SABADO na naman. Gaya ng nakagawian, nagtipon-tipon sa parke ang tatlong mayayabang na aso—si Shikoku, isang asong Hapon; si Alsatan, isang Aleman; at si Ayam, ang asong kalye.
Matagal nang abala ang buong subdibisyon. May darating daw na bisita mula sa ibang bansa, at lahat ay sabik sa kanyang pagdating.
Habang nagkukuwentuhan ang tatlo, napalingon sila sa isang asong dumaan—isang elegante, mestisahin, at kaakit-akit na babaeng poodle. Maputi at malinis ang balahibo, kumikislap ang kwelyo, at may kaunting tonong Pranses kung magsalita.
Siya si Scarlett—isang tanyag na canine psychologist mula sa Europa. Biglang nagsidatingan ang mga aso sa parke. Pati ang mga askal mula sa mga karatig-barangay ay nagsipagsulputan at nagsiksikan, pilit na lumulusot sa bakod para lang makita at mapakinggan si Scarlett, na panauhing pandangal sa isang talumpati tungkol sa pag-uugali at personalidad ng mga aso.
Hindi pinalampas ni Shikoku ang pagkakataon. Agad siyang lumapit sa dalaga.
“Kon’nichiwa—Hello, pretty lady!” bati ng asong Hapon. “Here first time?”
Ngumiti si Scarlett. “Yes. Just visiting here for a speaking engagement,” malambing niyang sagot.
“Hier im Park?” tanong naman ni Alsatan, ang Aleman.
Agad naunawaan ni Scarlett ang tanong. “You’re right—here at the park.”
“I was invited to give a quick talk to clear up some common myths about male dogs,” paliwanag niya.
“Wow. Bigatin pala talaga ito,” bulong ni Ayam sa mga kasama. “Mukhang marami tayong matututunan. Kaso, tanggal ang luga natin—puro inglesan!”
Narinig iyon ni Scarlett at agad silang sinuyo.
“There’s nothing to worry about,” sabi niya sa tatlo. “Nagsasalita rin po ako ng Tagalog.”
Nagulat ang magkakaibigan—hindi nila akalaing naiintindihan pala sila nito habang nagbubulungan. Nag-unahan silang magtanong. Nauna si Alsatan.
“Anong mga mito ang madalas sabihin tungkol sa aming mga lalaking aso? What kind of myths?”
“Ah!” sagot ni Scarlett. “Una, sabi nila ang mga malalaking aso raw ang pinakamalakas tumahol. Pero sa totoo lang, ang mga maliliit na aso gaya ng chihuahua at shih tzu ang may pinakamalalakas na kahol. Sila ang mga maton sa loob ng bahay.”
“Gano’n ba?” sabat ni Shikoku, medyo may pagdududa sa tono nito.
“At isa pa,” dagdag ni Scarlett, “akala ng iba ang mga imported o may lahing banyaga ang pinakamatapat. Pero base sa obserbasyon, ang mga asong nasa labas ng bahay—‘yung nauulanan at nabibilad sa araw—sila ang tunay na loyal.”
“Hmm. Napaka-interesante,” komento ng asong Hapon.
“May paniniwala rin na ang mga malalaking aso tulad ng Labrador ay laging seryoso— walang oras magpahinga o maglaro. Pero sa aking karanasan, sila ang mga astig—ang mga pinakamasayahin at romantiko. At ‘yung mga galing city pound? Sila ang may matitibay ang loob, at ang pinaka-malambing. Wagas magmahal,” dagdag pa niya habang inaayos ang kanyang mamahaling kwelyo na naipit sa malambot niyang balahibo.
Napabuntong-hininga si Ayam. Wala ni isa sa mga katangiang iyon ang tumutugma sa kanya.
Hindi siya cute na maliit, imported, o romantikong malaking aso. Isa lang siyang payat na asong kalye na nangangalahig sa mga tambak na basura.
Dahil nahihiya itong magtanong, tahimik na lamang siyang napakibit-balikat.
Napansin iyon ni Scarlett.
“Sorry, I forgot to introduce myself. I’m Scarlett, by the way. And you are?” Parang muling nabuhayan ng loob si Ayam. Hindi n’ya akalaing mapapansin siya ng mestisahing poodle, kaya ‘di na siya nagpaligoy-ligoy pa.
“Ahem, ahem! My name… BIG BRUNO. Strong guard dog. From city pound,” sagot niya, gamit ang sampung salitang ingles na hiniram n’ya kay Shikoku.
“Nice to meet you, Big Bruno,” malambing na tugon ni Scarlett. “I think you are so sweet. What breed do you happen to be?”
Biglang nanuyo ang lalamunan ni Ayam. Sa puntong ito, ubos na ang kanyang ingles. Unti-unti nang tumutulo ang kanyang uhog sa kaba at pag-iisip kung paano sasagot nang hindi mapapahiya.
Muli siyang tinanong ni Scarlett, mas seryoso na ngayon.
“So, what dog is BIG BRUNO?”
Tumingala ang askal, nilunok ang hiya, huminga nang malalim… at saka kumahol nang buong lakas:
“LABRADOOOORRRR!!!”
***
PAGGUNAM-GUNAM
Hindi hadlang ang pagiging ordinaryo. Huwag maliitin ang sarili base sa pinanggalingan. Magtiwala sa sarili at huwag matakot magsalita.


