KAHAPON, November 2, 2021, ginunita sa buong mundo ang International Day to End Impunity for Crimes Against Journalists na idineklara ng United Nations.
Naglabas din ang New York-based Committee to Protect Journalists ng Global Impunity Index.
Ang nakalulungkot, nun lang Sabado, October 30, isa na namang Pinoy reporter ang pinatay.
Sa Alert ng National Union of Journalists of the Philippines o NUJP, pinasok mismo ng gunman si Orlando “Dondon” Dinoy sa kanyang broadcast booth at malapitang pinagbabaril.
Si Dondon ay reporter ng Newsline Philippines at host ng block time program, Energy FM Radio Station sa Digos City, at dating correspondent ng Philippine Daily Inquirer at Sunstar Superbalita-Davao.
Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at Center for Media Freedom and Responsibility, karamihan sa napapatay na media ay nagreport tungkol sa mga pulitiko at katiwalian sa gobyerno. Karamihan ng pinatay ay nasa radio.
Ano ba ang ibig sabihin ng impunity?
Ito yung mga krimen na hindi nalulutas at hindi napaparusahan ang mga nagkasala.
Base sa CPJ Global Impunity Index ranking, ang Pilipinas ay 7th deadliest country for journalists sa nagdaang 10 taon, mula 2011 hanggang August, 2021.
Ang pagpatay sa mga mamamahayag ang pinakasagad-sagarin, pinakabrutal, pinaka-nakakatakot, pinaka-nakalukungkot at pinaka-nakagagalit na patunay yarn, walang press freedom.
Media killings ang highest form of censorship.
Ultimate sacrifice yan ng mga reporter at media persons, maski ginagawa lang naman nila ang kanilang trabaho.
Tanungin mo kung bakit?
Kasi obvious naman, dedo na ang tagapagbalita ng katotohanan, so sino pa magbabalita kung pinatay na si reporter.
Kung uubusin ni Duterte na ipatumba o ipasara ang mga media na bumabanat sa kanya, sa kangkungan pupulutin ang demokrasya sa Pilipinas.
Going by this logic, kung pampito ang Pilipinas sa mga bansang pinakamarami ang pinapatay na journalist sa buong universe, ibig sabihin, pampito ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na titigok-tigok ang press freedom. Nada. Nega. Walang press freedom.
Kung manunutil kayo at ipipilit na nandyan pa rin naman ang Inquirer, Rappler o ABS-CBN bilang patunay na merong press freedom, o nakababanat naman sa gobyerno ang maraming media, wrong, mali na pag-iisip, wag ganun.
Wag tayong mangmang, kung merong kritikal na media o kaya ay napupuna pa ng media si Duterte, ito ay dahil matapang, prinsipyado, nangangahas at itinataya nila ang mga buhay, kabuhayan o negosyo nila para batikusin ang maraming kapalpakan ni Duterte at ng kanyang administrasyon o ng kahit sinong administrasyon.
Ito’y kahit alam nilang pwede silang harangang mag-cover sa Malacanan tulad ng ginawa sa Rappler, ipakulong tulad ng ginawa kay Nobel Peace Awardee Maria Ressa, pinagbabantaan at tinatakot tulad ng ginagawa sa Inquirer o patahimikin at ipasara tulad ng ginawa sa ABS-CBN.
Sisisihin syempre ang media: nababayaran, umo-orbit, pinabili lang ng suka naging reporter na, hindi nirereport ang magagandang ginagawa ng gobyerno, ABiaSed, dilawan, etc.
May punto naman dyan. Pero – labag sa batas, hindi makatao at lalong hindi solusyon ang patahimikin, takutin, gipitin, at pagpapatay-patayin ang mga journalist na pumupuna kay Duterte o sa gobyerno, i- bash, i-bully o markahan sila na pulahan at komunista. Kuha mo?
Karamihan sa media persons kasama na ang mga journalist ay contractual, maliit ang sahod, kailangan ng tuloy-tuloy na pagsasanay, walang benepisyo, hindi parating ligtas sa mga peligrosong coverage na ina-assign sa kanila.
Hindi katuwiran yan para gumawa ng milagro ang mga ka-media.
Kung may problema sa media at may basehan at ebidensya, isumbong sa bisor, manager, may-ari ng media, o idemanda.
Hindi alam ng marami, tinuturukan o binabantayan yarn ng kapuwa media ang mga problema o isyu na ibinabato sa kasamahan sa media.
May disciplinary action, education at training at nag-uusap-usap. Pero hindi lahat ng issue sa media ay agad na malulutas.
Proof: isang pinuno ng isang samahan ng mga journo ang tinanggal dahil nanghingi ng pocket money papuntang abroad bilang representative sa isang pagtitipon ng mga mamamahayag.
Dahil dito, tinanggal din siya ng media network na pinapasukan niya bilang manager.
May bisor naman ang tinanggal sa isa pang network dahil sa pera-pera. Ginamit nya ang istorya ng isang journalist at ginawang attachment sa payroll para makakuha ng talent fee na pinaghatian nila ng isang segment producer.
Nag-hire din si bisor ng ghost floor director at yung tf ay pinaghatian nila ng edit supervisor na nagpo-floor director din. Nagkaisa ang mga tao at sinibak sila.
May isa namang head ng news operations ang natimbog at tsinugi dahil tumatanggap ng pera mula sa public relations people at ginamit pa ang equipment at facilities ng kumpanya sa kanyang moonlighting.
Ang pangit na ugali naman ng isang veteran journalist ang nagpabagsak sa kanya.
Isang sikat na news anchor naman ang tinigbak dahil nagkomento sa isang live coverage ng kaguluhan sa isang demonstrasyon. Hindi kasi trabaho ng isang news anchor ang magkomento sa ibinabalita, unethical.
Kaya hanggang makakaya, nagtutulungan ang media na igiit sa media owners na pasahurin sila ng tama at irespeto na magbuo ng union at sa gobyerno naman, na suportahan at protektahan sila imbes na ipapatay kapag may ibinubulgar na mga anomalya.
Nananawagan din ang media na tanggalin na ang criminal aspect ng libel para hindi sila ipakulong dahil sa pagsusulat ng totoo pero somalosep, dinoble pa ang parusa sa ilalim ng cyberlibel law.
Isang malaking hakbang na ginagawa ng journalists’ community sa pangunguna ng NUJP ay ang pag-update ng Code of Ethics ng mga journalist na gabay sa trabaho, pagsusulat at pagbabalita, pati na rin ang pakikitungo sa kapuwa media, source of information at ibang tao, sa loob at labas ng trabaho.
Ngayong araw, November 3 ang soft launch ng Ethical Guide for Filipino Journalists.
Malaking kontribusyon ito para makatulong sa maayos na pagbabalita at paglalahad ng mga impormasyon na kailangan para well-informed, at masiglang nakasasali ang, mga ordinaryong tao sa isang tunay na malaya, demokratiko at maunlad na Pilpinas.
Congrats sa NUJP at mga kapatid sa trabaho.