MAY kalayuan ang bayan ng Bituan sa kapitolyo. Kung lalakbayin ito mula sa sentro ng lalawigan ng Samar, aabutin ng humigit-kumulang anim na araw at kadalasa’y nagiging siyam kapag panahon ng amihan.
Maituturing na kalibliban na ng lalawigan ang Bituan dahil malayo ito sa kabihasnan, ngunit ang mga naninirahan dito ay kontento na sa kanilang pang-araw-araw na buhay sa kabila ng hilagyo.
Ang mga taal sa bayang ito ay masisipag at masisinop, malilikhain at matatalino, pinalaki ng may pagmamahal at pagrespeto sa mga nakakatanda, may pagmamalasakit sa kapwa’t kapaligiran, at higit sa lahat, may matibay na pananampalataya kay Bathala.
Sa pagitan ng Bahay-Dasalan at Munisipyo, may isang plasa kung saan nabuo ang maraming mga alaala. Walang tarangkahan, walang bakod, walang magarbong palamuti—isang bukas na espasyo lamang kung saan nagaganap ang mga mahahalagang pagdiriwang.
Isang umaga, habang papasilip pa lamang ang araw, ginising ng malakas na dagundong ng mga makina ang sentro ng bayan. Sa pagkaalala ng mga matatanda ng Bituan, pangatlong beses pa lang nagkaroon ng ganitong kaingayan mula noong panahon ng giyera.
Sa gitna ng plasa ay may nakatayong isang batong rebulto—isang Inang Aso, nakayuko ang ulo, yakap ang kanyang nakahimlay na tuta na wala ng buhay. Ang tawag ng mga taga-Bituan sa rebulto ay, “Ang Pieta”—kumakatawan sa malungkot na tagpo kung saan nagluluksa ang isang Ina sa pagkamatay ng kanyang anak.
Ilang oras ang lumipas, binakuran ng mga trabahador ang plasa. Sa harap nito, isang karatulang kahoy ang itinayo sa lupa: “Sapori Italiani”—na ang ibig sabihin ay “Panlasang Italyano.”
Sumunod na araw, pinalibutan ng dilaw na lubid ang buong plasa. Pinutol ang mahigit sa walong matandang punong akasya. Nabasag ang rebulto ng Pieta.
Ang Pieta ay gumuho dala ng pagmamaso—nabasag ang ulo nito—ang mga paa ng Inang aso, nabiyak at naputol.
“Bakit hinayaan ng mga nasa Munisipyo na mangyari ito?” tanong ng isang matandang asong napadaan sa plasa. “Bakit kailangang wasakin ang isang bagay na banal at mahalaga sa mga taga-Bituan? Di lamang nirespeto. Ang mas nakakabastos, itinuring ang Pieta na parang basura.”
Walang naunang anunsyo ang pagdating ng mga dambuhalang makinang siyang papatag sa plasa.
Nagising na lamang ang mga taga-Bituan sa mga alambreng bakod at dilaw na lubid, at karatulang may nakasulat: “BAWAL PUMASOK.”
Nang tanungin, nagkibit-balikat ang mga trabahador.
“Utos po ng kumpanya,” sabi nila. “Tanungin na lamang po ninyo ang may-ari ng restoran.”
Sabi ng may-ari, “Tanungin po ninyo si Mayor.”
Sabi ng Mayor, “Tanungin po ninyo ang Babaylan.”
Ang plasa na kinatatayuan ng Pieta ay pagmamay-ari ng Babaylan.
Noong una, nalito ang mga taga-Bituan. Nang lumaon, sila’y nagalit. Hindi lang sa ingay ng mga makina o sa mga nagkalat na basura, kundi sa kataka-takang katahimikan ng Babaylan.
Ang Babaylan—isang matandang kuwagong kilala sa kanyang mga pangaral tungkol sa katarungan, pagmamahal, at kawanggawa—ngayo’y tahimik.
Nang katukin ng galit na mga asong Bituan ang pintuan ng kumbento, ang tanging sabi ng Babaylang kuwago: “Mahirap ipaliwanag. Kumplikado,” saka marahang isinara ang pinto—parang ayaw gisingin ang ilang mga tanong na natutulog.
May mga bulungan sa pagitan ng mga hayop: ang plasa raw ay palihim na ipinaupa— sa isang pusang Italyano na may pangakong malaking kita at kaunlaran para sa bayan ng Bituan.
Ang plasa na dating pook ng mga pagtitipon, ng mga binata’t dalagang nagliligawan at nagpahayag ng kanilang unang pag-ibig, at mga pamilyang itinuring na bahagi ang Pieta sa kanilang mahahalagang yugto sa buhay, ngayo’y magiging isa nang pinakamalaking Italyanong restoran sa buong Samar.
“May permiso ba ito sa Munisipyo?” tanong ng isang asong mapagduda.
Ngumiti ang buwayang alalay ng Mayor—ngunit walang sinabi.
“Sa totoo lang, ang paglapastangan sa Pieta ay hindi lang sa sinisimbolo nito—kundi sa atin mismo,” ani ng isang askal, “Para bang may pahina sa isang aklat na pinilas—at walang nakakaalam kung dapat ba tayong magluksa, magalit, o kalimutan na lamang.”
Gayunpaman, nanatiling tahimik ang Munisipyo’t Babaylan.
Sa Bahay-Dasalan, ang mga sermon ay naging mababaw at salat sa aral—at ang mga parabula ng pagpapatawad, pag-ibig, at hiwaga ay pawang iniwasan.
Ngunit sa labas, ang nangyari sa plasa ay unti-unting naging katatawana’t komedya.
Nagtanong ang mga kabataang hayop kung saan napunta ang Pieta. Hindi alam ng kanilang mga magulang kung paano sasagutin.
Ngayo’y isang patag na semento na lang ang naiwan. Ang Pieta ay hindi lang inalis.
Siya’y binura.
At nanatiling walang imik pa rin ang Babaylan.
Si Tella, isang kayumangging kuneho na itinuturing ang Babaylan bilang kanyang guro, ay galit na galit na nagsusulat sa kanyang talaarawan.
“Itinuro sa akin ng Babaylan na huwag manahimik kung mayroon nakikitang mali sa lipunan at kapaligiran. Na dapat huwag magbubulag-bulagan at bigyan ng boses ang katahimikan,” sulat niya, “Pero bakit walang marinig ni mahinang impit sa yaong boses na dapat lumutang. Ito ang katahimikang nakakabingi. Katahimikan ng isang sinelyuhang libingan.”
At napaisip muli ang kayumangging kuneho: “Paano ko ituturo at ikukwento sa aking mga supling ang sinisimbolo ng Pieta kung ito’y wala na?”
Ngayon, ang Babaylan—na madalas may dalang anghang ang mga sermon—ay iniiwasan ang sariling repleksyon.
“Kung pumayag ang Babaylan na paupahan ang plasa sa pusang Italyano,” bulong ni Tella sa sarili, “dapat niyang ipaliwanag ito sa mga taga-Bituan.”
Ngunit walang pahayag. Walang paliwanag o paghingi ng tawad. Ni walang singa ng panghihinayang.
Ang tanging makikitang paliwanag ay ang malaking karatula sa dating lugar na kinatatayuan ng Pieta:
“DITO ITATAYO ANG ISANG BAGONG MASARAP AT KAPANA-PANABIK NA KAINAN PARA SA MGA TAGA-BITUAN.”
May ilang lumuha. May ilang umiiling. Karamihan, dumaan lang at walang pakialam.
At nagbago na nga ang itsura ng dating plasa.
Ang Babaylan, sa kanyang nakabibinging katahimikan, ay nanatiling walang kibo— nakapinid ang mga labi.
Para sa mga matatandang nakakaalala, ang plasa at ang Pieta ay hindi na gunita ng masasayang sandali, kundi isang malalim na kirot sa dibdib.
Gaano man kaganda ang magiging itsura ng bagong plasa, hindi nito kayang itago ang lungkot ng bayang inagawan ng alaala.
Sa huli, hindi ang ingay ng mga maso’t makina ang bumura sa mga alaalang pinagkaingatan—kundi ang pinakamalakas na alingawngaw ng katahimikan.
PAGGUNAM-GUNAM:
Kapag ang ating mga pinuno ay piniling manahimik sa gitna ng kawalang-katarungan, ang katahimikang iyon ay nagiging pahintulot sa pang-aabuso.
Gayundin sa kinikilala nating mga pastor, pari, diyakono o ministro, ang kanilang mga maka-Diyos na salita ay hindi nasusukat kung gaano kaganda o kalalim ang kanilang mga sermon kundi sa kanilang paninindigan—lalo na sa harap ng paglapastangan sa mga karapatan, kultura, alaala, diwa at kasaysayan ng bayan.