NAPIKON sa patamang biro sa isang pagtitipon ang isang kilalang gobernador sa Visayas region.
Siya kasi ang naging sentro ng usapan ng kanyang mga kapwa local officials nang maging topic nila ang lipatan ng partido kaugnay sa nalalapit na 2022 national at local elections.
Sinabi kasi ng isang mayor sa kanilang lalawigan na mukhang prutas na balimbing ang ating bida dahil lagi itong kumakapit sa partido nang kung sinuman ang nakaupong pangulo.
Kongresista pa lamang si Gob ay kinakitaan na ito ang pagiging balimbing dahil sa pagdikit nito sa mga nakapwesto na mas mataas sa kanyang posisyon.
Nung reporter pa lamang ako sa Kongreso ay ilang beses rin naming napansin ang pagiging segurista ng ating bida.
Ilang beses rin kasing nagkaroon ng palitan sa house speakership sa Kamara noong congressman pa lamang si sir pero lahat nang naging speaker ay nakadikit siya.
Ganun rin ang kanyang ginawang pagsipsip sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Nang matapos ang term ni PGMA ay kaagad itong nagsuot ng dilaw na uniporme at naging anino ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa tuwing ang dating lider ay napupunta sa lalawigan ni Gob.
Nang matapos ang termino ni PNoy ay naging laman naman siya sa mga events ng PDP na siyang partido ni Pangulong Rodrigo Duterte.
At tulad ng inaasahan ay sumipsip na naman si sir sa nakaupong pangulo sa Malacanang.
Ngayong umatras si Sen. Bong Go sa presidential race ay tila nalilito ang balimbing na gobernador sa kung sino ba ang kanyang susuportahan.
Sinabi ng aking spotter na dumidikit ito ngayon sa kampo ni dating Sen. Bongbong Marcos pero may pagkakataon rin na nakikitsika ito sa mga kaalyado ni Manila Mayor Isko Moreno.
Di na kailangan ng clue dahil kilala ang opisyal na ito na medyo nakakalbo na rin ayon pa sa aking spotter.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]