TUMAAS ang bilang ng nagugutom na Pilipino sa second quarter ngayong taon.
Base sa survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS), mula June 28 hanggang July 1, 2023, mas
marami ang nakaranas ng “involuntary hunger” o ang pagiging gutom.
Bagama’t bahagya lamang ang itinaas ng bilang ng nagugutom na Pilipino kumpara sa sinundang unang tatlong buwan, hindi ito dapat ipagwalang-bahala ng ating gobyerno.
Inilagay na nasa 10.4 porsiyent ng Pilipino ang nakaranas ng “involuntary hunger” nitong nakaraang mga buwan ng Marso hanggang Hunyo.
Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, asahan natin na tataas din ang presyo ng mga basic
commodities o mga pangunahing pangangailangan natin gaya ng bigas, mga de lata, at instant noodles.
Tumaas na rin ang pamasahe sa Light Rail Transit (LRT) at ang bayad sa mga toll plaza.
Sino ba naman ang hindi mababahala sa ganitong mga balita?
Malaking numero sa ating mamamayan ang hirap pa ring bumangon dahil sa pandemya. Milyon pa ang
walang trabaho o hirap maghanap ng trabaho.
Bagama’t tapos na ang eleksyon at nanalo na ang mga kasalukuyang nakaupo sa pwesto, hinahanap pa rin
ng taongbayan ang ipinangakong P20 kada kilo na bigas, para naman maibsan kahit papaano ang hirap ng mga kulang sa budget.
Matutupad kaya ang pangakong ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Junior?
Huwag na kayo umasa,
Nitong mga nakalipas na araw, tumaas na sa P4 hanggang P5 ang kada kilo ng bigas.
Kahit sa mga Kadiwa center na palaging ipinagyayabang ng kasalukuyang administrasyon, ay walang mabiling P20.00 kada kilo na bigas.
Malaking epekto ng kagutuman sa kalusugan, lalo na sa mga bata, na sana ay pag-asa ng bayan.
Walang sustansiya kung puro instant noodles at de lata na puro preservatives ang kakainin ng isang
pamilya na hirap sa buhay. Apektado ang paglaki at “brain development” ng mga bata kung laging
walang sustansiya ang kakainin nila.
Mahal ang gulay, karne, isda, at mga prutas, pati na gatas, na siya sanang dapat kasama sa meal ng bawat pamilya.
Tila isa na lamang pangarap ang makabili ng masasarap at masustansiyang pagkain kung magpapatuloy
ang kahirapan.
Nakagagalit din ang balitang nasa bilyong piso ang mga confidential funds ng pangulo at ikalawang
pangulo gayung maaaring gamitin ang halagang ito pandagdag sa “poverty alleviation fund,” o para sa
ating agrikultura na kailangang-kailangan ng ating mga magsasaka at mangingisda ng tulong.
May programa ang gobyerno na tapusin ang kagutuman sa bansa sa taong 2030.
Matupad kaya ito?
Matinding “political will’ ang kailangan. Hindi natin kailangan ang mga pangakong alam nating
mapapako.
May limang taon pa si Pangulong Marcos Junior sa pwesto.
Aabangan ko kung matutupad ang sinabi niya sa World Economic Forum na “food security remains at the
forefront of our national agenda. Anchored in or vision for a prosperous, resilient, and secure Philippines
by the year 2040.”
Magandang pakinggan, ambisyosong layunin.