SUV driver na sumagasa sa sekyu tuluyang tinanggalan ng lisensiya; wanted na

TULUYANG tinanggalan ng lisensya ng Land Transportation Office ang SUV driver na nakabundol at sumagasa sa isang security guard noong isang linggo sa Mandaluyong City.

Ayon sa LTO, “perpetually disqualified” na rin ang suspek na si Jose Antonio San Vicente sa hit-and-run incident na makakuha ng lisensiya para makapagmaneho matapos nitong hindi siputin ang ipinatawag na imbestigasyon hinggil sa nangyaring pananagasa kay Christian Floralde.

Sa kumalat na video, nagmamando ng trapiko si Floralde nang bundulin ito ng puting Toyota RAV 4 na may plakang NCO 3718 na nakapangalan kay San Vicente, at nang bumagsak ang security guard ay sinagasaan naman ito.

Nakahanda naman ang Mandaluyong Police na hagilapin ang suspek sa sandaling maglabas ng arrest warrant ang Mandaluyong City Regional Trial Court kaugnay sa kasong isinampa laban dito ni Floralde.