Anti-farmer ang Rice Tarrification Law

MAHIGIT dalawang taon matapos isabatas at ipatupad ang Rice Tarrification Law (RTL), ang lokal na mga pamilihan ay binabaha ng mura at imported na bigas.

Naging dahilan upang dumapa ang presyo ng palay sa P12 kada kilo o mas mababa pa sa gastos sa produksiyon na nasa P19/20 kada kilo ng palay noong 2018. Umakyat sa tatlong milyon metriko tonelada ng huling quarter ng 2019 ang dami ng inangkat matapos tanggalin ang import quotas sa bigas noong 2019.

Inasahan ang ganitong kaganapan dahil inalis sa mandato ng National Food Authority (NFA) ang direktang pag-aangkat at regulasyon, na nagbunsod sa pagpasok ng pribadong sektor upang malayang mag-angkat basta sumunod lamang sa kinakailangang sanitary at phyto-sanitary permits.

Ang kakatwa, ang dapat sanang benepisyo sa rice trade liberalization ay hindi nakamit dahil patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas na nasa P39/kg hanggang 50/kg; o isang porsiyento lamang ang naitalang pagbaba ng presyo noong 2018 kung kelan ibinukas ang merkado sa rice imports sa pagsisimula ng implementasyon ng naturang anti-farmer na batas.

Samantala ang NFA ay nakatali sa pagsisikap nitong mamintina ang 15 araw lamang na buffer stock.

Sa P7 bilyon na operational budget ng NFA, ang kaya nitong tugunan ay 1.5 porsyento ng kabuuang rice production na aabot lamang sa 315,000 metriko tonelada; mula sa 19 milyong tonelada ng aning palay. Batay sa napakalimitadong budget ng NFA sa kasalukuyan, hindi nito magampanan nang sapat ang mandatong maglaan ng sapat na bufferstock ng bigas na epektibong magtatakda sa presyo ng palay sa P19 kada kilo o di kaya ay magbenta ng bigas sa halagang P27 kada kilo.

Kaya hindi kataka-taka na ang RTL ay naging dahilan ng pagkamal ng salapi ng maraming rice traders.

At the expense of local farmers.

Kaugnay ng naturang pambansang sitwasyon ng lokal na magsasaka sa ilalim ng RTL, narito ang farmer-friendly recommendations ng Integrated Rural Development Foundation (IRDF) at National Task Force for Food Sovereignty.

1.Amyendahan ang Rice Tarrification Law upang maibalik ang kapangyarihan ng estado na manguna sa interbensyon sa domestikong kalakalan ng bigas.

a) Sa partikular, amyendahan ang Section 8 ng RTL, Rule 8.2.1, kung saan nakasaad na dapat tiyakin ng NFA na magkaroon ng buffer stock para sa 60 araw na consumption.

b.) Ibalik ang mandato ng NFA sa pag-aangkat ng bigas. Pinawalang-bisa ito sa Republic Act 11203.

c) Ipatupad ang 180% taripa sa rice imports sa panahon ng ani upang panghinaan ng loob at ipagpaliban ng mga traders ang pag-aangkat ng bigas sa panahon ng anihan at mapigil ang pagbaha ng suplay sa merkado.

d). ilagay sa P22 kada kilo ang minimum support price (MSP). Kung mababa rito sa suhestiyong P22 kada kilo, kailangang tumanggap ng price subsidy ang mga magsasaka.

e) Dahil lumaganap ang undervaluation ng rice imports, nagresulta ito sa tinatayang P12 bilyong di nakolektang taripa para sa rebenyu ng pamahalaan hanggang sa kasalukuyan.

f) Walang maasahan at napapanahong impormasyon kung ang tinatayang P40 bilyong inilaan para sa magsasaka sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEP) ay totoo bang nakabawas sa gastos sa produksyon ng mga magsasaka at nagamit sa pagsasaayos ng kanilang kaalaman at kagalingan upang makipagsabayan sa imports.

2. Ibalik ang mandato ng NFA sa direct importation at regulation of rice imports.

a) Imintina ang pag-aasikaso sa imports at suplay upang matiyak ang buffer stocks, habang iniiwasang magkaroon ng malawakang pagbaha ng suplay na siyang nagiging dahilan kung bakit nagkakaroon ng pagsadsad ng presyo ng lokal na presyo ng palay.

b) Pagtitiyak na ang kita mula sa mababang presyo ng imported na bigas ay totoong napakinabangan ng mga konsyumer.

c) Kagyat na pagsaklolo ng pamahalaan at pagbibigay ayuda o subsidyo sa mga magsasakang apektado sa negatibong epekto ng naturang batas.

Ang proteksyon ng lokal na magsasaka ang dapat maging sentro ng RTL. Kinakailangan ang mga sumusunod:

Una,suporta sa lokal na magsasaka sa pamamagitan ng insentibo sa bulnerableng sektor na ito ang kagyat na dapat ipatupad upang mahikayat ang mga ito na maging masigasig sa pagsasaka at matiyak na makamit ang kinakailangang domestic rice supply para sa 100 milyong populasyon.

Pangalawa, makakamit ang sapat na suplay o rice self-sufficiency kahit hindi umasa sa importasyon sa pamamagitan ng kagyat na distribusyon ng magandang kalidad ng punla (good, quality seeds: inbred, traditional at hybrid) at pamamahagi ng subsidyo sa abono para sa 3.5 milyong magsasaka upang itaas ang ani mula apat tonelada hanggang anim tonelada sa isang milyong ektarya ng palayan gamit ang hybrid seeds habang tinitiyak ang apat milyong toneladang ani sa 2.5 milyon ektaryang palayan gamit ang inbred at traditional seeds varieties.

Kung sapat ang irigasyon, maaari pang magresulta ito sa lima hanggang anim na metriko toneladang ani. Sa dalawang cropping season ng anihan kada taon, ang isang milyong ektarya ng palayan ay maaaring magbigay ng 12 milyon metrikong toneladang ani kada taon.

Makakadagdag ito sa natitirang 2.5 milyon ektaryang palayan na kasalukuyang umaani ng apat metriko tonelada kada ektarya at ipagpalagay na kada isang crop season, maaring umani ng 10 milyong tonelada!

Labindalawang milyon tonelada para sa hybrd seeds at 10 milyon tonelada mula sa inbred at traditional varieties ay magreresulta sa 22 milyon teneladang ani kada taon, na magreresulta sa pagkakamit ng sapat na suplay para sa buong bansa.

Upang makamit ito, ang subsidyo sa abono ay dapat ilagay sa 60 porsiyento ng kinakailangang kantidad para sa mga magsasaka. Kasabay nito ang pagkukumpuni sa sistema ng patubig. Dapat payagan ang mga farmers’ cooperatives na direktang mang-angkat ng abono at ipamudmod ang mga ito sa kanilang mga miyembro upang makabawas sa mga gastos na nakukulimbat sa paggitna ng mga traders.

Sa usapin ng distribusyon ng bigas at consumers’ access sa mas murang bigas, dapat tulungan ng gobyerno, sa pamamagitan ng NFA at local government units (LGUs) ang mga magsasaka na direktang maibenta ang bigas sa mga konsyumer at institusyon upang kumita ang magsasaka kasabay ng pagtulong sa mga konsyumer na makabili ng mas mura at kalidad na bigas.

Bilang pagsusuma, kagyat na panawagan ng mga magsasaka na amyendahan ang RTL upang bigyang-daan ang pagpapatigil sa rice importation lalo na sa panahong bumabaha ang imports sa bansa. Masaklap na pinayagan ito batay sa Republic Act 8800 at ng World Trade Organization rules.

Dapat ding gamitin ang mekanismo ng minimum access volume o MAV upang matiyak na maayos ang daloy ng imports mula sa mga karatig-bansa ng Pinas at maipatupad ang tama at makatuwirang kantidad at taripa na kinakailangan; pinababa ng RTL ang taripa sa hanggang 35 porsiyento.

Upang walisin ang rice cartel at monopoly practices, dapat ibalik ang kapangyarihan ng NFA na mag-isyu ng permit at lisensya upang matiyak ang mas murang presyuhan ng bigas.

Dapat ding palawakin ang pagmomonitor sa galawan ng mga market intermediaries. Ipag-utos ang pag-aresto sa mga naaktuhang nagmamanipula ng presyo ng bigas.

Gaya ng gutom na hindi maaring ipagpaliban, ngayon na ang panahon upang ituwid ang kontra-magsasakang mga probisyon ng RTL.

Tapusin ang krisis sa pagkain. Now na!


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]