Ang pagtaas ng presyo ng petrolyo at nakaambang power shortage sa 2022

HINDI pa man tayo nakaka first base sa unti-unting pagbubukas ng ating ekeonomiya ay heto na naman at binulaga tayo ng sunud-sunod na announcement ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Mula sa dati nitong presyo na mahigit sa P40 ay pumalo sa average na P59 kada litro ang presyo ng unleaded na gasolina habang ang diesel naman ay umabot na sa mahigit P46 kada litro mula sa dating P38 nitong mga nakaraang buwan.

Sa loob lamang ng dalawang buwan ay umaabot na sa average na P18 hanggang P20 ang itinaas ng gasoline at diesel kada litro — ang dalawang pinagkakaguluhang commodity sa ngayon bukod sa bigas at karne.

Ang hindi natin alam, pati ang presyo ng LPG na ginagamit natin sa pagluluto ay tumaas na rin. Ang standard na binibili natin noong nakaraang dalawang buwan na umaabot sa average na P 500-600 per 11-kg noong nakaraang buwan ay umaabot na ngayon sa mahigit P700 per 11kg.

Sa pagtaas ng petrolyo sa pamilihan ay maaari na rin nating asahan ang pagtaas ng iba pang presyo ng bilihin lalo na sa hirit ng mga tsuper at operator ng dyip at bus na dagdag pasahe.

Ano ba ang nagbunsod sa pagtaas ng presyo ng petrolyo sa merkado?

Sinasabi kasi ng mga analysts bunsod ito ng mataas na demand sa gas dahil malapit na ang winter sa northern hemisphere. Hindi pa natin pinag-uusapan ang pulitika sa likod ng pagtaas ng presyo ng petrolyo ngunit sa Pilipinas kasi kaya lumalabas na mataas nag presyo ay dahil sa dalawang patong ng buwis.

Una na dito ang pagsingil ng dagdag na P10 kada litro sa gasolina bunsod ng excise tax na dala ng TRAIN LAW. At kapag isinama mo ang 12 percent na VAT na ipinapataw sa mga produktong ito ay lalabas talaga na sagad na sa singil ng gasolina. Sa diesel naman ay pumapatak na P6 kada litro ang nadagdag kapag tayo ay bumibili sa mga gasolinahan, at idagdag mo pa ang VAT.

Kaya pa naman siguro ng bulsa ng karamihan sa atin ang pagtaas ng presyo ng petrolyo. Iyan ay kung hindi ito nabubuwisan ng sobra-sobra.

Sa ngayon ay unti-unti nang nararamdaman ng taongbayan lalo na ng middle class na dati ay hindi umaaray kapag may maliit na pagtaas sa presyo ng mga bilihin, subalit ngayon ay sila na ang nangunguna para himukin ang gobyerno na gawan agad ito ng paraan.

Maging ang mga pulitiko ay sumawsaw na rin sa isyu dahil karamihan sa kanila, lalo na yung mga kasapakat sa pagpasa ng TRAIN LAW ay nakikiusap na sa Department of Energy na suspindihin muna sa ngayon ang excise tax, o kaya ay babaan ito.

Huwag nýo na akong tanungin kung ano ang sentimyento ng mga manggagawa sa ngayon tungkol sa isyu na ito dahil maging sila, o ang mga organisasyon na kanilang kinabibilangan, ay watak watak at hindi magkaisa kung ano ba talaga ang dapat tahakin.

Sa tingin ko na bagamat labis na silang nasasaktan ay pinipilit pa rin nilang iraos ang pang araw-araw na pagkain sa kabila ng pandemya. Kumbaga, they are just going through the motions dahil nais lang nilang mag survive sa mga panahon na ito.

Sa isyu naman ng kuryente, ayaw ko namang magmukhang “the boy who cried wolf” dahil ngayon pa lang pinapaalam ko sa publiko na mayroon tayong nakaambang mga power outage sa Luzon sa susunod na taon, na kapag hindi naagapan ay maaaring pagsimulan ng krisis sa enerhiya. Bakit ko nasabi ang mga ito?

Sa ngayon kasi ay umaabot na sa mahigit 21,000 megawatts (MW) ang installed capacity sa buong Pilipinas, at mahigit 15,000 MW naman sa Luzon.

Lumalabas din na manipis na ang suplay ng kuryente sa Luzon dahil wala nang bagong planta na itinayo nitong nakaraang mga taon. Kasabay pa niyan ang nalalapit na pagkaubos ng gas galing sa Malampaya na siyang nagpapatakbo ng 5 malalaking planta; tatlo ang pag-aari ng mga Lopez, isa sa Korean company at ang pinakabago ay pagmamay-ari ng San Miguel Corp. Pag pinagsama mo ang mga plantang ito ay aabot sa mahigit 3,000 megawatts ang kontribusyon nito sa Luzon grid.

Isipin mo na lang na kapag naubos na ang suplay na ginagamit ng mga ito galing sa Malampaya ay malulusaw ang ating suplay ng kuryente. Kung iko-convert mo naman ang mga ito sa diesel-fired power plants ay masyadong mahal kaya’t dapat pag-isipan ng husto ng ating mga policy makers ang pagpapabilis sa pagtayo ng mga renewable source ng enerhiya tulad ng solar at wind.

Bagamat bumaba ang ating konsumo ng kuryente nitong nakaraang taon at ngayong taon, hindi rin ito nangahulugan na bababa ang singil sa kuryente (kung bakit, iyan ang nais ko ring malaman). Bilang panimula, dahil sa hinati ang ating power sector sa tatlo (production, transmission at distribution) dahil sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) ipinangako nito ang pagbaba ng singil sa kuryente ngunit sa halip ay lalo pang tumaas.

Sa aking tingin, ang EPIRA ay tungkol lamang sa pagbebenta ng power assets (pagsasapribado) na dating pag-aari ng pamahalaan. Pag sinabi mong power assets, naririyan ang coal-fire power plants (47%), natural gas(22%), renewable energy tulad ng hydro, geothermal, wind at solar, (24%) at oil-based (6.2%).

Sigurado namang kukuyugin ng mga environmentalist kapag isa pang coal-fired power plant ang ating itatayo. Kaya sa mga policy makers, esep-esep na kayo.

At isa pa, wag nýo nang asahang bababa pa ang singil sa kuryente.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]