AYUDA. Tulong. Suporta.
Mga salitang usong-uso ngayon.
Ayuda ang sagot ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand MarcoscJunior sa problema sa bigas at krudo.
Pag-usapan natin ang problema sa bigas.
Kulang nga ba ang ating supply? Kailangan bang mag-import ng milyon-milyong tonelada para hindi kulangin ang ating stock?
Ayon sa Department of Agriculture (DA), wala naman daw krisis sa bigas. Yun nga lang, hindi sasapat ang kasalukuyang stock natin na dapat ay tatagal ng 60 hanggang 90 araw. Sa datos ng DA, tatagal lang ng 39 na araw ang ating buffer stock.
Nitong nakaraang linggo ay nag isyu si Pangulong Marcos Jr na lagyan ng price cap ang regular milled rice at well-milled rice. Sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 39, itinakda sa P41 ang regular milled rice at P45 ang well-milled rice.
Nabigla ang mga nagtitinda ng bigas sa order na ito ni Marcos Jr. Anila, malaking halaga ang mawawala sa kanila lalo pa at nabili nila ang mga stock nila sa mas mataas na halaga. Subalit kailangang sumunod ng mga rice retailer sa utos na ito para hindi maipasara ang kanilang pwesto o makasuhan.
Ano ang tugon ng administrasyon? Bigyan ng P15,000 na ayuda ang mga rice retailer.
Hindi sapat ang halagang ito.
Mas malaking halaga ang lugi ng mga rice retailer.
Ang kailangang gawin ng administrasyong Marcos Jr ay habulin, hulihin, at kasuhan ang mga rice hoarder.
Hanggang ngayon wala ni isang rice hoarder ang nahuli at nakasuhan. Napapaisip tuloy ako kung seryoso nga ba ang administrasyong ito na habulin ang mga nananamantalang mga rice trader.
Baka naman isa lang itong “lip service” o hanggang salita lang na walang kaakibat na aksyon.
Malaking factor din ang pagsasabatas ng Rice Tarrification Law (RTL) na naging negatibo ang epekto sa pribadong rice traders. Nagdadalawang-isip silang mag-import dahil sa patuloy din na pagtaas ng presyo ng bigas sa international market. Iniiwasan ng mga pribadong rice trader na malugi nang tuluyan sakaling biglang bumaba ang presyo ng inangkat na bigas at hindi nila ito maibenta sa halagang nararapat.
Kailangang pag-aralang muli ang epekto ng RTL. Marahil ay kailangang i-amend ito. Yan ay kung hindi na abala ang ating mga mambabatas sa ibang isyu na hindi naman urgent.
Ayuda. Pansamantalang solusyon sa problemang kailangan ng pangmatagalang sagot.
Kailangan nang bigyan ng tunay na pansin ang ating mga magsasaka na matagal nang napabayaan.
Kailangan na ring makipag-partner ang DA sa mga pribadong sector na may kakayahang mag imbak ng bigas. Ang mga pribadong sector na ito at may mga warehouse na may kakayahang kontrolin ang temperatura para maiwasang mabulok.
Sabi nga, kung gusto may paraan. Tama na ang pagbibigay ng pansamantalang solusyon.
Ipakita ni Pangulong Marcos Jr., na siya ring DA Secretary, na may tunay siyang malasakit sa mga magsasaka, rice traders, at rice retailers.
Dahil sa ating mga Pilipino, bigas is life.