INIHAYAG ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar na sinibak na sa serbisyo ang pulis na binaril sa ulo ang 52-anyos na kapitbahay sa Quezon City noong nakaraang buwan.
“Today, I signed the dismissal order of Police Master Sergeant Hensie Zinampan who was found guilty of Grave Misconduct and Conduct Unbecoming of a Police Officer in connection with the killing of 52-year old Lilybeth Valdez on May 31, 2021,” ani Eleazar sa kalatas.
Noong Hunyo 3 ay sinampahan ng grave misconduct, isang kasong administration, si Zinampan.
Ipinaliwanag ni Eleazar na inabot ng halos isang buwan bago tinanggal sa serbisyo ang pulis dahil kinailangang sumunod sa proseso upang hindi na ito muli pang makabalik sa PNP.
“Ang pagkakatanggal kay PMS Zinampan sa serbisyo ay isa lamang sa mga patunay na hindi namin kinukunsinti ang mga pang-aabuso at mga kamalian sa aming hanay. Ito din ay nagpapatunay na ang disciplinary mechanism sa PNP ay gumagana, matatag at maasahan,” ani Eleazar.
“Let this incident be a warning to all PNP personnel that I will not tolerate wrongdoings in our beloved organization, and a constant reminder for each and everyone of us to live up to the three important and meaningful words in the PNP Seal—Service, Honor and Justice,” aniya pa.
Nakadetine si Zinampan dahil sa kasong murder.
Nakuha sa video kung paano pinatay ng noon ay lasing na si Zinampan ang 52-anyos na si Valdez habang bumibili sa tindahan.