SA ilalim ng General Banking Law (Republic Act No. 8791), mahalaga ang papel na ginagampanan ng bangko sa pagtitiyak ng kaaya-ayang kalagayan para sa sustenidong pambansang ekonomiya.
Kaugnay nito, marapat na dumadaan ito sa mahigpit na superbisyon at regulasyon ng Bangko Sentral Ng Pilipinas (BSP).
Subalit sa kasalukuyan, tila nakakaligtaan ng BSP ang mahalagang papel nito na ituwid ang ilang naitalang pang-aabuso ng banking sector.
At kung sa tingin mo ay hanggang hanash (i.e. buntung-hininga) ka na lang tuwing maglalabas ng pera dahil sa kaltas sa transaksiyon, sa malapit na hinaharap ay baka hindi na.
Ito ay dahil sa paglakas ng tinig ng mga pumupuna sa mataas na bank charges.
Umaabuso nga ba ang mga bangko sa pagkaltas ng fund transfer fee, interbank fee at maintaining balance fee?
Maaaring isa ka sa mga milyong depositors na nakararanas na hindi makapagmintina ng kinakailangang buwanang balanse sa iyong bank account. Nagulantang ka bang ang P9,000 balance mo sa bangko na hindi mo nadagdagan ay biglang naging zero over a period of months dahil sa kababawas ng maintaining balance fee?
Paano din yung kada deposito sa sahod mo ay may P100 na charges?
Yung kada transfer mo ng pera ay umaabot sa P15 hanggang P50 na kaltas? Halimbawa ay kailangan mong maglabas ng malaking halaga para sa mahalagang pagkakagastusan, gaya siguro ng house renovation, piyansa o hospital bills. Dahil may limit na P10,000 lamang ang maraming bangko kada transaksiyon, malaking bahagi ng iyong salapi ang napupunta sa charges.
Hindi nakakagulat na tawaging “mga suwapang” ng isang mambabatas ang mga bangko at nanawagan sa Bangko Sentral Ng Pilipinas (BSP) na dapat limitahan o kaya ay lagyan ng cap ang ibinabawas na fund transfer fees at kaakibat pang mga charges ng mga bangko lalo pa ngayong may implasyon.
Ayon kay Rep. Joey Salceda, Chairman ng House committee on ways and means, ang kaltas para sa mga interbank transfers na inaabot ng dalawa hanggang tatlong araw bago mag clear ay ipinapalagay sa P2,100 kada transakyon. May bangko rin, isang universal bank, na kapag hindi namintina ang balanseng kinakailangan ng bangko, ito ay tuloy tuloy na nagkakaltas hanggang tuluyang maisara ang account. Nasa P500 kada buwan ang kaltas sa mga hindi makapagmintina ng tamang balanse sa account.
Sa panahong mahalaga ang bawat sentimo dahil sa hirap ng buhay at mahal ng bilihin dahil sa implasyon, ang mga transaction fees sa bangko ay dapat isailalim sa regulasyon.
Batay sa Republic Act 265 na inamyendahan ng Presidential Decree 72, isinsaad ng dating batas na lumikha sa Central Bank of the Philippines na dapat itong tumugon sa pagbabago ng economic landscape ng bansa.
Ngayon sa ilalim ng Republic Act 11211, mandato ng Bangko Sentral Ng Pilipinas (BSP) na palakasin ang kapasidad pampinansiya at siguruhin ang financial system stability ng bansa.
Sa pagtugon sa pagbabago ng sitwasyong pang-ekonomiya ng bansa, kinakailangan ang masusing balanse sa kita ng mga bangko at kaakibat na malasakit sa publikong nagbabangko.
Pagiging ganid, ayon kay Salceda, ang mataas na kaltas sa mga ganitong transaction. “If this is not avarice, I don’t know what it is,” hinaing ng mambabatas.
Malaking insentibo para sa mga bangko ang bank charges; milyon din ito kapag pinagsama-sama. Tumatabo ng kita, halimbawa, ang Gcash at iba pang online payment systems sa 2% na kaltas kada transaksiyon. Mataas na ito, pero higit na mas mababa kumpara sa regular transaction fees ng mga regular banks.
Pagmamalabis ang naturang charges sa mga ordinaryong wage earner, dahil kung tutuusin ay crucial ang papel na ginagampanan ng mga bangko bilang pangunahing pinagkukunan ng kapital upang maitaguyod ang pagpapaunlad sa kabuhayan. Bilang regulator, dapat nang pumagitna ang BSP at busisiiin ang bagay na ito.
Pinuna rin ni Salceda ang gawaing pagpapatong ng charges kahit na ang transaksiyon ay dumaan sa sariling bangko. Ano ang naidagdag na serbisyo dito na kailangang bayaran ng publiko?
Kung tutuusin, ang relasyon ng mga bangko at nagbabangko ay creditor-debtor. Kapag nagpasok ng pera ang tao sa bangko, siya ang nagpapautang at nagbibigay ng puhunan sa bangko. Mula sa pera niya kumikita ng malaking interes ang bangko. Ang tanging bumabalik sa nagdeposito ay ang maliit na interes at seguridad na ang pera niya ay nakatabi at mahuhugot kapag kinakailangan.
Batay sa naturang relasyon ng bangko at nagbabangko, marapat lamang na bigyan ng resonableng ganansiya ang nagbabangko o depositor lalo na sa panahong lumiliit ang halaga ng kanyang salapi dahil sa implasyon.
Imbes na gatasan ang depositors sa mataas at hindi kinakailangang charges, tungkulin ng mga bangko na mag-innovate at humanap ng mga istratehiyang makakatulong para sa mas mabilis na transaksiyon na hindi nangangailangan ng mas mataas na transaction fees. Alisin din ang hindi kinakailangang singil.
Kung magpapatuloy ang kalakarang ito ng mga bangko na anti-depositor/anti-consumer, hindi ako magtataka kung sa paparating na mga buwan ay mas tatangkilikin ang mga online banks na P10 hanggang 0 transaction charges ang pinaiiral, kumpara sa P50, P100, P500 hanggang P2,100 na regular bank charges.
Mungkahing maglabas dapat ng kautusan ang BSP na tingnan ng mga bangko ang hinaing na ito ng depositors. Una dapat sa prayoridad ng naturang mga institusyong pampinansiya ang pagpapatatag sa relasyon nito sa publiko kung saan nanggagaling ang patuloy nitong operasyon.