Ang Asong-Gubat at ang Pitong Kuting

SA isang barangay sa paanan ng bundok Pinagbanderahan, may isang maliit na kubong yari sa pawid.

Dito nakatira si Mundeng, isang pusang ina, kasama ang kanyang pitong makukulit na kuting—sina Bibo, Taba, Putol, Itim, Oniks, Pong, at ang bunsong munting puting kuting na si Kara.

Isang umaga, bago pa uminit ang araw, tinawag ni Mundeng ang kanyang mga paslit.

“Mga anak, pupunta muna si Nanay sa bayan para bumili ng asin at bigas. Huwag kayong magbubukas ng pinto, ha? May balitang may asong-gubat na gumagala rito.”

“Anong itsura n’un, ‘Nay?” tanong ni Bibo, ang pinakamatanda sa magkakapatid.

“Malaki, mabalahibo, at may boses na paos. Pero ang pinakadelikado, marunong siyang manlinlang. Kaya ‘wag basta maniniwala kahit sabihin niyang ako ‘yon.”

“Opo, ‘Nay!” sabay-sabay nilang sagot.

Pag-alis ni Mundeng, abala ang mga kuting sa paglalaro ng tumbang-preso sa loob ng bahay. Hanggang sa may kumatok.

Tok! Tok! Tok!

“Mga anak, si Nanay ‘to! Buksan ninyo, galing lang ako sa tindahan!”

Napatingin si Oniks sa pinto. “Parang boses ni Nanay, pero parang paos!”

“Nay, subukan mo nga ulit magsalita” sigaw ni Bibo.

“Ah, eh—mga anak, ito talaga si Nanay!”

Pero si Pong, ang pinaka-mapanuri sa magkakapatid, sumilip sa siwang ng pinto.

“Ay, hindi ikaw si Nanay! Maiitim ang iyong kuko! Si Nanay, maputi ang kuko kasi nililinis niya sa sapa araw-araw!” aniya.

Nainis ang asong-gubat. Umalis ito at pumunta sa ilog. Doon, sinadya niyang linisin ang mga paa gamit ang apog para pumuti.

Pagbalik niya, muli siyang kumatok.

Tok! Tok! Tok!

“Mga anak, si Nanay ‘to!”

Muli, sumilip si Pong. “Hmm… maputi na nga ang kuko, pero paos pa rin ang boses!”

Nagkunwaring galit ang asong-gubat. “Eh kasi naman, sinisipon pa ako, anak!”

“Hindi pa rin kami maniniwala!” sigaw ni Taba. “Si Nanay, kumakanta muna bago pumasok!”

Napakamot ang asong-gubat. Kaya’t nagpunta siya sa malapit na kamalig, kumuha ng ilang itlog at gatas, at nilunok iyon para lumambot ang boses.

Pagbalik niya, sumigaw siya na may matamis na tono:

“Mga anak kong kuting, pinto’y buksan at ako’y papasukin. May dala akong ginataan at iba pang masasarap na pagkain!” pakantang sabi ng asong-gubat.

Napaindak si Itim. “Ay, si Nanay nga ‘yan!” aniya.

Pero bago pa man buksan, pinigilan sila ni Pong.

“Sandali lang! Pakita mo nga ang buntot mo, Nay!”

Agad na nagtago ang asong-gubat sa ilalim ng pinto: “Wala akong buntot ngayon, anak, kasi nasabit sa kawayan!”

“Hmm… parang totoo,” bulong ni Bibo.

At bago pa sila makapigil, binuksan ni Taba ang pinto.

Pagbukas—nabigla ang lahat at agad lumundag ang asong-gubat!

“WAAAAH!!!” nagsisigawan ang mga kuting!

Nagkanya-kanyang takbuhan—si Putol tumalon sa bintana, si Itim nagtago sa ilalim ng kama, si Bibo sa loob ng paso, at si Kara nagtago sa lumang aparador.

Isa-isa silang nahuli ng asong-gubat at kinain ang mga kuting nang buo.

Pero hindi napansin ng asong-gubat si Kara na nakasilip mula sa aparador, nanginginig pero tahimik.

Pagbalik ni Mundeng laking gulat niya nang makita ang maraming kalat sa loob ng bahay.

“Mga anak? Nasaan kayo?” sigaw ng ina.

Sumilip si Kara, umiiyak. “Nay! Kinain sila ng asong-gubat!”

Naluha si Mundeng, pero agad niyang pinahid ang luha. “Tara, anak. Hanapin natin ‘yung hayop na ‘yon.”

Sinundan nila ang bakas ng paa hanggang sa tabi ng sapa, kung saan naroon ang asong-gubat, himbing na himbing at busog na busog.

“Nay, paano natin sila ililigtas?” tanong ng bunso.

“Manood ka lang, anak,” sabi ni Mundeng, sabay labas ng maliit na gulok.

Dahan-dahan niyang nilapitan ang asong-gubat, at nang marinig nitong humilik nang malakas—Krrk! Krrk! Krrk!—binuksan ni Mundeng ang tiyan nito.

Isa-isa, lumabas ang anim na kuting, buhay at nagtatakbuhan!

“Mga anak!”

“Nay! Buhay pa kami!”

Tinahi ni Mundeng ang tiyan ng asong-gubat, pero bago ito magising, nilagyan nila ng mga batong mabibigat sa loob.

Nang magising ang asong-gubat, masakit ang tiyan at nauhaw. Pag-inom niya sa sapa—lumagapak ito!

—nahulog sa ilog at inanod palayo.

“Yehey!” sigawan ng mga kuting.

“Mga anak,” sabi ni Mundeng, “kaya’t tandaan ninyo: hindi lahat ng nagpapakilalang kaibigan—o nagpapakilalang ako—ay dapat papasukin at paniwalaan. May mga nilalang na sadyang nabubuhay sa panlilinlang.”

“Pati ‘yung nagpapakilalang taga-gobyerno, Nay?” tanong ni Putol.

“Naku oo, lalo na ‘yon!” sabay-tawa silang lahat.

At mula noon, tuwing aalis si Mundeng, sinisigurado niyang sarado ang pinto at sina Taba at Itim ang bantay.

“Mas maigi nang maging praning, kaysa gawin tayong pagkain,” payo ni Bibo sa kanyang mga kapatid.

“Tama ka riyan, Anak. Walang manloloko kung walang kuting na magpapaloko!” tugon ng ina.

***

PAGGUNAM-GUNAM:

Ang pangunahing aral ng kuwento ay huwag agad magtiwala sa panlabas na anyo o matatamis na salita. Mahalagang maging maingat kahit sa mga kilalang tao o awtoridad.

Responsibilidad ng bawat isa na maging mapanuri at marunong magtanggol sa sarili. Hindi sapat na sisihin ang mga manloloko; kailangang matuto tayong huwag magpaloko.