NAGBABALA ngayong araw si National Water Resources Board executive director Sevillo David. Jr. na posibleng maranasan ang water shortage sa Metro Manila sa harap ng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam.
“Ang lebel po ng Angat daw kaninang umaga ay nasa 202.13 (meters). Ito pong lebel na ito ay halos 10 metro ang layo dun po sa inaasam po sana nating lebel na 2012 (meters),” aniya.
Ngayong panahon ng pandemya ay kinakailangan nating i-manage ‘yung releases. Baka sa susunod na linggo, nagta-target po tayo ng kabawasan sa alokasyon para po sa water suplay sa Metro Manila,” dagdag ni David sa panayam sa DZMM.
Sinabi ng opisyal na hindi nadagdagan ang lebel ng tubig sa Angat Dam bago matapos ang 2021 dahil sa kawalan ng mga pag-ulan.
“Bagamat nasa La Nina pa rin tayo, kung sakali pong ‘yung inaasam nating mga pag-ulan ay hindi dumating, minabuti po nating i-manage yung allocation para naman po sa tag-init ay meron po tayong suplay na magagamit sa kababayan natin,” dagdag ni David. –WC