TINIYAK ng isang opisyal ng Bureau of Animal Industry (BAI) na sapat ang suplay ng itlog sa harap ng pagtaas ng presyo nito sa mga palengke.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni BAI Livestock Research and Development Supervising Science Research Specialist Lani Plata Cerna na mataas ang pangangailangan sa itlog sa lalo’t papalapit ang Kapaskuhan.
“Sa kasalukuyan ay stable po ang ating itlog, nasa P7 per piece ang presyo ng itlog,” sabi ni Cerna.
Idinagdag ni Cerna ang suplay at pangangailangan ng itlog sa bansa ang siyang nagdidikta sa presyo nito.
“Tulad ng ibang pagkain, inaasahan na tataas ang demand sa itlog kasi ang bread, cakes at ibang pastries ay in-demand sa mga handaan lalo na sa Pasko at Bagong Taon. Kapag tumaas ang demand sa itlog at hindi natugunan ng local supply, may posibilidad po talaga na tumaas ang presyo,” sabi ni Cerna.
Idinagdag ni Cerna na sa kasalukuyan nasa 112 porsiyento ang sufficiency ng itlog sa bansa hanggang Disyembre.