TAON 2033.
Katatapos lang ng pandemya. Halos inabot din ng mahigit 10 taon bago tuluyang naging simpleng trangkaso ang minsa’y tinaguriang “Sumpa ng Singkit na Paniki” na kumitil ng milyun-milyong buhay sa buong mundo.
Bumalik na rin halos sa dati ang araw-araw na pamumuhay, ngunit marami nang nagbago.
Marami pa ring pilit na binabalik ang normal na buhay, subalit tila di na ito naayon sa kasalukuyang panahon.
Sa nakalipas na 13 taon, maraming mga pagsubok ang dumaan at lugmok sa hirap ang naging buhay ng tao dulot ng pandemya at alitan sa kanlurang dagat. Maraming negosyo at industriyang nagsara. Mailap ang trabaho. Ginto ang bilihin. At lahat ay umaasa sa kakapiranggot na ayuda. Lomobo ang utang ni Mang Carding.
Dahil na rin sa bigat ng buhay sa lungsod, karamihan ay nagsibalikan sa probinsya.
Tulad ni Mang Carding, maswerte yaong mga merong lupang matataniman at mapakikinabangan. Malas naman kung wala kang ni paso man lang.
Sa kabila ng mga nangyayaring ito, ramdam din ng mga alagang hayop sa bukid ni Mang Carding ang hirap—bugbog sa trabaho hanggang takipsilim, pero sa pagkain doon binibitin.
Kung kaya’t nagusap-usap ang mga ito sa loob ng kamalig.
“Hindi makatarungan ang pagtrato sa atin ng ating amo. Trabaho sa maghapon, pero pagkain natin pinagkakasya sa rasyon,” ani Kikay Kalabaw.
“Eh sino sa iyong palagay ang maaaring kumausap sa ating amo?” tanong ni Beloy Baka.
“Meron bang may lakas ng loob na kumausap sa kanya upang iparating ang ating mga hinaing at hinihingi?” dagdag niya.
“Ako! Ako!” sigaw ng tsonggo.
“Ikaw?!” sabay hiyaw ng mga alagang hayop na may halong pag-aalinlangan.
Kabisado ng mga kasamang hayop sa bukid ang bawat ikot at buhol ng bituka ng mga tsonggo, partikular si Iking Matsing. Matinik pero magulang. Mayabang pero may nagagawa naman. Sa kabila ng katusuhan nito, walang magawa ang mga kasamang hayop kundi hirangin itong “Ilustre”—ang siyang tawag sa sinumang gagawing tagapagsalita’t kinatawan ng mga hayop sa bukid. At bilang deputado, isang gintong singsing ang ipinasuot kay Iking bilang tanda ng pagiging Ilustre nito.
Ang isang Ilustre ay pinagkalooban ng mga espesyal na benepisyo. Meron siyang dagdag na bahagi ng rasyon. Maganda ang kanyang tinutulugang lugar sa kamalig, at hindi nya kailangang magtrabaho. Ang tanging tungkulin ng Ilustre ay kausapin ang kanilang amo bawat linggo at humingi ng mas magandang kondisyon sa kanilang trabaho: mas maraming pagkain at mas kaunting trabaho.
Si Mang Carding, gayunpaman, ay walang pasensya at pagmamahal sa mga alaga nitong hayop sa bukid, at madalas sinasara nito ang mga bintana para di niya marinig ang mga hiyaw ng hayop sa gabi.
Pero mayabang si Iking. Kakaibang akit ang dala ng gintong singsing na suot nya. Tila may dala itong ningning na siyang nagbibigay ng kapangyarihan sa kanya—may di pangkaraniwang kislap at pabulong na pakiramdam na angat siya sa iba.
“Hindi ko kayo bibiguin,” pahayag ni Iking Matsing. “Ang ating amo ay isang taong walang puso at malamang na hindi magbago ang kanyang isip. Ganunpaman, linggo-linggo ko siyang kakausapin hanggang sa makumbinsi ko siyang ibigay ang ating mga hinihingi para sa ikakabuti ng ating mga kasamahang hayop.”
Nagkatitigan ang mga kasamang hayop. Tila walang nakumbinsi si Iking. Ngunit kailangan nilang isantabi ang kanilang mga pag-aalinlangan at bigyan ng pagkakataon ang tsonggo na ipakita ang kanyang gilas at galing.
Makalipas ang anim na linggo, di pa rin nagbabago ang palakad sa bukid. Maraming hayop ang ibinenta. Mas nadagdagan pa ang gawain, at mas kakaunti pa lalo ang rasyon.
Kung kaya’t nagpatawag ng pulong si Kikay Kalabaw, ang pinakamatandang hayop sa bukid. Dahil siya ang pinakamatalino’t pinakamasipag sa mga alaga ni Mang Carding, mataas ang respeto sa kanya ng mga kasamahang hayop.
“Iking, anim na linggo na ngunit mas masahol pa ang ating buhay ngayon kesa sa mga nakalipas na buwan. Mas dumami ang aming trabaho sa bukid, at komonti ang pakain lalo na sa ating mga kasamahang may mga supling. Ano ang iyong maiuulat tungkol dito? Anong nangyari sa mga ipinangako mo?” tanong ni Kikay.
“Kausap ko lang ang ating amo kaninang umaga, at kanyang isinasaalang-alang ang ating mga kahilingan. Umaasa ako na makikita natin ang pagbabawas ng trabaho sa malapit na hinaharap,” ani ng matsing.
Muling binigyan ng mga kasamahang hayop si Iking ng isang linggo upang kausapin ang kanilang amo sa huling pagkakataon.
Lingid sa kaalaman ng matsing, tatlong daga ang kinausap ni Kikay upang sundan at matyagan si Iking.
(Itutuloy…)
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]