ISANG ordinaryong umaga sa Distrito ng Ayaman, ang sentrong pampinansyal ng Lungsod ng Asosenia, abala ang lahat papasok ng trabaho.
Napapalibutan ang Ayaman ng matataas na gusali at malalaking bangko. Ang mga asong nagtatrabaho rito ay pawang mayayaman, naka-amerkana, mga edukado at magagaling. At kung meron ka mang mapapansin sa lugar na ito ay pawang pera ang usapan sa anumang transakyon sa loob man ng kapiterya, restoran o maging sa kalsada.
Pera ang lengwahe sa bawat kalakalan sa lugar na ito.
At sa gitna ng Ayaman, nandoon ang Bangko de Lido, ang pinakamalaking bangko sa lungsod.
Isang araw, tatlong aso ang may binabalak na nakawan ang bangko at hindi basta pagnakawan lamang ito—gusto nilang makilala bilang mga asong gumawa ng pinakamalaking nakawan sa kasaysayan ng Ayaman.
At sino ang tatlong asong ito?
Sila sina Rebo, isang laking-kalyeng German Shepherd; Milo, isang henyo sa kompyuter na Chihuahua; at si Bruno, isang maskulado’t matipunong Bulldog.
Nakasuot ng naka-almirol na amerkana (syempre, kahit mga kriminal sa Ayaman may sinasabi rin sa lipunan), pumasok sila sa Bangko de Lido na parang mga kagalang- galang na kliyente.
“Magandang hapon po, mga Ginoo! Ano po ang maipaglilingkod namin sa inyo?” bati ng gwardya.
Nginitian ni Bruno ang gwardya, at pagkatapos ay biglang sumigaw—“LAHAT KAYO, DAPA! HOLDAP ‘TO!”
Si Rebo, naglabas ng isang laruang baril.
“Walang gagalaw! Ang pera ng bangko ang tanging sadya namin dito. Kung mahal ninyo ang inyong buhay, manahimik na lamang kayo!” pagbabanta nito.
Samantala, si Milo, ang siyang utak ng operasyon, mabilis nang hina-hack ang kaha-de-yero ng bangko—parang pianista na tumutugtog ng klasikong piyesa sa kanyang kompyuter.
“Nakuha ko na ang kombinasyon. Nakapasok na ako,” bulong niya. “Pwede na nating buksan ang kaha-de-yero…”
“Bruno, bilisan mo!” utos ni Rebo.
Gamit ang kanyang sariling lakas, agad nabuksan ang pintuan ng kaha-de-yero. At doon, nakita nila ang sangkatutak na pera na aabot ng daan-daang milyong piso.
Nagmadali sina Rebo at Bruno sa paglagay ng pera sa mga malalaking duffel bag. Pero bago pa nila mapuno ito, biglang may sumigaw—
“HINTO KAYO!”
Lahat napatingin sa isang eleganteng Poodle. Si Pierre, ang manager ng bangko.
Nakapamewang ito at mukhang hindi man lang kinakabahan.
“Ehem ehem…” pangisi-ngising sabi ni Pierre. “Maaari ba tayong mag-usap muna sa loob ng opisina ko?”
Nagtama ang tingin ng tatlong asong holdaper.
“Holdap ‘to. Anong klaseng usapan ‘yang sinasabi mo?” tanong ni Rebo, nakakunot-noo.
“Ganito na lang,” nakangising sagot ni Pierre. “Kunin n’yo na ang lahat ng perang gusto ninyo. Okey na ba ang P100 milyon. Basta, ang pangako ko sa inyo na aalis kayo rito nang walang kaso. Walang habulan, walang pulis. Okey ba sa inyo ang ganitong usapan?”
Nagkatinginan ang tatlong magnanakaw.
“Ang gandang kondisyon yan,” bulong ni Bruno. “May milyones na tayo, walang habol pa ang mga pulis.”
“Sa totoo lang, sobrang ganda ng alok,” dagdag ni Rebo, nakangiti.
“Eto na ang pinakamagandang alok na maibibigay ko sa inyo. Kaya, limasin at kunin n’yo na ang lahat ng makakaya n’yong dalhing pera,” pagtitiyak ni Pierre.
At nagkamayan silang apat tanda ng napagkasunduan—at lumabas na ang tatlong aso dala ang kanilang bulto-bultong perang nakulimbat.
Pero kinagabihan, habang nanonood ng telebisyon ang tatlo, biglang lumabas sa balita
—”ANG PINAKAMALAKING HOLDAP SA KASAYSAYAN: P100 MILYON, NINAKAW SA BANGKO DE LIDO!”
Napanganga ang tatlo sa napanood na balita. At habang binibilang ni Bruno ang pera, biglang may napansin itong mali.
“Teka…,” sabi ni Bruno, huminto sa pagbibilang, “Bakit P20 milyon lang ‘to?”
Napakunot-noo ito. “Ayon sa balita ay P100 milyon. Nasaan ‘yung natitirang P80 milyon?”
Nanigas si Rebo—sa buong pagkaakala nila, umabot sa P100 milyon ang laman ng kanilang bag.
“Yung hinayupak na Poodle. Ang tusong Pierre na ‘yun. Niloko tayo,” duda ni Bruno.
Biglang natahimik ang tatlo.
Tapos, napabuntong-hininga si Milo.
“Teka, linawin lang natin,” sabi nito, “Pinlano natin ‘tong pinakamalaking holdap sa kasaysayan, nilagay sa alanganin ang mga buntot natin, tapos… tayo pa ang nanakawan?”
Napakamot ng ulo si Rebo. “Tsk tsk tsk… Naisahan tayo! Mukhang mas madali palang yumaman kung naka-amerkana ka lang at hindi ka mismo direktang nagnanakaw. At tayo pa ang ginawang palusot!”
Napailing na lamang si Bruno sa pagkadismaya: “Maging aral sana sa ating lahat—Sa lungsod na puno ng magnanakaw, ‘yung akala mong matuwid ‘yun pala ang manlolokong pinakamalupit.”
Samantala, si Pierre, nasa kanyang bahay-bakasyunan sa malayong isla, pakanta- kanta, pasayaw-sayaw.
Habang pinapanood ang balita, ngumiti si Pierre.
“Eto ang dabest!” bulong niya habang binibilang ang P80 milyon niyang itinabi.
Dahil sa Lungsod ng Asosenia, ang totoong krimen ay hindi ang pagnanakaw ng pera—kundi ang krimen na hindi pag-ubos sa natitira.
***
PAGGUNAM-GUNAM:
Sa gobyerno, ang tawag sa ganitong modus ay “tongpats”. Halimbawa, kung ang isang tulay ay nagkakahalaga ng P600 milyon, gagawin itong doble para maging P1.2 bilyon.
Simpleng patong, instant pera na agad.
Sa ganitong modus, lahat masaya—may tulay ka na, kumita ka pa!
Sa bansang punong-puno ng korapsyon, hindi palagi ang holdaper o ang totoong magnanakaw ang panalo—kundi ang mga yaong hindi man lang nadumihan ang kamay tulad ng mga politiko.