SA malawak na kagubatan ng Aprika, walang hari na kasing lakas at kasing tapang ni Haring Leonidas, ang kinikilalang pinakamakapangyarihang leon ng kontinente.
Kinatatakutan siya ng kanyang mga kaaway at iginagalang ng kanyang mga nasasakupan. Ngunit higit sa lahat ng kanyang tungkulin bilang hari, may isang bagay siyang kinahuhumalingan—ang karera ng kabayo.
Mayroon siyang isang malaking kuwadra na may isang daang pinakamagagaling na kabayo, pawang malalakas, makikisig at matutulin. Pero sa kabila ng napakaraming kabayo, isa lang ang paborito ni Haring Leonidas—si Apollo.
Hindi basta-bastang kabayo si Apollo—isa siyang alamat.
Sa loob ng maraming taon, binigyan niya si Haring Leonidas ng walang katapusang tagumpay. Nanalo siya sa lahat ng laban at dinalhan niya ang hari ng karangalan, kayamanan, at inggit ng ibang kaharian.
Isang araw, inihayag ni Haring Leonidas na siya’y magpapatawag ng isang engrandeng kompetisyon—Ang Karera ng Pitong Kaharian—isang laban kung saan ang pinakamabilis at pinakamalakas na kabayo lamang ang maaaring lumahok.
Mula sa iba’t ibang sulok ng Aprika, nagpadala ang mga hari at emperador ng kanilang pinakamagagaling na kabayo, sabik na makuha ang korona ng “Karera ng Pitong Kaharian”.
Habang naghahanda para sa laban, hindi nagdalawang-isip si Leonidas sa pagpili ng kanyang pambato.
“Si Apollo ang kakarera,” buong tiwalang sabi niya.
Nagtitinginan ang kanyang mga tagapayo. Alam nilang hindi na kasing-bilis ng dati si Apollo. Bumagal na ang kanyang galaw, bumigat ang kanyang paghinga, at nawala na ang dating alab sa kanyang mga paa.
“Mahal na Hari,” maingat na sabi ng matandang kuwago na kanyang tagapayo, “Si Apollo ay isang dakilang kabayo, ngunit hindi na siya kasing-bilis tulad noon. Marahil ay mas mabuting pumili ng mas batang kabayo—”
“Kalokohan!” sigaw ni Leonidas. “Hindi pa ako binigo ni Apollo! Mananalo siya, gaya nang dati!”
Para masigurado ang tagumpay, tinawag niya ang kanyang pinakamahusay na hineteng unggoy—si Marcelo.
Matalino, maliksi, at may karanasan, si Marcelo ang nagdala kay Apollo sa napakaraming panalo noon. At siya rin ay naniwala—kaya pa ni Apollo na panalunin ang karera.
Dumagsa ang mga hayop sa arena, sabik na makita ang laban. Nang bumukas ang tarangkahan, nagsimula ang karera!
Parang bagyong humarurot si Apollo sa unahan. Dumadagundong ang kanyang mga paa sa lupa. Napanganga ang madla—maliksi pa rin ang alamat!
Ngunit bago pa ni Apollo marating ang hanggahang guhit (finish line), bigla siyang nadapa.
Humihingal, nangangatog ang kanyang mga paa, at nawala na ang sigla sa kanyang mga mata.
Pagkatapos, bigla na lamang bumagsak ito.
Natahimik ang buong arena. Isa-isa, lumampas ang mas bata at mas malalakas na kabayo sa kanya, patungo sa tagumpay.
Nagalit si Haring Leonidas. Tumayo ito, nag-aalab ang kanyang mata.
“ANO ANG NANGYARI KAY APOLLO?!” sigaw niya.
Dali-daling lumapit ang kanyang mga manggagamot upang suriin ang kabayo.
“Mahal na Hari,” malungkot nilang sabi, “matanda na si Apollo. Malakas pa rin ang kanyang puso, pero hindi na kayang sumabay ng kanyang mga paa.”
Hindi ito matanggap ni Leonidas. Tinawag niya ang kanyang konseho upang humanap ng solusyon.
“Siguro mali ang pinapakain sa kanya. Bigyan natin ng mga masusustansyang darak at bitamina,” sabi ng elepanteng ministro.
“Baka may maling galaw si Marcelo. Kailangan n’ya ng bagong tagapagsanay,” sabi ng tukong tagapayo.
“Bumili tayo ng mas magagandang sapatos para kay Apollo!” mungkahi ng matandang pagong.
“Mas pagbutihin natin ang kanyang hinete!” sabi ng agilang heneral.
Ngunit wala ni isa sa kanila ang nagsabi ng katotohanan sa Hari—na hindi na talaga kayang kumarera si Apollo.
Sa halip na tanggapin ang katotohanan, mas binigyan ni Haring Leonidas si Apollo ng lahat ng kanyang mga kailangan para manalo sa karera.
Pinakain niya ito ng mas masustansyang pagkain, binigyan ng mas mabibigat na pagsasanay, at pinalitan si Marcelo ng isang mas bata at mas magaang hinete.
Dumating ang isa pang engrandeng karera, at sa pagkakataong ito, mas determinado si Haring Leonidas kaysa dati.
“Ipapakita ni Apollo sa lahat na siya pa rin ang alamat!” bulong ng hari sa sarili.
Nang bumukas ang tarangkahan, muling humarurot si Apollo.
Saglit, naniwala ang madla. Naniwala rin ang hari. Nangunguna ito ng metro-metro sa mga batang kabayo.
Ngunit, tulad ng dati, bumagsak siyang muli.
Bigo. Pagod. Talo.
Dahan-dahang lumapit si Haring Leonidas sa kanyang dating kampyon. Mahinahon niyang hinaplos ang makapal na buhok ni Apollo.
“Pahinga ka na, tapat na kaibigan,” mahina niyang bulong. “Ibinigay mo na ang lahat.”
Sa araw na iyon, nagdesisyon ang hari: Hindi na siya maghahabol ng nakaraang tagumpay. Sa halip, maghahanap siya ng mga bagong kabayong maaaring bumuo ng kanilang sariling alamat—tulad ng minsang ginawa ni Apollo.
Sapagkat kahit gaano pa kabilis ang isang kabayo, darating ang araw na kailangan siyang magpahinga.
***
PAGTATATWA:
Tulad din sa buhay, sa halip na tanggapin ang katotohanan at gumawa ng mas epektibong desisyon, maraming tao at organisasyon ang mas pinipiling ipagpilitan ang hindi na epektibo’t gumagana.
Hindi si Apollo ang problema. Ang problema ay ang hindi pagtanggap ng hari na dapat na niyang pagpahingahin ang kanyang paboritong kabayo.
Walang dami ng pagsasanay, pagkain, o estratehiya ang makakapagbalik kay Apollo sakanyang dating gilas at liksi.
Minsan, ang pinakamatalinong desisyon ay ang pagsisimula muli.