Bagong wage increase sa Hulyo?

Upfront/Jay Julian

MAY inaasahan daw na pagtataas sa sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) sa susunod na buwan, ayon na rin mismo kay Labor Secretary Benny Laguesma.

Subalit ang malaking katanungan ng mga manggagawa ay kung magkano?

Isang katanungan na mahirap sagutin dahil kinakailangan dito ang matinding balitaktakan sa pagitan ng mga kinatawan ng manggagawa at namumuhunan na nakaupo sa tinatawag na Regional Tripartite Wages and Productivity Board o Wage Board.

Masusing pag-aaral naman ang kinakailngan ng kinatawan ng gobyerno bago makapagpalabas ng panibagong kautusan sa pasahod.

Sa ikatlong linggo ng buwan ng Hulyo, inaasahan na maglalabas talaga ang Wage Board ng isang panibagong Wage Order sa NCR dahil mag-iisang taon na rin ang huling kautusan na nagtakda ng karagdagang P40 sa arawang sahod ng mga manggagawa rito.

Sa kalukuyan, ang minimum wage earner sa NCR ay tumatanggap ng arawang sahod na P610 na saklaw ng non-agriculture sector, habang P573 naman kada araw ang tinatanggap ng mga mangaggawang sakop ng agriculture sector, service/retail establishments, mga nag-eempleyo ng 15 manggagawa pababa, at manufacturing establishments na may mga kawani na hindi hihigit sa 10.

Ayon sa datos, may 1.1 milyong manggagawa ang kasalukuyang tumatanggap ng minimum na pasahod ssa NCR.

Balita natin ay hinihintay na lang ang deliberasyon ng Wage Board sa mga petisyon at pagdinig na kanilang isinagawa.

Tatlo raw petisyon ang natanggap ng Wage Board kung kaya’t nagsasagawa sila ng pagdinig patungkol dito.

Ang petisyon mula sa magkakaibang grupo ng manggagawa ay humihiling sa pamahalaan ng karagdagangn arawang sahod na  mula P100 hanggang P750.

Sa mga panahong may petisyon para sa wage increase nasusukat ang kakayanan ng Wage Board kung papaanong babalansehin ang kapakanan ng mga manggagawa at mga negosyante.

Ito ay isang proseso na talaga naming kinakailangan ng matinding “balancing act” ‘ika nga.

Isa sa ikinokonsidera rito ay ang tinatawag na “prevailing economic condition” lalo na’t kung may pagtataas sa inflation rate o kapag ang mga presyo ng bilihin ay nagsipagtaas.

Ibig sabihin nito, lumiit ang purchasing power ng taumbayan.

Subalit paano naman ang sitwasyon ng mga negosyante?

Paano kung ang isang kompanya ay hindi handa sa panibagong pagtaas ng sahod?

Iyan ay isang hamon na dapat talagang balansehin ng Wage Board.

Wala pa man, isang grupo ng textile exporters ang umaaray na agad.

Sa huling pagdinig ng Wage Board, humihiling ng isang taong moratorium ang Confederation of Wearable Exporters of the Philippines (COINWEP).

Anila, hindi pa raw tuluyang nakaka-recover mula sa pandemic ang kanilang hanay at hindi rin anila lumalakas pa ang pamimili ng US at EU kung kaya’t inaasahan daw nila na bababa pa sa 11 percent ang garments export hanggang sa susunod na taon.

Pero tulad ng dapat asahan, kinokontra ito grupo ng mga manggagawa.

Para sa kanila, ang pasahod ay hindi isang malaking factor sa pagpasok ng mga namumuhunan sa bansa, sa halip ay ang overall cost ng negosyo.

May punto rin.

Kaya naman sa kabuuan, napakalahaga ang isang masusing pagbalanse sa iba’t ibang bagay na makakaapekto sa sahod, purchasing power, trabaho at kabuuang usaping pang-ekonomiya.

Ito ay isang hamon sa kakayanan ng mga nakaupo sa Wage Board para balansehin ang mga sitwasyon bago tuluyang magpalabas ng panibagong kautusan sa sahod ng mga manggagawa.

Tiyak rin na kapag nasimulan ng NCR na magpalabas ng  bagong Wage Order, inaasahan na susunod na rin ang iba pang mga rehiyon.

Iyong palasak na salitang “win-win solution”, napaka-relevant nito sa usapin ng wage hike.

Napakahalaga ng isang balanseng desisyon na papabor sa magkabilang panig ng manggagawa at negosyante.

Siyempre, mahirap gawin yan. Kaya naman ang usapin ay hindi lamang dapat umiikot sa arawang pasahod, sa kung magkano ang dapat na itaas sa suweldo, sa kung magkano na lamang ba ang natitirang pera sa bulsa ni Juan dela Cruz, at hanggang doon sa banta ng pagsasara ng negosyo.

Mahalaga ring tingnan yung mga tinatawag na non-wage benefits na makapagbibigay rin ng karagdagang ginhawa sa mga mangggagawa at sa mga negosyo sa kabuuan. Sabi nga, dapat lahat panalo.