Ang Paglilitis kay Tambalo

SA maringal na bulwagan ng Iganbayan, singbigat ng usok ng kamanyang ang amoy ng pagkukunwari.

Limang nilalang ang nakaluklok sa marmol na luklukan—mga hayop na may balahibo, pangil, at
kamandag, nakabalot sa maitim na kapa.

Sila raw ang mga tagapaghukom ng katarungan—ngunit sa taumbayan, ang “IGANBAYAN” ay binansagang “KABIG-Bayan”—isang pangungutyang may dalawa pang kahulugan: kaibigan ng bayan, o kaibigan ba yan?

Sa gitna ng hukuman, nakatayo ang nililitis—si Tambalo, isang dambuhalang halimaw na may katawan ng ahas, apat na paa ng bayawak, at ulo ng buwaya.

Isa siya sa pinakamakapangyarihang pinunong-bayan, pinagkakatiwalaan, at pinakakinatatakutan.

Ngunit ngayo’y nakaposas at nakaluhod sa harap ng hukuman, inakusahan ng pandarambong, panlilinlang,
paglapastangan sa tiwala ng taumbayan, at pagnanakaw sa yaman ng bayan.

Sa tabi niya, tahimik na nakaupo ang kanyang tagapagtanggol—si Kiko Miyaw, isang pusang kalmado ang tingin ngunit matalim ang dila.

“Ang hukuman ng Iganbayan ay pormal nang binubuksan,” wika ng punong hukom na si Hukom Magalogon, isang unggoy na nagmamalinis sa sarili, sabay hampas ng pamalo sa mesa.

“Ang akusado, si Tambalo, ay nililitis sa kasong pandarambong, palsipikasyon, pagnanakaw, pagsisinungaling, panunuhol, at iba pang krimeng laban sa bayan,” anang punong hukom.

Umalingawngaw ang sigawan mula sa labas.

Sa mga bintanang nakabukas ay maririnig ang sigaw ng taumbayan—“Pugutan ‘yan ng ulo! Pugutan ng ulo ‘yan!”

Ang bayan ay uhaw sa dugo. O marahil, uhaw sa katarungan—kahit ilusyon lamang.

Itinaas ni Tambalo ang kanyang ulo, kumikislap ang mga mata na tila nagbabagang uling.

“Marami akong naitulong sa bayang ito,” aniya. “Tinulungan ko ang mahirap, pinakain ang gutom—”

“—At pinakain mo rin ang sarili mo nang sampung ulit!” sabad ni Memeng Daga, isang dagang hukom na bumabalikwas ang bigote tuwing nagsisinungaling. “Trilyon ang nawalang pondo ng bayan—nasa iyong mga kaban, sa iyong mga isla, sa iyong mga lungga!”

Tumayo si Kiko Miyaw, biglang pumitik ang buntot.

“Mga kagalang-galang na hukom,” ani ng tagapagtanngol ni Tambalo, “ang aking kliyente ay isang simpleng nilalang lamang sa kagubatan ng mga magnanakaw. Siya lamang ba ang dapat sisihin, gayong ang lahat ay kumain din sa iisang piging?”

Nagkatinginan ang mga hukom.

Ang Dahong Palay, payat at luntiang ahas, ay naglabas ng dila. “Mag-ingat ka, pusang mapangahas. Pusa ka man, ngunit makamandag ang iyong dila. Iyong tandaan, mapanganib ang lupang tinatapakan mo.”

“Mapanganib na lupain din ang araw-araw na nilalakaran ng mahihirap,” mariing sagot ni Kiko Miyaw.

“Gutom imbes na katarungan. Dilim sa halip na pag-asa. Ngunit heto tayo—nagmamalinis habang ang labas ng bulwagang ito ay nilalamon ng gutom at kawalang-pag-asa.

Muling humampas si Hukom Magalogon: “Tumigil ka! Baka nakakalimutan mo ang iyong lugar?!”

Ngunit tumawa si Tambalo—malalim, mabigat, umuugong sa buong bulwagan.

“Hahaha! Tinatawag ninyo akong magnanakaw,” aniya, “ngunit sino ang nagbilang ng bilyong perang iyon? Sino ang bumulong sa akin nang lagdaan ang mga kontrata? Kaninong mga kuko ang kumayod sa bahagi ng nakulimbat?”

Isa-isa niyang tinitigan ang mga hukom: “Tayong lahat ay nagdiwang sa iisang hapag. Lahat kayo, kasalo ko!”

Natahimik ang bulwagan.

Tumipa sa mesa ang matandang Karang Tarantula, ang pinakamatanda sa mga hukom.

“Ngayon ay inaakusahan mo pa ang mga hukom? Walang galang! Ikaw mismo ang humatol sa sarili mo,” galit na sabi ng gagambang hukom.

Ang pinakabata sa kanila, si Alakaak, isang maliit na meerkat, ay yumuko. May kumikirot sa kanyang budhi, ngunit nilamon iyon ng takot.

“Basahin ang hatol,” utos ni Magalogon—at binasa ng meerkat ang hatol na nanginginig ang tinig.

“Ikaw Tambalo, na nahaharap sa kasong pandarambong at pagtataksil sa tiwala ng bayan ay maliwanag na nagkasala, at hinahatulan ng—”

“KAMATAYAN!” sabay-sabay na sigaw ng apat pang hukom, tila mga tanikalang sabay na bumagsak sa kanilang mga dila.

Nagdiwang ang bayan sa labas. Sa wakas, nahatulan ang totoong halimaw. Sa wakas, wika nila, nagtagumpay ang hustisya.

Ngunit sa mga mata ng mga hukom, mababakas ang ibang uri ng kaluwagan—ang ginhawang hindi na mabubulgar pa ang kanilang pinakatatago-tagong mga lihim.

Nagkubli ang mga hukom sa kanilang mga palasyo.

At sa kailaliman ng hukuman, nanatiling nakatago ang mga tala ng iba pang halimaw sa pamahalaan— hindi kailanman nabuksan, hindi kailanman nilitis.

Sabi ng bayan, nagtagumpay ang hustisya.

Ngunit bulong ng mga marunong: “Ang katiwalian ay hindi namamatay sa pagpugot ng ulo, kundi sa pagputol ng ugat.”

Kinabukasan, nagtipon ang lahat sa Liwasang Bayan. Sa gitna, nakatindig ang entabladong yari sa kahoy.

Dinala roon at pinarada sa kalsada si Tambalo, nakagapos sa bakal na posas, habang binabato ng taumbayan ng mga bato at sumpa. Ang mga bata’y sumasayaw at nagtatawanan.

“Naibigay na ang hustisya!” sigaw nila.

Sa entablado, nakatayo ang isang Babaylan, matanda at nababalutan ng belo, nagdarasal upang linisin daw ang lupain.

Katabi niya ang Berdugo, nakasuklob ng itim na tela, may hawak na makinang na palakol.

Itinaas ni Tambalo ang ulo at huminga nang malalim, sumigaw:

“Akala ninyo, ang aking kamatayan ay makakabusog sa gutom ng bayan? Akala ninyo, ang dugo ko’y matutuyo rito’t tuluyang mawawala ang mga ganid? Hindi ninyo ako kayang patayin.”

Lumakas ang awit ng Babaylan, tinabunan ang kanyang tinig. Umangat ang palakol. Isang malakas nahampas—at gumulong ang ulo ni Tambalo pababa sa entablado, kumikislap ang gintong kaliskis sa araw.

Umugong ang sigawan ng mga tao. Ngunit bigla napalitan iyon ng hilakbot.

Mula sa leeg ni Tambalo, tatlong bagong ulo ang sumibol—naghihiyawan, nagsisisigaw, muling nabuhay.

Nagkagulo ang lahat. Tumakbo ang karamihan.

Napaluhod ang Babaylan, umiiyak, bulong niya, “Hindi kayang patayin ang halimaw.”

Sapagkat bawat halimaw na mapugutan, tatlo ang tutubong kapalit—tatlo ang muling isisilang.

Sa mga sumunod na taon, lumaganap ang mga “anak ni Tambalo”—mga bagong mukha, bagong pangalan, ngunit iisa ang kaliskis.

At hangga’t hindi pinapatay ang sistemang nagpapasuso sa kanya, ang Tambalo ay mananatiling buhay —at patuloy na kakain sa laman ng bayan.

***

PAGGUNAM-GUNAM

Ang korapsyon ay hindi lamang isang kasalanan ng iisang tao—ito ay isang sakit na nakaugat sa ating kultura’t sistema; at ang likas na pagnanais na iligtas ang sarili ang nagpapatuloy sa siklo ng katiwalian.

Hindi nagwawakas ang kwentong ito sa tagumpay, kundi sa isang nakakakilabot na paalala: Ang halimaw ay walang kamatayan dahil naninirahan ito sa loob natin—sa bawat kilos ng pandaraya, sa bawat suhol na ibinibigay o tinatanggap, sa bawat pananahimik sa harap ng mali.

Ang katiwalian ay hindi mamamatay sa pagpugot ng ulo, kundi sa pagpugot ng ugat. Hindi mamamatay si “Tambalo” hangga’t hindi natin binubuwag ang ating sistema.