SA isang tahimik na baryo, kung saan umiikot ang alikabok na parang mga antuking paru-paro, naroon ang tindahan ng isang matandang lobo.
Isa siyang sapatero—hindi yaong gustong magkapera sa pagbebenta ng mga tsinelas at sandalyas, kundi yaong nagtatahi ng balat na wari’y naghihilom ng mga sirang pangarap.
Bawat sirang bota, sapatos, at sandalyas na kanyang kinukumpuni sa tindahan ay tila may dalang kwento ng paglalakbay—mga kalsadang tinahak, mga lugar na napuntahan, mga alaalang ‘di malimutan.
Isang umaga, nakita ng matandang lobo ang dalawang batang asno na mabagal na naglalakad papunta sa paaralan.
Bagsak ang kanilang mga tenga sa pagod, at ang kanilang mga paa ay namamaga at kitang-kita ang mga bitak sa gilid at gitna.
Tinawag ng lobo ang dalawa: “Saan kayo patungo na ganyang namamaga ang inyong mga paa?”
“Sa paaralan po, Ingkong,” ani ng mas matangkad na asno, bahagyang paika-ika. “Malayo pa po, pero kailangan naming makarating doon.”
Sumagot ang mas maliit na asno. “Sabi po ng aming guro, kailangan naming magtyagang mag-aral kung nais namin ng maginhawang buhay. Ang karunungan na matututunan namin sa pag- aaral ay makapagdadala sa amin nang mas malayo kaysa sa mga paa lamang.”
“Pero bawat hakbang po ay parang lalong bumibigat sa paa,” sabat ng isa.
Biglang napaisip ang lobo, at sabi: “Maging ang pinakamalakas na hayop ay maaaring matisod o ‘di kaya’y huminto kapag nasasaktan ang mga paa. Magpahinga muna kayo rito sa aking abang tindahan.”
Nag-aatubili ang dalawang asno. Nahihiya sila sa gaspang at pangit na itsura ng kanilang mga kuko’t paa.
Ngunit lumuhod ang lobo at tiningnan ang kanilang mga paa nang walang paghuhusga, hinaplos ang mga bitak gamit ang banayad na pamunas.
“Ang mga paa ninyong ito ay nagkukuwento ng mga iba’t ibang karanasang inyong tinahak,”mahina niyang sabi. “Matapat na inihatid ng inyong mga paa ang inyong mga pangarap…ngunit ang mga pangarap, tulad ng mga paa, ay maaring mapudpod kung hindi pinoprotektahan at aalagaan.”
Nagtanong ang mas maliit na asno, “Pero ang mga paa namin ay likas na ganito. Ano po ba ang kailangan para mga paa nami’y mapangalagaan?
Ngumiti ang lobo, kumislot ang kanyang bigote.
“Noong kabataan ko,” sabi niya, “nakakita ako ng mga nilalang na palaboy matapos ang Malawakang Taggutom. Ang kanilang mga paa ay walang sapin—at ang kanilang mga mata’y nakatutok lamang sa malayo. Naisip ko: Kung mabibigyan ko sila ng anumang panaplot sa paa para sa kanilang paglalakad, marahil ay magbabago ang kanilang bawat hakbang, lakad o takbo nang walang kirot o hapdi… marahil ay makikita nila ng abot-tanaw ang kalyeng kanilang dapat tahakin o puntahan ang lugar na magpapabago ng kanilang buhay at landasin.”
Ikinuwento ng lobo kung paano pumalpak ang kanyang unang mga sapatos—masikip na parang sipit ng alimango, pumuputok na parang tuyong kahoy, o nauupod bago pa sumapit ang unang kilometro.
Ngunit bawat pagkakamali ay nagturo sa kanya ng bago: kung paano lumalapat sa lupa ang paa, paano napapagaan ang bigat, at paano binabago ng isang pares ng sapatos ang paglalakad sa mababatong daan.
Mula sa likod ng kanyang tindahan, inilabas ng lobo ang apat na pares ng sapatos na hugis para sa paa ng asno.
Hindi ito marangya—walang kulay o anumang burda—ngunit ang balat ay malambot na parang bulak, at ang pagkatahi ay kasing-ayos ng bakas pukyutan.
“Ang mga sapatos na ito ay para sa inyo,” sabi ng lobo.
Nag-alinlangan ang matangkad na asno. “Ngunit wala po kaming kahit anong pambayad para rito.”
“’Di na kailangan pa,” sagot ng lobo, “sa pamamagitan ng mga lugar na mararating ninyo ay parang nabayaran na rin ninyo ako. Suotin ninyo hanggang maabot ninyo ang mga pangarap na nais ninyong marating, at kapag nandoon na kayo sa lugar na nararapat, alalahanin ninyo ang isang matandang lobo na naniwala sa inyong bawat hakbang.”
Mahina ang tinig ng maliit na asno. “Bakit mo po kami bibigyan ng ganitong regalo?”
“Sapagkat,” sabi ng lobo, “ang sapatos ay higit pa sa pananggalang ng paa. Ito ay tahimik na pahintulot upang humakbang patungo sa isang pangarap palayo rito. At kapag kumilos kayo patungo sa isang pangarap, maaaring matuklasan ninyo ang dahilan ng handog kong sapatos kung bakit dapat kayo ay magpatuloy sa paghahakbang, sa paglalakad.”
Isinuot ng mga asno ang sapatos.
Sa simula’y kakaiba—napakalambot para sa mga paang sanay sa hapdi. Ngunit nang sila’y lumabas, hindi na tumatagos ang mga bato, at tila naging mas magaan sa paa ang kanilang dinadaanan.
Pinanood sila ng lobo habang papalayo.
“Alalahanin ninyo,” sigaw ng lobo, “ang sapatos ay hindi ang regalo. Ang regalo ay ang landas na pinapahintulutan nitong tahakin ninyo.”
Lumipas ang mga taon. Naging inhinyero ng mga tulay at kalsada ang matangkad na asno, samantalang guro naman ang isa—mga paglalakbay suot ang sapatos na nagdala sa kanila lampas sa mga matataas na burol at lubak-lubak na kalsada.
At bagaman matagal nang napudpod ang unang sapatos na iyon, dala pa rin nila sa bawat hakbang ang alaala…
Na kapag ang sapatos ng pag-asa ay tinahi nang may malasakit, kayang baguhin nito hindi lamang ang daang tinatahak ng iyong mga paa—kundi pati ang mismong buhay ng naglalakbay.
***
PAGGUNAM-GUNAM:
Ang isang pares ng sapatos na iniregalo para tulungan ang isang kaibigan na tahakin ang kanyang nais na landas sa buhay ay higit pa ang halaga sa ginto—sapagkat ang sapatos na bigay ay mas malayo pa ang narating kaysa sa kayang makita ng nagregalo.


