PINAGSISISIHAN kaya ni dating Panglong Rodrigpo Duterte ang pagdalo ni sa Senate blue ribbon subcommittee na nag-imbestiga sa madugong laban kontra droga?
Lahat kasi ng sinabi ng dating pangulo ay on record at under oath na ang ibig sabihin ay hindi na maaaring bawiin. Maliban dito ay ipagpapalagay na lahat ng kanyang sinabi ay “the whole truth and nothing but the truth.”
At nasa kamay na ng International Criminal Court (ICC) ang transcript sa isinagawang hearing sa Senado noong October 28, 2025.
Sa ginawang pagdinig, maraming inamin si Duterte, kasama na doon na may death squad siya.
Itinuro pa nga niya yung mga naging chief of police ng Davao City na mga namuno sa kanyang death squad. Isa na roon si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
May pito pa nga raw na tao na miyembro ng death squad niya, pero mga sumakabilang-buhay na raw sila.
Inamin din ni Duterte na marami siyang pinatay na tao, at kinuwestiyon pa nga bakit wala pa raw isinasampang kaso laban sa kanya.
Nanghamon na naman ang dating pangulo. Huwag po kayong mainip. Baka mapabilis.
Minsan talaga, mas maigi na tumahimik na lang. kasi sa labis na kadaldalan, maraming nasasabi na minsan ay pinagsisisihan sa huli.
Sa kabilang banda, maigi rin na hindi napigilan ng dating pangulo ang magsalita, dahil lunabas sa sarili niyang bibig ang matagal nang gustong ma-kumpirma ng taumbayan: na may death squad nga siya.
Dito ko rin nakita na hindi sinsero ang dating pangulo sa sinabi niyang tanging siya ang mananagot sakaling malagay sa alanganin ang mga pulis. Siya ang dapat na makulong at hindi ang mga pulis dahil kawawa naman daw sila.
Ngunit nawala ang saysay ng lagi niyang sinasabi na “I will take full responsibility” dahil sa pagkamatay ni Kian delos Santos, sinabi niya na hindi naman daw siya ang pumatay, kaya hindi siya ang responsable rito.
Nahatulan na nga at nakakulong yung mga pumatay kay Kian, pero siya hayahay ang buhay.
Yun namang mga pulis, sumunod kahit baluktot at mali ang utos. Hindi sila ang kawawa.
Ang kawawa ay ang mga biktima na pinatay at hindi nabigyan ng kahit isang araw sa korte.
Tingin ko, hindi siya nagsisisi. At hindi siya magsisisi, hangga’t hindi siya nahahatulan.