Ang Uwak at ang Agila

NOONG unang panahon, sa isang masukal na kagubatan sa Bukidnon, mayroong nakatirang isang makapangyarihang Agila at isang mapanlinlang na Uwak na parehong nais maging “Hari ng Himpapawid”.

Hinahangaan dahil sa matalas nitong paningin, makapangyarihang mga bagwis, at makaharing presensya, ang Agila ay isang marilag na ibon, na may malawak na pakpak na tila nakaunat hanggang karagatan.

Ang Uwak nama’y isang maliit at tusong ibon na kilala sa pagiging maton at sa pangit nitong budhi at hitsura.

Ang Agila ay kilala sa kanyang tikas at lakas, habang ang Uwak ay kilala sa kanyang talino’t pagkatuso.

Sa mundo ng mga ibon, ang dalawang ito ay palaging nagtatalo kung sino sa kanila ang mas magaling
na ibon.

Ang Uwak ay matagal nang may kimkim na inggit sa kapangyarihan at karilagan ng Agila—at maliban sa pangarap nitong maging “Hari ng Himpapawid”, hangad din nito na balang araw ay mapabagsak ang Agila.

Sa kabila ng kanilang pagkakaiba, iisa ang kanilang pangarap at ambisyon: Ang maging “Hari ng
Himpapawid”.

Pareho silang naniniwala na sila ang pinakamalakas at pinaka-bihasang manlilipad sa kaharian ng mga
hayop—at determinado silang patunayan ito.

Kaya isang araw, habang ang Agila ay namamasyal sa mga bulubundukin, tinabihan ito ng Uwak at hinamon sa isang karera. Natigilan ang Agila at tinanong nito ang Uwak kung bakit gusto niya ng paligsahan.

Sumagot ang Uwak: “Sabi nila ikaw daw ang pinakamalakas at pinakamakapangyarihang ibon sa kagubatan—ngunit hindi ako naniniwala, dahil ikaw ay mabigat at mataba. Kaya naisip kong hamunin kita sa isang paligsahan.”

Ang Uwak ay hambog, nagyayabang sa sarili niyang kakayahan at minamaliit ang Agila.

Samantala, ang Agila ay matalino at matiyaga. Habang nakikinig sa mga kwentong-yabang ng Uwak, ang Agila ay nanatiling kalmado at tahimik.

Napatawa na lamang ang Agila at sinabing, “Maaaring matapang ka, ngunit hindi ka ganoon katalino tulad ng iyong paniniwala. Maaaring mataba ako, ngunit maliit ka at mahina—at sa aking palagay, hindi mo ako kayang talunin.”

Kung kaya, nagkasundo ang dalawang ibon na magkaroon ng kumpetisyon para makita kung sino ang
pinakamabilis at may pinakamataas na lipad.

“Lilipad tayong dalawa sa abot ng ating makakaya,” paliwanag ng Uwak. “Ang ibon na kayang lumipad ng pinakamatayog ang siyang kikilalanin bilang ‘Hari ng Himpapawid’.”

Nagsimula ang karera, at ang Agila ay pumailanglang nang mataas sa alapaap, ang mga bagwis nito ay malakas na humahampas sa hangin—at gayundin ang Uwak na pumapagaspas ng kanyang mga pakpak sa abot ng kanyang makakaya.

Ilang minuto pa lamang sa ere, ang Uwak ay napagod at nagsimulang maiwan sa likuran ng Agila.

Habang papataas nang pataas ang lipad ng Agila, may iba palang plano ang Uwak. Ang Uwak ay biglang bumulusok sa ibabaw ng Agila, dumapo ito sa likod, at nagsimulang tukain ang leeg ng Agila.

Ngunit kahit anong lakas ng pagtuka ng Uwak, hindi man lang niya magawang sugatan ang leeg ng Agila
o ang pilasin ang mga balahibo nito.

Habang pumailanlang sila sa kalangitan, namangha ang Agila sa kakaibang determinasyon ng Uwak na
maging “Hari ng Himpapawid”. Gagawin nito ang lahat kahit ano pa mang paraan.

Patuloy pa rin ang pagtuka ng Uwak, ngunit ang Agila ay hindi matinag sa paglipad. Wala rin itong balak
na ihulog ang nakasakay na Uwak sa kanyang likod.

Hanga sa pagpupursige ng Uwak, nagpasya ang Agila na turuan ito ng leksyon.

Iniunat ng Agila nang buong tuwid ang kanyang mga pakpak at nagsimulang pamailanglang sa
pinakamataas na ulap sa kalangitan.

Habang pataas nang pataas silang lumilipad, batid na sadyang nahihirapan ang Uwak na huminga,. Sa
katunayan, muntik na itong mawalan ng ulirat at mahulog mula sa likod ng Agila dahil sa kakulangan ng
hangin.

Natakot ang Uwak at nakiusap ito sa Agila na ibaba siya sa lupa.

Wika ng Agila sa Uwak: “Kaya kitang ihulog at tirisin, ngunit ililigtas ko ang iyong buhay kung
mangangako kang hindi na muling mananalakay ng mga ibon.”

Nangako ang Uwak, at siya’y pinalaya ng Agila.

Mula noon, iginalang na ng Uwak ang Agila at hindi na nangahas pang hamunin o atakihin ito.

Napagtanto ng Uwak na kahit siya ay may taal na tapang, kailangan niyang maging matalino, at maingat

na piliin ang kanyang mga papasukang laban.

Mula sa araw na iyon, natutunan ng Uwak ang isang mahalagang aral tungkol sa pagpapakumbaba atpaggalang, at nagpapasalamat ito sa Agila sa pagtuturo sa kanya ng mahalagang aral na iyon: “Masmabuting maging kaibigan kaysa kaaway.”

***
PAGTATATWA

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawangkathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

Ang tanging ibon na may lakas ng loob na tumuka sa agila ay ang uwak. Umupo ito sa likod ng agila at
kinakagat-kagat ang leeg ng ibon. Gayunpaman, ang agila ay hindi nagpapatinag, ni hindi pinapatulan
ang uwak; wala itong balak aksayahin ang kanyang panahon sa isang walang kwentang uwak, o sayangin ang kanyang lakas para bawian ang ibong maitim ang budhi. Ibinubuka na lamang ng agila ang mga pakpak nito at nagsimulang lumipad pataas sa pinakamatayog na lugar sa kalangitan.

Habang pataas nang pataas ang lipad ng agila, mas nahihirapan naman ang uwak na huminga. Hindi maglalaon, kakapusin ng hangin ang uwak, at babagsak na lamang ito sa lupa.

Kaya, huwag nating pag-aksayahan ng panahon ang mga taong may ugaling-uwak. Sa mga taong nais
kang sirain at dalhin ang kanilang mga sariling bagyo sa iyo—huwag kang magpapatinag. Lumipad ka nang lumipad, at subukan mo silang dalhin sa iyong pinakamatayog na lugar sa buhay. Dahil kailanman ay hindi nila maaabot ang iyong mga naabot—at makikita mo na lamang silang kusang mawawalan ng hangin at tuluyang maglalaho.