Anong silbi ng ERC kung presyo ng kuryente patuloy ang pagtaas?

ANG Energy Regulatory Commission  o ERC ang  opisinang nangangasiwa sa pagtitiyak na may sapat na suplay na kuryente sa bansa at mabibili ng konsyumer sa mas mababang halaga (least cost).

Iyan ang unang mandato sa ilalim ng Electric Power Energy Reform Act o EPIRA Law.

Kailangan ang  ERC bilang regulator upang bantayan ang pagmamalabis ng power utilities at maprotektahan ang interes ng konsyumer. 

Pero paano kung tila nawawalan ng saysay ang mandato ng naturang ahensiya? 

Kamakailan, matapos ibalik sa puwesto ang suspendidong ERC Chairperson Monalisa Dimalanta ay may inilabas na proposal ang Marcos administration na papayagan ang price increases sa kuryente na hindi na dadaan sa regulatory approval, “as long as these fall within a set benchmark or bracket.”

Anong laro naman ito? Parang ibong pinalaya sa hawla subalit pinutulan ng pakpak? 

Hindi ko pinapaboran ang ERC. In fact, matagal na akong kritiko nito. Noon pa man ay bantay-sarado ako sa mga polisiya ng ahensiya. Samakatuwid, may isang panahon na pinangunahan ng aking NGO ang pagsasampa ng kaso laban sa naturang ahensiya. 

Dahil wala naman talagang masama na bantayan ang regulator ng konsyumer groups. Direktang apektado ang konsyumer sa ginagawa ng regulator, so marapat na makialam lagi sa anumang regulasyon na ipinapatupad ng naturang ahensiya. 

Balik tayo sa mungkahi ng Malacanang na hayaan ang  summary rate increases basta nakapaloob sa allowable bracket.

Tama ba ito? O baka kailangan munang amyendahan  ng Kongreso ang ERC charter para mangyari ito? 

Nag-ugat ang mungkahi ng ehekutibo  matapos ang isang pandinig sa Senado na  time-consuming umano ang proseso sa pandinig ng mga petisyon kaugnay sa presyo o  electricity rates. (Na sa tingin ko ay totoo. Subalit hindi sapat na dahilan upang ilutang ang isyu ng pagsasantabi ng regulasyon). 

Kasi kung mangyaring mawala ang regulatory body na ito,  mas lalong bulnerable sa abuso ang konsyumers. Wala pa akong nakitang senaryo na hindi nag take-advantage o nanamantala  ang isang monopolyadong power utility at gumamit ng simpatiya sa konsyumers. Mas malamang  na ang automatikong  rate adjustment, kung mangyari man, ay gagamitin sa pansariling interes ng mga profit-driven utility companies.

At the expense of the already overburdened electric consumers. 

Ang taas na ng kuryente! Ang daming riders o unnecessary charges! Ang daming binabayaran na hindi dapat! Tapos bibigyan pa ng kakayanang mag-auto increase! E di wow! 

Ang sektor ng elektrisidad ay malawak na monopolyo. Crucial na dapat ay may mahigpit na regulatory oversight dahil kritikal ito sa pang-araw araw na domestikong pamumuhay at apektado ang pambansang ekonomiya at mga industriya at pamumuhunan sa sitwasyon ng kuryente. 

Ang masaklap, ang unregulated na pagtaas ng singil sa kuryete ay maaaring magdikta sa kahihintnang ekonomiko ng bansa in terms of business investments dahil maging mga negosyo ay  aaray kapag mas malaki ang overhead expenses sa kuryente. Madali lang mangibang-bansa kung saan mura ang kuryente. Obviously, may ripple effect ito hindi lang sa mahihirap na konsyumer na lalong mahihirapan kundi maging sa mga negosyong nagbibigay ng trabaho sa mga konsyumer. 

Kung kaya kailangan pa rin ang intervention ng isang regulatory agency sa isang monopolyadong industriya. Totoong hindi perpekto ang ahensiya, at maraming naitalang kaso ng katiwalian noon at hanggang ngayon, subalit higit na masasalaula ang interes ng konsyumers kung walang regulatory agency na sasangga sa pag-aabuso ng power utilities. Mas malakas ang hatak ng vested interest groups dahil may kakayanan silang maghatag ng suhol at pagalawin ito ayon sa kanilang inaasahang ganansiya. 

Kailangan lang tulungan at i-guide ng dedicated consumer groups ang ahensiya upang maisapuso nito ang kanyang mandato na higit sa lahat, kaya may ERC, ay may konsyumers na kailangang proteksyunan.