nila na nakuha na ni Mayor Honey ang tiwala at suporta ng mas nakararaming Manilenyo.  Sino ba namang nakaupong pulitiko ang sasama sa isang tao na alam nilang hindi mananalo???      

                                                  ***
DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to itchiecabayan@yahoo.com or text 0917-3132168.

Exit mobile version