Ang Restawran na Binuo – at Binasag – ng Pagkakaibigan

NOONG unang panahon, sa baryo ng Panginay, tatlong matatalik na magkaibigan ang nangarap magtayo ng restawran.

Nag-ambag ang Unggoy ng tatlong milyong barya, ang Pusa ng isang milyon, at ang Kuneho—bagama’t walang pera—ay nangakong magiging punong kusinero, dala ang kanyang husay, mga resipe, at kakaibang panlasa.

Nang buksan ang restawran, agad itong sumika’t nakilala.

Gabi-gabi’y dagsa ang mga bisitang galing sa iba’t ibang lugar, tuwang-tuwa sa masasarap na luto ng Kuneho at aliw na aliw sa maingat na pamamahala ng Pusa.

Samantala, madalang dumalaw ang Unggoy, ngunit palaging ipinagmamalaki: “Negosyo ko ito. Ako ang nagpondo sa restawrang ito!”

Ngunit sa likod ng ingay ng mga pinggan at tawanan ng mga bisita, unti-unting umusbong ang mga tampuhan at alinlangan.

Isang gabi matapos magsara, nagtipon silang tatlo.

“Kailangan nating pag-usapan ang hatian ng kita,” seryosong wika ng Pusa. “Kumikita nga tayo, pero hindi ito patas.”

“Kung pera lang ang batayan, si Unggoy ang may 75%, ikaw 25%, at ako—na nagluluto ng lahat ng putahe—wala ni isang kusing. Paano ako magtatrabaho nang buong araw nang walang parte?” malungkot na sabi ng Kuneho.

Sumimangot ang Unggoy. “Kung wala ang pera ko, walang kalan, walang upuan, walang plato. Ako ang may pinakamalaking puhunan, kaya nararapat lang na sa akin ang pinakamalaking bahagi.”

Ngunit mariing tumutol ang Pusa: “Hindi lang pera ang puhunan dito. Si Kuneho ang nagbibigay ng lutong dinadayo ng lahat, at ako ang nagbabantay araw-araw. Ikaw? Madalang dumalaw, pero malakas magyabang.”

“Kung ganoon, wala na bang halaga ang pera ko sa inyo?” singhal ng Unggoy.

“Mahalaga ang pera, pero mahalaga rin ang talento. Hindi pera ang kinakain ng mga bisita—kundi ang luto rito. Kung wala ang pagsisikap at galing ng kusinero, walang lasa, walang buhay ang restawran na ito,” madiing sabi ng Pusa.

Naghari ang katahimikan. Ramdam nilang nanganganib ang kanilang pagkakaibigan.

Lumipas ang mga araw, at lalong tumindi ang pagtatalo.

“Malinaw na ako ang may pinakamalaking ambag. Ako rin ang may pinakamalaking tsansang malugi!” giit ng Unggoy.

“Ngunit kung umalis si Kuneho, babagsak ang lahat ng pinuhunan mo,” mariing sagot ng Pusa. “Hindi pera ang dinadayo rito, kundi lasa at serbisyo!

“Simple lamang ang gusto ko—na makapagbigay saya sa mga nais matikman ang luto ko. Ngunit ‘wag naman sana ninyo akong maliitin kung wala akong ambag sa pera ninyong ipinuhunan dito,” naiiyak na sabi ng Kuneho.

Marami pa ring bisita ang restawran, ngunit walang dudang may dalang pait ang palitan ng sumbat sa panlasa ng bawat isa.

Sa huli, nagpulong silang muli. Naglatag ng talaan ng kita’t gastos ang Pusa.

“Sabihin nating 60% ay para sa puhunan, at 40% para sa trabaho at talento. Si Unggoy, dahil nagbigay ng tatlong milyon, ay may 45%. Ako na nagbigay ng isang milyon ay may 15%. Para naman sa paggawa, ako bilang tagapamahala ay 24%, at si Kuneho bilang kusinero ay 16%. Sa kabuuan: Unggoy 45%, Pusa 39%, Kuneho 16%.”

Tahimik ang lahat. Hanggang magsalita ang Kuneho: “Hindi man perpekto ang hatian, pero kahit papaano, nabigyan ng halaga ang ating papel kahit ‘di pera ang dala ko.”

“‘Di hamak na mas mahalaga ang iyong ambag, Kaibigang Kuneho,” pagtatanggol ng Pusa. “Napaka importante ng talento at ang araw-araw nating trabaho.”

Kinabukasan, nagpasya silang isara ang restawran. Nalungkot ang mga suki, ngunit para sa tatlo, mas mabuting maghiwalay habang may natitira pang respeto.

Ibinalik sa Unggoy ang bahagi ng kanyang puhunan at naghanap ito ng ibang negosyo. Ginamit ng Pusa ang kanyang parte para magtayo ng maliit na kapehan. Samantalang si Kuneho ay nagtayo ng sarili niyang karinderya, kung saan mas tumampok ang kanyang talento.

Nanatili silang magalang sa isa’t isa—ngunit ang tibay ng dati nilang pagkakaibigan ay hindi na muling naibalik pa.

***

PAGGUNAM-GUNAM:

Hindi sapat ang pera para magtagumpay ang isang negosyo—kailangan din nito ng tiwala. Ngunit kahit nakasulat ang hatian sa papel, pagdating sa pera o sa negosyo, maaaring masira ang pagkakaibigan bunga ng pagdududa’t lamangan.

Natutuhan ng Unggoy, Pusa, at Kuneho na ang tunay na tagumpay ay hindi lamang tungkol sa perang kinikita—kundi ang respeto sa isa’t isa. Sapagkat kung walang respeto, kahit ang pinakasikat na kainan ay hindi magtatagal panigurado.