Pulis blangko sa QC twin-slay


BLANGKO pa rin ang pulisya sa motibo at utak sa pananambang sa dalawa katao sa Brgy. Marianas, Quezon City nitong Miyerkules ng gabi.


Ayon sa mga imbestigador, lalong naging malaking palaisipan ang kaso dahil sa mga ID na nakuha sa mga biktima na isang babae at isang lalaki.


Napag-alaman na ilang ID na nakuha sa dalawa ay mayroong magkakaibang pangalan at address.


Sinabi ng pulisya na pareho ang larawan sa mga ID pero iba-iba ang nakalagay na pangalan at address.


“Ito ay ating iniimbestigahan at inaalam natin kung ang mga bagay na ito may kinalaman din sa pagpatay sa kanila,” ani Quezon City Police District director Brig. Antonio Yarra.


Idinagdag niya na hindi pa nila makumpirma kung mag-asawa ang dalawa dahil walang nakakakilala sa mga ito sa lugar kung saan sila pinatay.


Dahil dito, plano ng kapulisan na isapubliko ang larawan ng dalawa para agad silang makilala at matuldukan ang kaso.


Ayon sa ulat ng pulisya, sakay ng kotse ang dalawa nang pagbabarilin ng mga suspek na armado ng assault rifle.


Hinila pa umano palabas ng sasakyan ang babaeng biktima ng isa sa mga suspek bago niratrat.


Pinaputukan naman ang lalaking biktima habang umaatras.


Tumakas ang mga suspek matapos ang pagpatay.