BUGBOG ang inabot ng TV cameraman matapos kunan ng video ang resort sa Caloocan City na kamakailan ay ipinasara dahil sa pago-operate kahit umiiral ang modified enhanced community quarantine (MECQ).
Inireklamo na sa pulisya ng biktimang si Arnel Tugade ang tatlong suspek, kabilang ang isang Dennis Cawigan.
Ani Tugade, nagtungo siya sa Gubat sa Ciudad upang kunan ng video ang mga tao na nagsu-swimming sa resort.
Naispatan niya ang jeep na punong-puno ng pasahero na huminto sa harap ng resort kaya sinundan niya ito.
“Nung pag-zoom out ko doon ko na nakita na pasugod na itong sumuntok sa akin. Hinawakan niya ‘yung lente ng camera ko sabay na jinab sa mukha ko,” kwento ni Tugade.
“Wala na akong nagawa. Bale tatlo sila,” dagdag niya.
Kabilang umano sa mga nambugbog kay Tugade ay mga kliyente ng resort.
Paliwanag naman ni Cawigan, hinampas umano ni Tugade ng kamera ang kapatid niya kay kinuyog nila ito.
Kamakailan ay ipinasara ni Caloocan Mayor Oscar Malapitan ang Gubat sa Ciudad dahil sa paglabag nito sa quarantine guidelines sa ilalim ng MECQ.
Kinasuhan din ang may-ari ng Gubat sa Ciudad habang inaresto ang chairman ng barangay na sumasakop sa resort.