Ang Tupa, Buwitre at Kuneho

SA rehiyon ng Nara sa tuktok ng kabundukan ng Cordillera, kilala ang lugar na ito kung saan namamayani rito ang katiwalian ng mga namumunong malalakas at malalaking politiko ng kagubatan.

Sa loob ng maraming dekada, ang mga mapang-abusong pinuno ay nagpapakasasa sa yaman ng kagubatan habang ang karaniwang mga hayop ay naghihirap.

Ang mayayaman ay lalong yumayaman, ang mahihirap ay lalong naghihikahos, at ang mga namumuno sa kaharian ay namumuhay sa kapangyarihan at karangyaan.

Gayunpaman, ang iba’t ibang hayop sa kagubatan ay matagal nang nagdarasal ng pagbabago.

Isang araw, sa maliit na bayan ng Banwa, isang matuwid, maayos at edukadong Tupa na nagngangalang Magalong ay nahalal bilang alkalde.

Hindi tulad ng mga nauna sa kanya na mas abala sa pagpapakasasa sa kanilang puwesto, si Magalong ay naniniwala sa mabuting pamamahala. Dinadalaw niya ang may sakit, inaayos ang mga nasirang daanan sa gubat, at hinihikayat ang mga kasamang hayop na magsikap sa halip na umasa sa mga limos ng mga tusong
namumuno sa rehiyon ng Nara.

Mabilis na kumalat ang kanyang katapatan at dedikasyon, na nagdulot ng paghanga— at bahagyang inis—mula sa mga makapangyarihan.

Ngunit wala nang mas lalong naiintriga kaysa kay Kong Listo, ang tusong buwitreng kongresista na ang tanging gawain sa buhay ay mangurakot sa puwesto. Sobra-sobra ang kanyang yaman at kapangyarihan, ngunit may kakulangan siyang nararamdaman sa kanyang puso.

Isang araw, biglang nagkaroon ng karamdaman si Kong Listo. Humina ang bagwis ng kanyang mga pakpak, at nawalan siya ng ganang kumain. Sa unang pagkakataon sa kanyang buhay, nakaramdam siya ng panghihina.

“Kailangan ko na sigurong magbago,” bulong niya sa sarili, na labis niya ring ikinagulat.

“Ngunit paano?”

Tanging isang pangalan lang ang sumagi sa kanyang isipan—si Magalong, ang alkalde ng Banwa.

Sa kabila ng panghihina, pinuntahan ng Buwitre ang tupang alkalde sa bukid.

Laking gulat ng Tupa nang makitang lumapag ang politikong Buwitre sa gitna ng bukirin.

Ang alkalde, sa kanyang simpleng paraan, ay sinalubong ang Buwitre ng isang mainit na ngiti.

“Anong maitutulong ko po sa inyo, Kong Listo?” tanong ng Tupa sa Buwitre.

Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Kong Listo. “Kaibigan, maging tapat tayo. Ako’y nagkasala kay Bathala at sa aking mga nasasakupan. Nais ko nang magbago, pero hindi ko alam kung paano ko muling makukuha ang tiwala ng mga hayop na nasasakupan ko.”

Tumango lamang si Magalong.

“Hindi ito magiging madali, Kong Listo. Pero kung seryoso po kayo, may tatlong bagay po kayong dapat gawin,” bungad ng Tupa.

Lumapit ang Buwitre sa Tupa para malinaw na marining ang payo nito.

“Una, dapat po ninyong talikdan ang inyong pagiging politiko. Ibig pong sabihin, kailangan ninyong magbitiw sa puwesto at ipagpatuloy ang paglilingkod sa bayan bilang isang karaniwang ibon na lamang.”

“Pangalawa, ipamahagi sa kawanggawa ang lahat ng iyong nakamkam na yaman at isauli sa inyong nasasakupan ang yamang kinuha mo sa kanila,” patuloy nito.

Halos mabulunan ang Buwitre at muling nagtanong: “At ano ang pangatlo?”

“Ang pinakamahalaga—,” paglalagom ng Tupa, “lumapit kayo kay Bathala, humingi ng tawad, magdasal at magmakaawa.”

Tumayo ang Buwitre at kinamayan ang tupa— “Salamat, Kaibigan. Sa mga sinabi mo, marami akong dapat pag-isipan.”

At umalis ang Buwitre ngunit tila pa rin naguguluhan.

Kinagabihan, nagsuot ang Buwitre ng lumang balabal upang hind ito makilala, at nagpunta sa Dakilang Bahay Sambahan sa ibayong kagubatan.

Lumuhod ito ngunit hindi alam kung paano sisimulan ang panalangin.

Sa kabilang dulo ng sambahan, isang payat na babaeng kuneho ang yakap-yakap anganyang maysakit na anak. Mahina ang kanyang tinig habang nananalangin.

“Mahal na Bathala, may sakit po ang aking anak. Wala po akong pambili ng gamot o pagkain. Pakiusap, tulungan Mo po kami. Kung maaari, bigyan Mo po kami ng sapat na panggastos kahit para sa isang araw lamang,” dasal ng pobreng inang Kuneho.

Kumirot ang puso ng Buwitre nang mapansin nito ang mag-ina. Ngayon lang niya tunay na nakita ang paghihirap ng kanyang mga nasasakupan.

Lumapit ang Buwitre sa Kuneho at mahinang nagtanong. “Manang, ano po ang mabigat ninyong problema?”

Tumingala ang Kuneho, kita sa kanyang mga mata ang pagod at lungkot. “May sakit po ang aking anak. Wala po kaming makain.”

Walang pag-aalinlangan, dumukot ang Buwitre ng ilang gintong barya mula sa bulsa ng kanyang balabal at inabot ito sa mag-ina.

Napasinghap ang Kuneho. “Manong, sobra-sobra po ito!”

Napangiti na lamang ang Buwitre. May kakaibang ligaya ang kanyang naramdaman—at tila rin gumaan ang dala-dalang bigat sa kanyang dibdib.

“Pagpasensyahan na po muna ninyong mag-ina ang ilang baryang aking nakayanan,” wika nito.

Paulit-ulit na yumuko ang Kuneho, luhaan sa pasasalamat. “Pagpalain po kayo, Manong! Napakalaking tulong na po nito. Agyamak!”

Bago lumabas ng bahay sambahan ang mag-inang kuneho, lumapit muli ang ina sa altar ng sambahan at nag-usal ng pasasalamat: “Mahal na Bathala, maraming salamat po sa mabilis Mong pagtugon sa aking panalangin. At ang Inyong ibinigay po sa akin ay higit pa sa inaasahan kong matatanggap. Pero sa susunod po sana—huwag na huwag na po Ninyong padaanin sa bulsa ng kongresista.”

PAGGUNAM-GUNAM:

Ang tunay na pagbabago ay may kaakibat na sakripisyo.
Ang tatlong payo ay nagpapakita na ang pagbabago ay hindi madali. Kailangang iwanan ang dating gawi, isuko ang kayamanan na hindi naman makatarungan ang pinagmulan, at magpakumbabang lumapit sa Diyos.