INANUNSYO ng organizer ng Maginhawa community pantry na gagawin na lamang drop-off point ang lokasyon.
Ayon kay Ana Patricia Non, ipadadala na ang mga goods sa mga barangay na sakop ng Diliman.
“Mula sa isang pantry sa Maginhawa magiging pantries na ito! Simula bukas (April 27) magiging donation drop off center na ang 108 Maginhawa St. tapos ihahatid natin ang goods sa mga barangay sa Diliman na karaniwang pinanggagalingan ng mga recipients,” ani Non sa kanyang Facebook post.
Mas magiging maayos, aniya, ang sistema ng pamimigay sa mga community pantries kung bawat barangay ay mabibigyan ng goods.
“Sa decentralized pantry system magiging organized at efficient ang distribusyon sa tulong ng barangay at existing community pantries,” dagdag ni Non.
Magiging mas malapit na rin sa mga recipients ang mga goods kaya’t di na sila mahihirapan maglakad, aniya pa.
Maiiwasan na rin ang mga paglabag sa health protocols at sa ipinaiiral na curfew.
Matatandaang bago pa lamang mag-ala-singko ng umaga ay dagsa na ang mga residente sa Maginhawa community pantry upang makakuha ng kanilang pangangailangan.