NITONG nakaraang linggo ay dinaanan ng malakas na pag-ulan ang malaking parte ng Northern Luzon matapos hagupitin ang mga rehiyon nito ng bagyong Maring.
Hindi direktang tumama ang bagyo sa malaking bahagi ng kalupaan ngunit nagdulot ito ng malaking pinsala sa agrikultura, imprastraktura, maging sa kabuhayan at buhay ng tao.
Tinataya ng NDRRMC na umabot sa mahigit P2 bilyon ang damage sa agrikultura at aabot naman sa halagang P1 bilyon ang mga nasirang kalsada, tulay at iba pang mga proyekto ng gobyerno kasama ang mga kabahayan.
Alam naman natin na halos taun-taon ay mahigit sa 20 ang bagyong dumadaan sa Pilipinas, maswerte na kapag dumampi lang ilan sa mga ito sa karagatan at mga baybabayin at hindi na tumama sa kalupaan na alam naman nating isang malaking sakuna kapag nangyari ito.
Ngunit mas higit akong naalarma sa mga report ng mga baha sa Cordillera region partikular na sa Benguet at siyudad ng Baguio at ang kaakibat nitong mga landslide na ikinasira ng mga kabahayan sa mga lugar na nabanggit ko.
Ayon kasi sa mga report sa media, karamihan sa mga landslide na nangyari ay tumama sa mga kabahayan na nakatayo naman sa gilid ng mga kalsada at bangin, at ikinamatay ng ilang katao.
Ang bagyong Maring ay nakapagtala rin ng mahigit sa 40 katao namatay, ang ilan sa mga ito ay karaniwang naanod at natabunan ng mga gumuhong lupa.
Noong unang nagpupunta ako sa Baguio City at ilang lugar sa Cordillera mahigpit na ipinagbabawal ang pagtatayo ng mga kabahayan sa mga gilid ng kalsada lalu na kapag ang kalsada ay nasa bangin. Sa ngayon, pag akyat mo pa lang sa Baguio City ay makikita mo ang nagkalat na kabahayan sa gilid mismo ng mga bangin hindi lamang sa Kennon Road kundi maging sa Marcos Highway.
Ang mga kabahayang ito ang karaniwang biktima kapag nagkaroon ng landslide ngunit dahil sa kapabayaan at sa pagdami na rin ng populasyon sa primerang tourist destination, ang Baguio City ay naging isang malaking timebomb kapag mga sakuna ang pinag-uusapan.
Gusto ko rin sananag isipin na mayroon pang solusyon upang maayos ang ganitong anomalya lalo na sa pagdami ng mga komunidad maging sa tinatawag na mga hillside na noon naman ay punung-punong ng kakahuyan ngunit naubos ang mga ito at napalitan ng mga kabahayan.
Maging ang watershed ng tinaguriang Summer Capital of the Philippines ay nanganganib na ring mawala. Maganda sana ang Baguio City kung maayos ang mga naging palakad patungkol sa Building Code ngunit kapag nagtuluy-tuloy ang paglaki ng populasyon at pagdami ng kabahayan ay inaasahan lagi natin na kapag nagkaroon ng malakas na bagyo na dumaan sa lugar ay hindi na talaga maiiwasan na magkaroon ng mga landslides at pagbaha.
Ganito rin ang nangyari sa Banaue. Sa pagpasyal ko doon ilang taon na ang nakakaraan. Halos hindi mo na makita ang ganda ng rice terraces dahil sa mga kabahayan na nagsulputan sa gilid ng kalsada na siyang humaharang sa view mula sa kalsada. At ang mas masakit pa ay nakatayo sila sa gilid mismo ng bangin. Maging ang mga puno na humahawak sa lupa ay naubos na rin kaya’t marami na rin na record na maliliit na landslide sa lugar.
Tahimik ang mga local na opisyal sa isyu dahil ang mga nagtayo, bagamat walang titulo, ay malakas ang loob dahil parte naman daw ito ng kanilang ancestral domain. Hindi naman sana masama ito kung maayos lang ang ugnayan ng local government unit at ng national government, maging ng Cordillera Administrative Region (CAR), upang masolusyunan ang ganitong sistema.
‘Ika nga ng mga pantas; “the writings are already on the wall” pag dating sa sakuna. At higit na mas malaki ang nagagasta ng pamahalaan sa pag-ayos ng infrastraktura dahil sa kapabayaan na ito.
Meron bang maayos na programang pabahay at urban planning ang CAR lalo na at batid nila ang posibleng mangyari kapag may bagyo o lindol sa kanilang lugar?
Siyensiya na rin ang nagdidikta sa atin na ang overpopulation, walang maayos at istriktong building code kung saan dapat itayo ang mga kabahayan, kaulangan ng mga programa tulad ng tree planting malalapit sa mga watershed at kakulangan ng maayos na sewage system ang mga dapat tugunan ng pamahalaan upang maiwasan o kaya man ay mapaliit ang bilang ng mga biktima kapag may dumapong sakuna.