MADALAS nating marinig ito: “Kahit sino naman ang manalo, walang mababago sa buhay natin. Mangungurakot pa rin at mangungurakot. Paghusayan na lamang natin ang pagpapalago ng ating buhay.”
Nakakalungkot na hindi maikonek ng maraming tao ang papel ng gobyerno sa personal nilang paglalakbay sa buhay. Na kung ikaw ay isang manggagawa, estudyante, magsasaka, urban poor, PWD, solo parent, kababaihan…may malaking pagbabago kung disente at accountable ang public official na mailuluklok sa pamamagitan ng pagboto mo ng tama.
Hindi pagtanggap sa anumang normal na kalakaran o nakagawian ang dapat na reaksiyon sa tungkuling bumoto. Mas malalim dapat ang pagsusuring ginagawa sa ugnayan ng gobyerno at nasasakupan o citizenry.
Kapag isinuko na ng iyong kaisipan ang ganitong paniwala, ang paniwalang wala namang mababago kahit sino pa ang umupo- talagang mananatiling lugmok ang sistema ng demokratikong paggogobyerno sa bansa.
Hindi ka na kasi magsisikap na itama ang baluktot na kalakaran, at hahayaan mo na lamang ang mga oportunistang nais makakuha ng puwesto sa gobyerno, na umukit ng mga polisiya- ito man ay mga polisiyang makatao o mapagsamantala.
Nakakalungkot na naging malawak na larangan ng digmaan ang social media, kung saan namayagpag ang disinformation at fake news.
Sa bansang ito na kung saan napakaraming iniluwal na mga bayani, nagsisulputan din ang mga Makapili. Hindi banggaan ng prinsipyo ang namayani kundi banggaan ng mga personalidad.
Binusog ang mga makinaryang political ng maruming salapi, at maging ang mga public servants gaya ng titser, mga pulis at mga pribadong mamamayan na ginawang trolls, ay kinasangkapan upang masiguro lamang na pabor sa kanila ang resulta ng halalan.
Asan ang dignidad nating mga Pilipino? Saan ito napunta? Umiikot na lamang ba ang ating kaisipan sa kung paano magkakapagkamal ng salapi sa tuwing may halalan? Isang one time, big time na oportunidad para kumita at makaranas ng kapiranggot na bakasyon mula sa bangungot ng kahirapan.
Ano ang halaga ng boto mo? Sa ilang milyong Pilipino, may maiguguhit ba itong pagbabago?
May kakilala akong isang yuppie o young professional na hindi nangingialam sa kalagayang politikal ng bansa. Ayaw niyang makialam kasi nakaka-stress daw. Tanging pagpapalago ng kanyang career ang nais atupagin. In fact, kamakailan lamang siya nagparehistrong bumoto. After thirty years ng pagiging Pilipino.
Ang dahilan niya? Marami na siyang napapansing katiwalian sa pagpoproseso ng kanyang mga dokumento at maging sa kanyang negosyo. Nais niyang makakita ng reporma sa maraming sangay ng gobyerno. Naiirita siya sa ilang patakarang anti-labor. Nag umpisa siyang makaramdam ng kaapihan. Subalit hindi siya makapagreklamo. For some reason, ayaw niya ng asunto.
Yung paniniwala niya dati na paghusayan na lamang ang paghahanapbuhay para umasenso ay napalitan ng maraming pagtatanong: bakit kahit anong pagsisikap ay ganito pa rin ang sitwasyon ng pamilya ko? Bakit ang mga simpleng kawani ng gobyerno ay mabilis lumago kahit sa maliit nilang suweldo? Sinuwerte lamang ba sila o may magic talagang nagaganap sa mga sangay na kinabibilangan nila?
Nakita din niya kung gaano kalawak na ang epekto ng disinformation sa kanyang anak. Natatakot siyang maging robot at hindi matutong mag-analisa ang kanyang supling; natakot siyang piliin nitong maging alipin, maging tameme, maging bulag, pipi at bingi. Isang kawaning susunod na lamang lagi sa amo, anuman ang kalakaran sa kanyang pagtatrabaho.
Nakita niya ang impact ng halalan sa kinabukasan ng kanyang anak. Magsisilbing instrument ito para magkaroon siya ng boses. Sa araw na ito, siya- isang botante- ang pinakamakapangyarihang nilalang.
At pinipili na niyang makialam at maging bahagi ng transpormayon ng pamamahala.
Maaring isa lang siyang boses sa karimlan, pero aniya mas mahalagang gampanan niya ang kanyang civic duty to vote, kaysa manatiling wala siyang gawin para sa kanyang kinabukasan at kinabukasan ng kanyang anak.