MAKARAAN ang ilang buwang pananahimik ay biglang uminit ang Facebook account ni dating Executive Sec. Vic Rodriguez.
Sa pagkakataong ito ay tila nasa fighting mood ang dating “little president” ng Malacanang.
Sa kanyang social media post ay inakusahan ni Rodriguez si dating presidential spokesman Harry Roque na nag-aasam ma-appoint sa Malacanang.
Ito ay makaraang sabihin ni Roque sa kanyang YouTube page na walang masamang payuhan ni First Lady Liza Marcos ang pangulo.
Partikular ito sa pagtatalaga ng mga tamang tao sa Gabinete ng pangulo.
Binanatan pa ni Roque si Rodriguez tungkol sa pakikialam ng dating opisyal sa pagtatalaga ng ilang opisyal sa administrasyon tulad na lamang ng naunsyaming appointment ni Christopher Pastrana sa Philippine Ports Authority.
Sinabi ni Roque na malaki ang utang ng kumpanya ni Pastrana sa PPA na may kaugnayan sa shipping pero muntik itong mailuklok doon dahil kay Rodriguez.
Lumabas rin sa ilang media reports na kaibigan ni Pastrana ang bayaw ng dating executive secretary.
Sa kanyang banat ay FB ay hinamon ni Rodriguez si Roque na batikusin rin ang kolumnistang si Ramon Tulfo dahil sa kanyang mga isinulat na may kaugnayan sa Unang Ginang.
Sinabi kasi ni Tulfo na nag-text siya kay First Lady para balaan ito kaugnay sa pagiging malapit ng isa sa mga kapatid ng unang gunang sa pinangalanang smuggler na si Michael Ma.
Binanggit rin ni Rodriguez na dapat ay tantanan na siya sa mga intriga laban sa kanya.
Sa naunang pahayag ni Roque ay sinabi nito na mga malalapit kay Rodriguez ang nasa likod ng paninira kay Ginang Marcos.
Kung anuman ang kahihinatnan ng sagutang ito ay nakasalalay syempre sa magiging sagot ni Roque sa hamon ni Rodriguez.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]