Suntukan ng mga bagets dinumog

PINAGHAHANAP na ng mga otoridad ang dalawang teenager na nagsuntukan sa Brgy. 38 sa Tondo, Maynila nitong Lunes upang mapagsabihan at isailalim sa swab testing.


Sinabi rin ng mga opisyal ng barangay na maliban sa mga bagets, marami rin sa mga residente na nanood sa away ay lumabag sa Covid-19 health protocols.


Sa video na kumalat sa social media, makikita na walang suot na face mask ang dalawang bata at ilan sa mga nambubuyo sa kanila.


Napag-alaman na tumigil lang ang suntukan ng mga teenager at nagpulasan ang mga tao nang may dumaan na sasakyan ng pulis.


Hindi naman namonitor ng mga opisyal ng barangay ang pangyayari kahit nasapul pa ng CCTV ang insidente.


Samantala, sinabi ng mga tanod na hindi residente ng barangay ang dalawang bata.


Ayon sa pulisya, sa oras na matunton ang bahay ng mga sangkot ay ipatatawag ang mga ito at kanilang mga magulang upang isailalim sa counselling at swab test.