Site icon Pinoy Publiko

Ang Komedyanteng Unggoy

(ISANG DULA)

EKSENA 1: SA LOOB NG KAGUBATAN

[Sa loob ng isang marangyang tahanan sa gitna ng kagubatan, nakaupo sa trono ang isang unggoy habang pinapaligiran ng kanyang mga alipores— mga uwak, buwaya, at iba pang tusong hayop.]

Komedyanteng Unggoy: (Mayabang na tono) Hindi na ako mapipigilan pa! Tatakbo akong senador ng kagubatan ngayong darating na halalan!

Buwayang-alalay 1: Tiyak pong panalo kayo, Kuya Wel bilang senador! Napakaraming hayop ang bumibilib sa inyo.

Komedyanteng Unggoy: Hahaha! Sa darating na eleksyon, ako na ang magiging pinakasikat at pinakamakapangyarihang senador ng kagubatan!

Buwayang-alalay 2: Dahil po sa inyong pagkamapagbigay at yaman, tiyak na maraming boboto sa inyo!

Komedyanteng Unggoy: (Tumatawa nang malakas) Hahaha! Kung may pera ka, may kapangyarihan ka! Ano ba naman ang pagiging senador? Di na kailangang pag-aralan ‘yan. Basta sikat at may pera ka, sapat na para makumbinsi ang mga boboto sayo!

Buwayang-alalay 1: Tama ka, bosing! Kayang-kaya mong kumbinsihin ang mga hayop sa bayan at dito sa kagubatan.

[Biglang may kumatok. Pumasok ang tatlong Pusang-Kalye, isang Asong- Kalye, at isang Dagang-Kosta—lahat gutom at payat.]

Pusang-kalye: Kuya Wel, galing pa po kami sa bayan. Nabalitaan po naming tatakbo kayong senador ng kagubatan. Nagbabakasakali po kaming makahingi sa inyo ng kahit konting makakain…

Komedyanteng Unggoy: Hahaha! Wala kayong dapat ipag-alala! Heto, jacket at pambili ng pagkain! (Nagbilang ng pera ang alalay.) Palakpakan n’yo ako! Gusto kong lumabas sa lahat ng balita bilang “Mabait na Unggoy.”

[Palakpakan ang mga hayop habang ang Unggoy ay nakangising parang hari.]

EKSENA 2: PULONG-BALITAAN SA ISANG RESTAWRAN

[Sa isang mamahaling restawran, puno ng mamamahayag ang silid—mga ibon, daga, pusa, at aso, atbp. May mga kamera, mikropono, at siksikan ang mga hayop na gustong marinig ang plataporma ng Komedyanteng Unggoy.

[Dumating ang Unggoy kasama ang mga buwayang alalay.]

Komedyanteng Unggoy: (Nagpapatawa pero mayabang pa rin ang asta) Hahaha! Maraming salamat sa inyong pagdalo at pagpapaunlak sa akin. Ito yata ang kauna-unahan kong patawag sa media na narito lahat—mga dyaryo, radyo’t telebisyon ay kumpleto. Alam kong nandito ang media hindi dahil interesado kayo sa aking plataporma, kundi dahil masarap ang pagkain at may ayuda kayo pagkatapos! Di ko na kailangan pang magpakilala kasi kilala n’yo na ako. ‘Yun na yun.

[Nagtawanan at nagpalakpakan ang ilang mga bisita.]

[Medyo nainis ang mga dumalong mamamahayag sa binitawang pang- iinsulto sa kanila ng Unggoy. Maririnig ang mga pabulong na komento mula sa likod.]

Komedyanteng Unggoy: Magandang umaga sa inyong lahat, at bukas po tayo sa lahat ng katanungan. Susubukan po nating sagutin nang mula sa puso…

[Magsisimula na ang Q&A.]

Dagang Mamamahayag: Kuya Wel, bakit n’yo pong naisipang tumakbo, gayong kilala kayo bilang isang matagumpay na negosyante’t komedyante. Marami ring nagsasabing wala kayong karanasan sa paggawa ng batas?

Komedyanteng Unggoy: (Nakangisi, umiwas sa sagot) Alam mo, magandang tanong ‘yan. Pero mas maganda kung tatanungin n’yo ako tungkol sa mga hinaing ng mga mahihirap nating mga kasama sa kagubatan.

[Palakpakan ang mga hayop.]

Komedyanteng Unggoy: (Nagsimulang mag-monologue) Di po ako tumatakbo bilang politiko kundi bilang isang lingkod-bayan na ang tanging nais lamang ay ang magbigay ng serbisyo sa inyo. Ilang taon na tayo na nakikinig sa mga kasama nating hayop dito sa kagubatan at bayan. Nakikiramdam tayo kung ano ang dapat gawin, at naniniwala ako ito na ang panahon para ako’y manilbihan para tulungan ang ating mga kapwa hayop na dahop sa buhay.

Dagang Mamamahayag: (Tumayo sa gitna at lumapit sa mikropono) Eto po ang katanungan ko, Kuya Wel—ang pagiging senador ay bahagi nito ang paggawa ng batas. Bilang isang senador, ano po ang isang batas na inyong gagawin na may kabuluhan sa aming mga hayop, at makikilalang nagmula sa iyo at may tatak “Kuya Wel”?

Komedyanteng Unggoy: (Sumagot ngunit paiwas) Ang ganda ng tanong mong ‘yan, ah—napapaisip tuloy ako sa tanong na yan. Pero, ibabalik ko ang tanong mo… Ikaw, sa tingin mo, anong batas ang dapat na gawin ko? Baka may suhestyon ka?

Dagang Mamamahayag: (Diretso at matapang) Pero hindi naman po ako senador. Di po ako ang tumatakbo. Hindi ba dapat kayo ang sumagot bilang kandidatong may plataporma para sa amin?

[Nagkaroon ng katahimikan. Nagsimula nang magbulungan ang ibang mamamahayag. Napikon ang Unggoy.]

Komedyanteng Unggoy: ‘Wag n’yo na muna akong tanungin ng mga. pangmalaliman. Kasi nga, gusto ko munang makinig sa inyo. ‘Yung plataporma saka na yan ‘pag nanalo na tayo bilang senador. Gusto ko munang alamin kung ano ang mga suhestyon at nasa isip ninyo para alam ko kung ano ang una kong gagawin sa Senado.

[Sumunod na nagtanong ang Asong Mamamahayag.]

Asong Mamamahayag: Kung wala po kayong plataporma at wala pa rin kayong naiisip kung anong mga batas ang gagawin n’yo oras na mahalal kayo sa Senado, paano po ninyo makukumbinsi ang mga hayop dito sa kagubatan na handa kayong manungkulan bilang senador?

[Tahimik ang lahat. Naghihintay ng isasagot. May ilang segundong patlang.]

Komedyanteng Unggoy: (Mangiyak-ngiyak na nagsalita at humarap sa mga mamamahayag) Mahigit na sampung taon na akong nakikinig sa mahihirap nating kapwa hayop. Alam ko yung damdamin nila at galing din ako sa ganoong buhay.

Asong Mamamahayag: Handa po ba kayong makipag-debate sa mga isyu? Paano po ninyo sasagutin ang mga nagsasabing wala kayong alam?

Unggoy: Nakita mo itong suot kong puting damit? ‘Yan ako, walang bahid ng dumi. Sabi nga nila, wala raw akong alam. Tama naman silang lahat… wala akong alam na mang-api ng kapwa. Wala akong alam na mang-isa sa kapwa kong hayop. Wala akong alam na magnakaw. Ang tanging alam ko ay ang pagtulong sa ating mga kapwa hayop.

[Palakpakan ang mga bisitang hayop pati mga buwaya.]

EKSENA 3: RESULTA NG HALALAN

[Sa isang entablado, itinataas ng punong komisyoner ng eleksyon ang kamay ng Komedyanteng Unggoy.]

Tagapagbalita: At ang bagong halal na Senador ng Kagubatan ay walang iba kundi… si Kuya Wel!

[Naghiyawan ang mga alipores. Palakpakan, sigawan ang mga taga-suporta ng Unggoy.]

[Sa likod ng kasiyahan, tahimik na nag-aalala ang mga hayop na hindi nadala sa panloloko ng Komedyanteng Unggoy.]

Nagmamasid na Daga: (Napailing sa resulta) Talaga nga namang mas madaling manalo sa eleksyon kapag sikat at may pera… kahit walang alam, basta marunong magpatawa.

[Nag-usap usap ang mga tuso.]

Buwayang-alalay 1: Ano ang balak mo bosing, ngayong senador ka na?

Komedyanteng Unggoy: Saka na natin problemahin yan.

Buwayang-alalay 2: (Pinupuri ang Unggoy) Congrats, bosing. Nakakabilib talaga ang style mo!

Komedyanteng Unggoy: (Linapitan ang alalay. Bumulong. Nakangisi) Ang tawag sa style na yan: “Wel to Win!” Sabi ko naman sa’yo, di ba? Sa politika, hindi mo kailangang maging abogado, propesyunal o nakapagtapos ng kolehiyo. Pag may pera ka’t kilala, at kaya mong magpasaya—tiyak na panalo ka!

WAKAS.

***

PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

Sa halip na hanapin ang pinakamagaling, maraming Pilipino ang bumoboto batay sa utang na loob, o personal na karisma ng isang kandidato.Hindi sapat na sabihing “bobo” ang mga botanteng bumoboto sa maling kandidato tulad ng Komedyanteng Unggoy—mas malalim ang ugat ng problema, at nakaugat ito sa kahirapan, edukasyon, at istruktura ng ating politika.

Exit mobile version