Security guard na sinagasaan ng SUV nakalabas na ospital, itutuloy ang kaso

NAKALABAS na ng ospital ang isang security guard na nagtamo ng mga pinsala matapos sagasaan ng SUV sa Mandaluyong City kamakailan.

Ayon sa biktimang si Christian Joseph Floralde, sasampahan niya ng kaso ang sumagasa sa kanya habang siya ay nagmamando ng trapiko sa kanto ng Julia Vargas Avenue at St. Francis street.

“Tutuloy ko po ‘yung kaso para makamit ko po ‘yung hustisya na nararapat po sa akin,” ayon kay Floralde.

“Sa ngayon, masama pa rin ang loob ko sa ginawa niya sa akin. Tinakbuhan niya ako, hindi man lang siya tumigil bagkus iniwan ako. Pero may Diyos tayo na marunong magpatawad at ang Diyos na ho ang bahala sa kanya,” dagdag pa niya.

Nauna nang sinabi ni Mandaluyong City Police chief Police Colonel Gauvin Mel Unos na hinihintay nila ngayon ang korte na maglabas ng warrant bago gumawa ng hakbang laban sa suspek.