Actor napaso na sa pulitika; iniwan sa gastusan ng kaibigang pulitiko

HANGGANG ngayon ay ayaw na ayaw maririnig ng isang sikat na aktor ang pangalan ng kanyang dating kaibigan na pulitiko.

Bakit nga naman hindi, eh halos masaid ang kayamanan ng aktor nang minsan niyang subukang makisawsaw sa pulitika dahil sa pagpilit sa kanya ng dating kaibigan.

Ang usapan kasi ng dalawa, ayon sa aking cricket, ay magtutulungan sila sa sabay nilang pagtakbo.

Ibig sabihin ay magbibigay ng pondo si Mr. Politician sa pangangampanya samantalang sagot naman ni aktor ang iba pang diskarte kasama na ang pag-iimbita ng mga endorser na artista.

Fast-forward tayo, nanalo si Mr. Politician samantalang sa kangkungan pinulot ang kandidatura ng aktor.

Nang mahawi na ang alikabok ng halalan ay tumambad ang katotohanan.

Sa kalagitnaan ng laban ay sangkatutak na pera pala ang ginastos ng aktor dahil kulang ang itinulong sa kanya ng kaibigan niyang pulitiko.

Nagalaw pati ang kanyang mga ipon at muntik na ring maibenta pati ang ilang fastfood chain na naipundar niya dahil sa sipag sa paggawa ng mga pelikula at product endorsement.

Ikinuwento pa ng aking spotter na si Mr. Politician pa ang suplado pagkatapos ng halalan samantalang siya na nga ang nagkulang sa kanyang mga ipinangako.

Ngayong papalapit na muli ang national at local elections ay may nagtanong sa aktor kung kumusta na sila ng dating kaibigan na minsang nanghikayat sa kanya na sumali sa pulitika.

Nakiusap ang aktor na huwag na huwag babanggitin sa kanya ang pangalan ang mambabatas dahil umiinit daw ang kanyang ulo.

Nilinaw rin ni aktor na tama na sa kanya ang minsang sumubok sa pulitika at wala na raw siyang balak na makisawsaw muli rito.

Ang aktor na galit na galit hanggang ngayon sa pulitikong nag-udyok sa kanyang subukan ang pulitika ay si Mr. M….as in Mulato.

Ang mambabatas naman na hindi raw sumunod sa kanyang mga ipinangakong tulong na hanggang ngayon ay naghahari-harian pa rin sa kanilang lalawigan ay si Mr. L…as in Lakwenta.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]