KABILANG si Senator Imee Marcos sa mga reeleksyonistang mambabatas sa 2025 midterm elections, at tinitingnan ng marami na ang magiging resulta nito ay barometro sa kung ano ang planong gagawin ng senador sa kanyang political career sa hinaharap.
Mabigat na pagsubok ang papasukin ni Imee sa mga susunod na taon, hindi lamang sa kaliwa’t kanang batikos bilang kapatid ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kundi ang mga nakaambang protesta ng mga kalaban na magmumula sa makakaliwang grupo, dilawan at ibang pwersang pulitikal.
Hindi rin kailangang magtiwala ng lubos si Imee sa kanyang mga kaalyadong pulitiko sa kasalukuyan dahil ang kanyang mga kakampi ngayon ay maaaring tuluyan na niyang maging kalaban sa hinaharap na panahon.
Maging aral kay Imee ang ginawa ni dating Pangulong Digong na sa kabila ng kanilang alyansa at pakiusap ng ilang pulitiko na suportahan ang kanyang kapatid, hindi ginawa at sa halip ininsulto pa at ipinaramdam na si Bongbong ay isang “mahinang nilalang.”
Malinaw rin ang mensahe sa idinaos na National Assembly ng PDP-Laban sa pangunguna ni Digong nitong Setyembre 29 na talagang desidido silang makopo ang midterm elections sa 2025 at makapaghalal ng maraming pulitikong kaalyado ng kanilang partido.
Hindi ba ito ang tinatawag na konsolidasyon ng puwersa ng grupo ni Digong bilang preparasyon sa kung sino ang kanilang magiging pambato sa darating na 2028 presidential elections?
Inupakan pa nga ni Digong si Bongbong sa nasabing National Assembly sa pagsasabing… “But the president can be very sure that in the coming days, we will fiscalize. Pag may nakita tayong masama, we will raise our voice because that is the essence of democracy.”
Kaya nga, dapat maging mapagbantay si Imee at laruing mabuti ang kanyang ‘baraha’ at paghandaan ang darating na eleksiyon sa 2025 para masigurong papasok siya sa Magic 12, at kung maaari ay maging number 1 sa senatorial race.
Kailangan din gawin ni Imee ang mga adbokasiya o programa na madaling maiintindihan o masasapol ng simpleng mamamayan kabilang na ang mga konkretong tulong na maipamamahagi sa mga naghihirap at nagugutom.
Malaking bagay ang magiging resulta ng midterm elections sa 2025 para kay Imee at hindi dapat pakawalan ang pagkakataon dahil sa malamang ito ang magluklok sa kanya sa kapangyarihan bilang kapalit ng kanyang kapatid na si Bongbong.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]