KATATAPOS lang ng tag-ulan at sabik ang lahat lumabas sa parke lalo na’t napakaganda ng ngiti ng umaga na may dalang kakaibang sigla sa araw ng Sabado.
May mga siklistang dumadaan, mga batang naghahabulan, at mga alagang pusa’t aso na naglalakad kasama ng kanilang mga amo.
Sa lilim ng isang puno, apat na magkakaibigang aso ang magkakasamang nagpapahinga.
Una si Max, isang American Golden Retriever. Kasunod si Frauke, isang German Shepherd, at katabi niya si Shikoku, isang Japanese Shitsu.
At sa ilalim ng bangko sa tabi ng puno, nakahilata si Bruno, isang Asong Pinoy, pakaway-kaway lang ng buntot.
Matagal nang magkakakilala ang apat, at tuwing sila’y magkikita sa parke, ‘di maiwasang magpatalbugan ng hangin ang isa’t isa.
Tulad pa rin ng dati, si Max ang unang nagpakitang-gilas.
Nagpakumpas ito ng balahibo at nagwika: “Mga kaibigan, narinig n’yo na ba ang pinakabagong tagumpay sa medisina sa Amerika?”
Sanay na ang tatlo sa mga patutsada’t yabang ni Max, pero nagulat sila na may alam pala ito sa medisina.
“At ano naman ang interes mo kung meron ngang bagong tuklas sa larangan ng medisina?” tanong ni Shikoku.
“Magugulat kayo,” paglilinaw nito. “Sa Amerika, tinanggal namin ang atay ng isang tao, itinanim sa iba— at makalipas ang anim na linggo, naghahanap na ito ng trabaho!”
Tumahol nang tawa si Frauke. “Haha! Wala ‘yan sa Alemanya. Sa bansa namin, kumuha kami ng kapiranggot na parte ng utak, itinanim sa iba—apat na linggo lang, naghahanap na ito ng trabaho!”
Sumabat naman si Shikoku: “Mga baguhan sa medisina ang mga kababayan ninyo. Sa Japan, kalahating puso lang ang itinanim namin sa ibang katawan—dalawang linggo pa lang, naghahanap na ang taong ito ng trabaho!”
Kalmadong itinaas ni Bruno ang kanyang ulo, kumindat, at nagsalita, “Ehem, ehem… Mga boss, luma na‘yan!”
Lumingon ang tatlong lahi, may halong paglibak.
“At ano naman ang himala sa bansa mo, askal?” tanong ni Max, medyo may pang-aasar.
Ngumisi si Bruno, nakalabas ang dila.
“Simple lang, mga kaibigan. Ilang buwan lang ang nakaraan, dito sa Pilipinas, may nakitang taong walang utak, at walang puso,” bungad ni Bruno.
Natahimik ang buong parke—tila nagulat sa sinabi ng kaibigan nilang askal.
“Ganyan ba kagagaling ang mga doktor n’yo sa Pinas kesa sa Amerika at nakahanap kayo ng taong walang utak at walang puso?” laking pagtataka ni Max.
Ngumiti si Bruno, taas-noo: “Totohanan ‘yan. At eto pa ang mas malupit—ibinoto siya sa Kongreso!”
“Seryoso ka ba d’yan, Askal?” tanong ni Frauke.
Tumindig at inunat ni Bruno ang kanyang katawan.
“Oo, totoong walang utak at walang puso,” sabi niya—“ngayon, siya na ang pinakamakapangyarihang politiko sa bansa…”
“…at buong Pilipinas na ang naghahanap ng trabaho!”
***
PAGGUNAM-GUNAM
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, o kwento ay inspirasyon lamang.
Ang aral ng kwento: Huwag iboboto ang mga politikong walang utak at puso, baliw at hangal, ganid at walang konsensya.
At para sa kapayapaan ng mundo, walang nasaktan sa payabangan ng mga aso.


