Badoy at Duterte; SC at ICC

DALAWANG legal actions ang nakakuha ng atensyon ng mga Pinoy nitong nagdaang mga araw.

Ang isa ay ang mahigpit na babala ng ating Supreme Court laban sa sinumang magpapahamak sa mga mIyembro ng judiciary at mga abogado.

Ang pangalawa naman ay ang iginigiit na hiling ng International Criminal Court sa gobyerno ng Pilipinas na imbestigahan ang extrajudicial killings sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Yung babala ng SC sa isang Lorraine.Badoy ay tungkol sa ipinost ng dating undersecretary at spokesperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Sa post niya, inakusahan ni Badoy si Manila RTC Branch 19 Judge Marlo Magdoza-Malagar na kaibigan at tunay na kaalyado na nagtanggol sa CPP NPA (friend and defender).

Noong Sept 21, 2022, ibinasura ni Malagar ang petisyon ng Department of Justice na ideklarang terrorist organizations ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army.

Nilinaw ni Malagar na hindi terorismo ang rebelyon.

Pinagbasehan ni Malagar sa kanyang 135-page resolution ang mga umiiral na batas at mga desisyon ng Korte Suprema.

Nag-reak dyan si Badoy sa kanyang Facebook noong September 23.

Sabi ni Badoy ang resolution ni Malagar ay “judgment straight from the bowels of communist hell.”

Naglarawan si Badoy ng scenario:

“So if I kill this judge and I do so out of my political belief that all allies of the CPP NPA NDF must be killed because there is no difference in my mind between a member kf the CPP NPA NDF and their friends, the please be lenient with me.”

Mahaba ang post ni Badoy bumabatikos sa decision at kay Malagar.

Nitong Sept 27; sa bibihirang pagkakataon, pumalag ang Supreme Court sa red tagging at pagbabanta sa isang myembro ng hudikatura:

“Today, the Supreme Court En Banc tackled motu propio possible actions in A.M. No. 22-09-16-SC (Re: Judge Marlo A. Magdoza-Malagar) regarding statements made by a certain Lorraine Badoy containing threats against Judge Marlo A. Magdoza-Malagar of the Manila Regional Trial Court Branch 19.

“In the meantime, the Court issued the following statement:

“The Court STERNLY WARNS those who continue to incite violence through social media and other means which endanger the lives of judges and their families, and that this SHALL LIKEWISE BE CONSIDERED A CONTEMPT OF THIS COURT and will be dealt with accordingly.”

Ito ang pangalawang beses nang ipinagtanggol ng SC ang mga myembro ng legal profession na inaatake at nire-red tag.

Noong 2021, ni-red tag si Mandaluyong Judge Monique Quisumbing Ignacio, nang pinalaya niya ang Manila Today editor na si Lady Ann Salem at unyonistang Rodrigo Esparago. Kinasuhan kasi sila ng illegal possession of firearms at explosives.

Kasama sila sa pitong inaresto noong December 10, 2020, Human Rights Day.

Pinawalang bisa ni Ignacio ang search warrants na inisyu laban sa dalawa.

March 16, 2021, may iniladlad na tarpaulin sa pedestrian flyover sa EDSA Mandaluyong na inili-link si Ignacio sa mga komunista.

Noong March 23, 2021, napwersang maglabas ng pahayag ang SC na nangakong poprotektahan ang mga hukom at lawyer.

Parte ng statement ng SC:

“The Court condemns in the strongest sense every instance where a lawyer is threatened or killed, and where a judge is threatened and unfairly libeled.

“We recognize the bravery of all the judges and lawyers who show up to administer justice in the face of fear. Let there be no doubt, the Supreme Court Stands with them.”

Sa administrasyon ni Duterte, may 66 lawyers ang pinatay – 14 ay dating prosecutors at ang siyam ay retired judges.

Sa mga kaso ni Malagar, at Ignacio malinaw ang paninindigan ng Korte Suprema: walang sinuman ang pwedeng magsulsol na gumawa ng karahasan o umatake sa mga husgado at abogado. Ituturing itong contempt o pagbale-wala sa proseso ng hustisya.

Ang pagkokomento ng may pagre-red tag at iba pang labels, at may pagbabanta ay hindi papayagan o ito-tolerate ng Korte.

Kinokondena ito ng Korte. Ang mga myembro ng legal profession ay poprotektahan at ipagtatanggol ng Kataas-Taasang Hukuman.

Ang labeling ay hindi patas. Kung meron mang naagrabyado o feeling nalabag ang kanyang karapatan at may mga ebidensya, magsampa ng reklamo o kaso, at hayaang tumakbo ng legal na proseso. Dapat umiral ang batas.

Pumunta naman tayo sa International Criminal Court. Isa pang naninindigan sa rule of law.

Nitong Sept. 22, ni-reject ng ICC ang tatlong dahilan ng Department of Justice sa pag-deny nito sa kanilang request na mag-imbestiga sa reklamong extrajudicial killings at Davao Death Squads laban kay Duterte.

Unang ni-request ng ICC Prosecutor sa Pre-Trial Chamber (PTC) nung May 24, 2021 na payagan silang mag-imbestiga sa mga krimen na nangyari sa Pilipinas mula November 1, 2011 at March 16, 2019 kaugnay ng war on drugs ng Duterte administration.

Kinabukasan September 15, 2021, binigyan ng PTC ng authorization ang imbestigasyon.

November 18, sinabihan ng ICC Prosecutor ang PTC na hiniling ng Pilipinas na ipagpaliban ang imbestigasyon (deferral request), base sa Article 18 (2) ng Rome Statute.

Matapos ang anim na buwan, noong June 24, 2022, hiniling ng ICC Prosecutor na ituloy na ang imbestigasyon batay sa Article 18 (2) (OTP) request.

At nito ngang September 8, 2022, denied ng Philippine government ang request.

Una, wala raw jurisdiction ang ICC sa kasong crimes against humanity dahil hindi naman daw nangyari yan sa Pilipinas.

Pangalawa, iniimbestigahan na raw ang mga kasong patayan dahil sa drugs war ay iniimbestigahan na ng gobyerno kaya no need na magsiyasat ang ICC.

At pangatlo, dapat mauna ang state-level investigation.

Source:

https://www.cnnphilippines.com/news/2022/9/9/PH-government-did-not-commit-crimes-against-humanity-SolGen-Guevarra.html

Bwelta ni ICC Prosec Karim Khan, sablay ang mga argumento ng DoJ.

Giit ni Khan, may jurisdiction ang ICC sa kaso.

Malinaw na may crimes against humanity dahil sa sistematiko at organisadong kampanya ng Duterte admin sa gyera kontra droga.

Basehan ng ICC prosecution ay ang libo-libong reklamo at request for investigation ng mga biktima, pamilya ng biktima, civil society.

Mali ang intindi ng gobyerno sa state policy.

Hindi kailangan na ang state policy ay nakasulat.

Ang mga pahayag ni Duterte na “to kill every drug dealer and user” ay itinuturing na state policy. Nagbibigay din ito ng senyales para kumilos ang makinarya ng estado para pumatay ng mga adik.

Wala ring iprinesenta na ebidensya ang Pilipinas na magpapahina sa konklusyon nito na ang patayan ay laganap na pag-atake sa civilian population.

Ang mga ibinigay na dokumento ng Philippine government sa pamamagitan ng DoJ ay hindi nagpapakita ng kongkretong imbestigasyon, criminal procedure, interview sa mga pamilya ng biktima ng patayan, puro official police investigations lang at walang investigation sa vigilante killings.

Base sa Rome Statute, hindi pwedeng kwestyunin sa stage ng pagpapatuloy ng investigation ang jurisdiction ng ICC o kung gaano kalala ang mga naganap na krimen.

Matindi ang balik na ito ng ICC kay Solicitor General Menardo Guevarra na nag-deny ng ICC request for investigation.

Ang sabihan ka ng ICC na hindi mo naiintindihan ang state policy, na walang kongkretong ebidensya na nagpapatunay na gumagana ang justice system sa Pilipinas, na hindi mo naiintindihan ang trabaho at jurisdiction ng ICC, ay hindi lang basta panonopla o pang-iinsulto sa klase ng trabaho ng solicitor general bilang abogado o defense counsel ng gobyerno ng Pilipinas.

Ang ibig sabihin ng ICC sa kanilang sagot sa gobyerno ng Pilipinas ay mas malalim pa riyan:

Sa paggiit ng ICC na imbestigahan ang Tokhang killings at DDS, sinasabi nila sa Pilipinas na wag nyo nang pagtakpan ang mga krimen ni Duterte dahil pulido ang mga ebidensyang iniharap sa ngalan ng mahigit 200 biktima.

Importanteng sangkap para mapanatili ang national at world peace, security and order, ang pag-iral ng batas at institusyon na magtataguyod nito at irerespeto ng community of nations.

Sa kaso ni Badoy at iba pang umaatake sa mga judge at lawyer, ang Korte Suprema ang sinasabing the court of last resort na titindig sa rule of law,

Kung hindi nito maipagtatanggol ang mga miyembro ng hudikatura at ng legal profession, guguho ang justice system.

Sa kaso ni Duterte at ng iba pang brutal na lider at diktador ng ilang bansa, ang International Criminal Court ang court of last resort lalo na ng mga biktima ng genocide, war crimes at crimes against humanity.

Hindi nakapagtataka na hindi nag-ratify sa ICC ang United States, Russia at China dahil may kapangyarihan ang ICC na magparusa hindi tulad ng International Court of Justice o World Court ng United Nations na walang power to enforce ang decisions nito.

Kung hindi maitataguyod ng ICC ang batas, mauuwi sa kaguluhan at patayan ang buong mundo at mauulit sa kasaysayan ang pananalasa ng mga makabagong Adolf Hitler.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]